Sadyang kayhirap talaga ang mangibang bansa
Isusubsob ang sarili sa pagtatrabaho para lang kumita
Minsa'y pinagsasamantalahan na ng iba, nilalamangan pa ng kapwa
Pero lahat ng iyon ay tinitiis at kinakaya upang buhay ay maging marangyaIiwanan ang pamilya at lilisanin ang sariling bayan
Upang makipagsalamuha sa iba't-ibang mga dayuhan
May takot man sa dibdib ngunit kailangang subukan
Isusugal ang kaligtasan upang makipagsapalaranBuhay OFW ay kinailangang tiisin
Araw-gabi ang iyakan sapagkat napakasakit sa damdamin
Mapapalayo sa sariling anak at ibang bata ang aarugain
Labag man sa kalooban ngunit kinailangang gawinPagod at hirap sa bawat araw ang dinadanas
Iba't-ibang klase ng trabaho ay hindi pinapalampas
Minsan ang pagpapahinga ay wala na sa oras
Sapagkat sa ibang bansa bawat minuto ay may katumbasHindi madali ang mamuhay at magtrabaho sa ibang bansa
Ngunit tila ba nagpapakasarap ka sa kanilang pag-aakala
Kung makahingi kasi para bang namumulot ka lang ng pera
Palibhasa'y waldas dito, waldas diyan lamang ang ginagawaPati pagkain ay nakakalimutan dahil sa pagtatrabaho
Sa kaiisip sa naiwang pamilya ay hindi makakakilos ng wasto
Di baleng mahirapan maibigay lamang ang magandang buhay para sa mga ito
Ginagawa mo na nga ang lahat ngunit sa huli ikaw pa rin ang taloSa bawat araw pamilya ang naging inspirasyon
Napalayo man sa kanila mababakas pa rin ang mga alaala ng kahapon
Sa pag lipas ng mga araw, buwan at mga taon
Sana lang sa kahirapan ay tuluyan nang maiaahon