2

4.9K 137 1
                                    

SA IBANG pagkakataon ay hinagis na ni Rigorr sa trash bin sa silid ang envelope na kinalalagyan ng bago niyang assignment. Sa mahigit isang taon na niyang kasama ang big boss ng RRS na si Rance, unang pagkakataon iyon na gusto niyang bugbugin ito hanggang magkalatay lahat ng parte ng katawan.

Bakit hindi? Ang assignment na ibinibigay ni Rance sa kanya ngayon ay mas masahol pa sa ginawa nitong pakikipag-deal sa kanya a year ago, para mahanap niya ng madalian ang anak ng ni Uncle Soilo.

Si Rance ang kumilos noon nang mabilis para sa kanya. Nang mabuo nito ang mga impormasyon ay ipinasa iyon sa kanya kapalit ng ayon dito ay 'simpleng pabor'.

"Be one of my men," pantay na sabi ni Rance noon, hawak ang file folder na naglalaman ng lahat ng impormasyong kailangan niya—kailangan niya ASAP dahil sa palalang-palalang kondisyon ni Uncle Soilo. Tinanggap niya ang kondisyon ni Rance nang hindi nag-iisip. At gusto niyang saktan ang boss nang malaman niyang isa sa mga tao nito ay may direktang kaugnayan sa pinsang hinahanap niya.

Si Sarah ang pinsan ni Rigorr. Asawa na pala ito ng isa sa mga tao ni Rance, si Verge. Hindi niya alam kung ano ang talagang nangyari sa dalawa at pinutol na lang ng pinsan ang komunikasyon kay Verge mula noong sumama ito sa kanila ni Ella sa Vigan. Sa ama itinuon ni Sarah ang atensiyon nito. Natuwa siya nang sa huli ay nagkasundo rin ito at si Ella. Natupad ang huling wish ng Uncle Soilo niya—namatay ito na nasa tabi ang dalawang babaeng mahal.

Sa ngayon ay abala pareho sina Ella at Sarah sa pagpapaganda. Naimpluwensiyahan na ni Ella nang tuluyan ang pinsan. Natutuwa naman siyang sa pamamagitan ng sabay na physical activities ng mga ito ay nalampasan na ng dalawa ang lungkot, tulad niya.

Mula nang makita ni Rigorr na unti-unti nang nagbabalik ang sigla ng dalawang babae ay naging okay na rin siya. Malaking tulong rin na ipinaparamdam sa kanya ng mga ito na bahagi siya ng iniwang pamilya ni Uncle Soilo. Hindi nga lang dependent sa kanya ang dalawang babae dahil sa presence ni Wyco, ang kaibigan ni Ella na lagging nasa bahay nila. Parang hindi makahinga ang lalaki tuwing hindi nakakadaan sa bahay. Kung hindi lang niya alam ang pagmamahal ni Ella sa uncle niya, iisipin ni Rigorr na may relasyon ito kay Wyco. 

Lalong kumulo ang dugo ni Rigorr nang mapansin niyang nagpipigil ng ngiti ang dalawang taong kasama niya sa private office—sina Randy at Verge. Si Verge lang ang may hawak na envelope sa dalawa kaya nahulaan na niyang siya at si Verge lang ang may bagong assignment. At base sa anyo nito, mukhang sa kanilang dalawa ay siya ang mas magiging miserable. Malapit man siya kay Rance, hindi niya maaring baliin ang rule nito pagdating sa pagtatalaga ng bawat assignment. Hindi siya maaring tumanggi dahil kahit minsan ay hindi nagbigay ng assignment si Rance sa maling tao.

Sa kanya ipinapasa ng boss ang  bagong trabaho na iyon, ibig sabihin, siya ang pinaka-karapat-dapat na gumanap sa iniaatas nitong responsibilidad. May tiwala si Rance sa kanya. Alam nitong kaya niyang tapusin ang misyon nang wala silang magiging problema—at ni minsan, hindi pa nagkamali si Rance sa pagbibigay ng assignment. Natatandaan niyang may mga trabaho na hindi ito panatag ipagkatiwala sa kanila—sa mismong isa sa mga kaibigan nito ipinapasa ang bagong assignment.

Kaya naman sa pagkakataong iyon ay alam niyang para sa kanya ang trabaho—ang trabahong magka-nervous breakdown sa konsumisyong dala ng kliyente.

Gustong magtagis ng ngipin ni Rigorr nang ngingisi-ngising nagpaalam na si Verge dala ang envelope nito. Si Randy naman ay narinig niyang sa Bicol ang destinasyon. Si Zairo na partner niya ay kasalukuyang nasa Mindanao.

Habang siya ay heto,  unti-unting mawawala sa katinuan dahil sa subject. Pinigil niyang magmura ng malutong. Alam ni Rigorr na mabilis si Rance, sa pagkalukot pa lang ng mukha niya ay sigurado siyang nahalata na nitong hindi niya gusto ni katiting man lang ang bagong trabaho.

Si Wendy-Worst Witch Veltrano lang naman ang babantayan niya. Ang brat na unica hija ng Mayor ng Victoria na si Willard Veltrano. Mas masahol pa sa pinakamasamang witch ang kamandag ni Wendy pagdating sa trato sa mga bodyguards. Kilala ang prinsesang-bruha ni Mayor sa kalupitan sa security team ng alkalde. Maging professional bodyguard killer yata ang gusto nitong profession. Nakarating sa kaalaman niya na ilang beses tinanggihan ng magkakaibigang boss ang trabahong may kaugnayan kay Wendy.

May masama yatang nakain ang big boss na si Rance at tinanggap na nito ngayon ang alkalde bilang bagong kliyente.

"Go on with the details, Finch." pormal na sabi nito, hindi pinansin ang maasim niyang anyo. Sa hula ni Rigorr ay mas umitim yata siya sa inis. Inis na dahilan rin kaya hindi niya binasa ang detalyeng tinutukoy nito.

Ibinaba ni Rigorr ang mga mata sa itemized sentences sa ibaba ng nakangiting picture ni Wendy. Sinadya niyang hindi pansinin ang magandang babae na ngiting-ngiti—parang anghel si Wendy sa picture. Nakaka-distract ang tamis ng ngiti at ganda ng mga mata. Kung sana hindi niya alam ang kalupitan ng prinsesang-bruha...

"Abot-abot ang pakiusap ni Mayor Willard," sabi ni Rance. "Lihim ang pakikipag-ugnayan niya sa RRS. Gusto kong tumulong kaya hindi ko na siya tinanggihan. Seryoso ang kaso, Finch."

Gusto ni Rigorr na magtanong at magmura nang sabay pero mas pinili niyang ilugar sa tama ang sarili—mas pinili niyang tumango at manahimik.

Nagpatuloy ang mga mata niya sa pagbabasa. Awtomatiko ang pagkunot ng noo ni Rigorr nang mabasa niya ang huling pangungusap. Nakaawang ang bibig na bumaling siya kay Rance na titig na titig pa rin sa kanya.

"Long lost brother!?" bulalas ni Rigorr at natawa ng walang laman. "Ako?"  at naituro ang sarili sabay mura sa isip.

Sana ay kalokohan na lang ang lahat ng nabasa niyang iyon pero base sa tingin sa kanya ni Rance ay ang detalyeng inuulit niyang basahin ang magiging realidad ni Rigorr sa mga susunod na araw.

Rigorr (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon