Chapter 10- Mensahe

267 9 0
                                    

Persperktibo ni Helen
______________________

"Ano? Bakit?" Tanong ko pa kay Macario na nasa kabilang linya, matapos siyang magpaalam  na pupunta raw sila ng Caragao kasama ang mga Pulis na hahawak sa imbestigasyon kay Teresita.

"May nakita kasi sila doon mismo sa kung saan nahanap ang kotse. Kaya kinailangan nilang pumunta roon—at syempre, sasama ako sa kanila." Sagot pa ni Macario sa akin. Ngunit halata sa boses nitong malumanay na parang hindi ito mapakali. Yung tipong parang kakaiyak niya kani-kanina at pilit na magpakatatag habang may kinakausap para ipakita na maayos lang talaga siya.

Kilalang kilala ko ang asawa ko. Pero kahit pa na ganoon ay hinayaan ko na lang at hindi na yun binigyan pa ng karagdagang pansin. Dahil hindi ko rin naman siya masisisi, anak niya mismo ang nawawala—at kagaya ko ay matindi rin ang pag-aalala niya para kay Teresita.

"Sige, sige. Mag-iingat kayo, ah? Balitaan mo ako kung ano ang nangyari." Tanging naisagot ko sa kanya.

"Sige, bye. Basta magpahinga ka lang diyan at wag masyadong isipin ang mga problema natin. Nandito naman ako." Bilin pa ng asawa ko bago nagpaalam at ibinaba ang tawag.

Tinawag ko si Andre para ipaalam sa kanya na hindi muna uuwi ang kanyang ama pero hindi ito sumasagot sa akin. Sa tingin ko ay nakamukmok pa rin ito sa kanyang kwarto. Mula kahapon kasi ay naging madalang na lang ang pag-labas nito sa kwarto. Lumalabas na lang kung kakain o di kaya'y magbabanyo—kaya hinahayaan ko na lang. 

Bumaba ako sa kusina at nakita roon si Xandra nagluluto ng pang-hapunan.

"Ma'am, good evening po." Bati pa nito sa akin.

At dahil wala akong makausap sa bahay sa mga sandaling yon ay minabuti ko na lang na makipag-usap sa kanya. Para kahit papaano ay maisasalba ko ang sarili ko mula sa pagkakabaliw matapos ang mga pangyayari nito lang mga nakaraang araw.

"Since ito ang unang araw mo rito sa amin, pwede mo bang ikwento sa akin yung buhay mo...para mas lalo pa kitang makilala? Tanong ko pa sa dalaga.

Napangiti naman itong lumingon sa akin bago niya ibinaling ang kanyang tingin sa ginagawa.

"Katulad lang din po sa mga madalas na namamasukan bilang katulong. Galing lang din po ako sa isang mahirap at watak-watak na pamilya. Naghiwalay po kasi ang mga magulang ko noong malaman ni Nanay na nambababae si Tatay. At dahil si Tatay lang ang may trabaho at tanging bumubuhay sa amin ay naghirap kami nang husto—hanggang sa napilitan na si Nanay na magbenta ng kanyang sariling laman. Kaso yun na po ang unang araw na nagbago siya. Iniwan niya na rin kaming magkapatid matapos ang isang buwan niya sa kanyang trabaho dahil sumama na rin siya sa ibang lalaki. At dahil dalawa na lang kami ni Kuya ay kinailangan niyang kumayod para sa amin. Kalaunan, naging isang bus driver naman si Kuya, pero may sarili na siyang pamilya ngayon. Kaya eto po ako, namamasukan bilang kasambahay para may panggastos po ako sa mga sarili kong pangangailangan." Sagot nito sa akin. 

At habang nagsasalita si Xandra tungkol sa buhay niya ay di ko namalayang napapaluha na rin ako. Kundi niya pa napansin ay hindi ko pa malalaman.

"Ma'am, okay lang po ba kayo? Pasensya na po kayo kung masyadong madrama ang buhay ko." Nag-aalalang tanong ng dalaga.

"Ah..wala. Pasensya ka na, naiisip ko lang ang anak namin, si Teresita. Mag-iisang linggo na kasi itong nawawala, at wala kaming balita kung nasaan at ano na ang kalagayan niya ngayon. Nalulungkot lang talaga ako dahil si Teresita lang talaga ang madalas kong nalalapitan sa tuwing may problema ako. Siya--o, kaming dalawa lang talaga ang nakakaintindihan. Kaya pasensya ka na rin kung medyo madamdamin ako ngayon."

"Okay lang po yun, Ma'am. Naiintindihan ko naman po ang inyong sitwasyon, kaya ilabas niyo lang po yan. Pero wag niyo pong kalimutan ang magpakatatag dahil babalik din naman po siya sa inyo." Nakangiting sabi ni Xandra habang tinatapik ang balikat ko. 

Sa totoo lang ay nalulunod na ako sa kalungkutang nadadarama ko sa mga oras na ito, gawa ng nangyari sa aming anak. Madalas kasing nasa labas si Macario para makipag-ugnayan sa mga Pulis. Si Andre naman ay hindi ko na halos makita kahit pa na nandirito lang naman siya sa bahay. Kaya tanging kay Xandra lang ako nakahanap ng karamay at dahil doon ay lubos ko siyang pinasalamatan.

Matapos makipag-usap sa dalaga ay naisipan ko munang pumunta sa sala. Pinagmasdan ko ang family picture namin na nakalagay sa loob ng divider. Doon ay nakikita ko ang mga ngiti ng isang masaya at buong pamilya. Hindi ko mawari kung ano ang dumating at sa isang iglap lang ay nagbago na ang buhay namin. Mag-iisang linggo pa lamang nawawala si Teresita, oo. Pero para sa akin ay higit pa ito sa isang taon.

"Nak, umuwi ka na." Ito lamang ang tanging laman ng isip ko. At hindi ito mawala-wala sa isipan ng isang inang nag-aalala. 

Ngunit habang nakatitig ako sa mga litrato ay may napansin ako sa gilid ng aking mata. Nasulyapan ko sa repleksyon ng transparent na salamin ang isang matandang lalaki na nakatayo sa aking likuran. Pero pagkalingon ko ay wala akong ibang nadatnan doon kundi si Andre na nakatayo roon. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa akin.

"M--ma? May bagong post po si Ate..." Ito ang sabi ni Andre habang hawak-hawak ang kanyang cellphone.

Agad kong kinuha ang kanyang cellphone para tignan kung ano ang laman nito. Noon ay sadyang nanlaki ang mga mata ko habang palakas nang palakas ang kabog ng aking dibidib. Totoo ngang may bagong post si Teresita, ngunit hindi naman ito ang update na gusto kong makita mula sa kanya.

Dahil sa kanyang post ay nakasulat ang isang napakapamilyar na pangungusap—na siyang lalong nagpalala sa aking kaba...

"Ako ay palaging nasa gitna ng magkabilang lima."


Ang Pagkawala Ni Teresita GomezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon