Kaibigan

1 0 0
                                    

Nasaan ka nga ba nang ika'y aking kailangan?
Naroon ka sa iba at tuluyan na akong tinalikuran
Sa iyo ba mismo ako'y may nagawang kasalanan?
Para ganoon mo na lang kalimutan ang ating pinagsamahan

Akala ko ba hanggang dulo magkasama tayo?
Ano na nga ba ang nangyari sa mga pangako nating pareho?
Nasaan na ba 'yong "nandito lang ako kapag kailangan mo ako?"
Pati ba naman 'yun ay tuluyan nang nawala sa isip mo?

Bakit nga ba ako'y iyong iniwan nang ganoon na lang?
Hindi nga ba talaga naging mahalaga sa 'yo ang ating pagkakaibigan?
Nang dahil sa isang pagkakamali ay hindi ko inaasahan
Na ang tinuturing kong kaibigan ay bigla na lang akong tatalikuran

Hindi ko naman hinihingi na ika'y manatili at ako'y kunsintihin
Ang mawalan kasi ng kaibigan ay sadyang kay sakit lang talagang isipin
Buong akala ko kasi kahit anong mangyari'y naroon ka pa rin para sakin
Ngunit paglingon ko'y naroon ka na sa malayo halos hindi na maabot ng tingin

Siguro nga ay hanggang doon na lang ang ating kaligayahan noon
Maligayang pagsasamahan na bumuo sa ating mga kahapon
Pagkakaibigan na isang pagsubok lang pala ang makakahamon
Pagsasamahan noon na hindi na yata maibabalik pa sa ngayon

Kay sakit mang tanggapin na isa sa atin ang bumitaw
Wala ng magkasamang tayo mayroon na lang magkalayo na ako at ikaw
Ang sarili ko'y hindi ko na sa'yo ipagpipilitan
Salamat sa alaala ngunit kailangan na rin kitang palayain, kaibigan

Quin Leigh's MasterpieceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon