Ang Pagbaba ni Lem

27 1 0
                                    

---
Para sa Pride Week 2018
---

Nakita namin ang kasintahan kong si Lem na nakalambitin sa kisame ng kanyang kuwarto, malamig, matigas, at wala nang buhay.

Dalawang linggo na ang nakalipas nang huli ko siyang nakita, at ‘di pa maayos ang huli naming engkuwentro. Ang problema kasi, aalis na ako papuntang Batangas para mag-aral. Maiiwan siya sa Maynila. Hindi ko napilit ang mga magulang ko, at sila daw ang makapangyayari’t sila ang gumagasta. BS Accountancy ang target kong kurso, siya naman, gustong sumubok ng Fine Arts sa UP. Matagal ko nang alam na mayroon siyang karga-kargang depresyon, at sinabi ko na rin sa mga magulang niya, bilang stable na kasintahan nga niya.

Pero wala pa rin silang ginawa.

Sinisisi ko ba sila? Siguro, kaunti. Kalahati, at least. Pakiramdam ko kasi, ako dapat ang may karga ng lahat ng guilt. Kami naman ang laging magkasama. Pero wala, e. Ang akala ng magulang niya, ‘phase’ lang ang pinagdadaanan ni Lem, at kahit daw noong bata ito’y malungkutin na. Hindi ko na lamang nasabi na dapat noon pa’y pina-check up na sana nila kung malungkutin.

Pero hindi naman kasi ganoon sa Pilipinas, friend. Hindi ganoon. Dito sa ating mahal na Pilipinas, Perlas daw ng Silangan, ang mga may sakit tulad ng clinical depression, madalas ay naisasantabi. Madalas ang dahilan ay ‘di paniniwala na mayroon pala talagang ganitong sakit. Naaalala mo ba si Joey De Leon sa Eat Bulaga? Maraming katulad niya. Gimik-gimik lang daw ang sakit sa kaisipan. Sa huli, naging gimik na nga lang, at tuluyan na yatang nawalan ng simpatya man lang ang mga tao.

“Roger,” sabi niya minsan sa akin, sa isa sa mga sitwasyon na siya’y nahihirapan bigla sa paghinga at nanlalamig dahil sa kanyang depresyon.

“’Di ko na yata kaya.”

Niyakap ko na lamang siya dahil ‘di ko alam ang gagawin ko.

***

Hindi ako makahinga nang ibinababa ang katawan ni Lem mula sa kisame. Naipit sa dibdib ko ang lahat ng pag-iyak at panghihinayang at awa. Nabato ako sa kinatatayuan ko. Suot pa niya ang kahel na tshirt na niregalo ko sa kanya noong birthday niya. Bilang katuwaan, pinirmahan ko pa ito sa likod. Parang football shirt, pero siya naman daw ang number one fan ko, kaya dapat pumirma ako. Pumirma naman ako kahit masama loob ko’t bago nga ang tshirt at nabili ko sa pa sa sale sa Uniqlo.

Walang pulis, o duktor nang siya’y ibaba mula sa kisame. Nagising lang ako sa pagkabato ko sa puwesto nang ako’y tawagin ni Tatay Romy, na tito ni Lem. Tumulong daw ako sa pagbuhat, at mabigat na si Lem.

Kapag patay na kasi ang tao, bumibigat ang katawan. Hindi na kasi tumutulong ang may katawan mismo. Lahat ng bigat, nakaatang na sa ibang tao. Nakayakap ako sa may baywang ni Lem habang binababa siya. Mahigpit ang pagsara ng sirkulo’t buhol ng lubid na ginamit niya; napilitan silang putulin pa ito gamit ang isang maliit na lagari at mataas ang kisame.

Nanlamig ang dugo ko sa tunog ng paglagari sa lubid ni Lem. Gusto ko siyang tulungan sa puntong yon, sa puntong nakadikit ang kulay ube niyang leeg sa demonyong lubid na ginamit niya para takasan ang lahat. Pero huli na ang lahat, e. Ganon naman yata ang buhay.

Paalam, Lem. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 18, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PULSONG NAGWAWALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon