Hating Bakla
(SHERIDAN)
Trouble 6~~~
PABAGSAK na binitiwan ni Shersher ang hawak na suklay matapos marinig ang paglalahad-siwalat ni Mr. Manalo. Tumalikod siya sa salamin at nagdidilim ang mukhang inismidan ang sosyalerang bakla. Taas-noong nakatayo at ayaw umupo sa kawayang upuan. Lantaran pa ngang umiigkas ang kilay sa paismid na pagsusuri sa kanilang tahanan. Sa likod nito ay ang mga maletang kasinkapal ng kolorete nito sa mukha. Na sa tingin niya'y mas lalong kumapal dahil sa kakapalan ng mukha nitong mapangmata.
At ang isiping kapatid niya sa labas ang maarteng bakla, hindi niya matatanggap.
"Ayaw kong makasama ang maarteng dugong na 'yan dito sa bahay." Madiin niyang tutol. Nagtinginan sa kanya ang apat na pares ng mga mata.
Si Mrs. Manalo ay halatadong nabibigla kasabay ng pag-uulap ng mga mata.
Si Mr. Manalo na tila mas lalong tumigas ang mukha sa asal na pinakita ni Shersher.
Si baklang dugong na mapang-insultong ngumiti, tumaas ang kilay at umiling.
At si Calvin na kung bakit kanina pa matalim ang mga mata kay Shersher at... kung bakit hindi pa rin umaalis gayong pampamilya ang pinag-uusapan nila na dapat ay hindi nito pinakikinggan o sinasaksihan.
"Dito na titira si Rolan." Sa matigas na tono ay giit ni Mr. Manalo. Naroon ang pinalidad at kapangyarihan bilang haligi ng tahanan. "Ako ang masusunod sa ayaw at sa gusto mo. Wala na siyang ibang kapamilya at minor de edad pa siya! Kung meron sa parte ng ina niya, hindi siya tinatanggap dahil bakla siya! Kaya akong ama niya ang kakalinga sa kanya. Kapatid mo siya, Sheridan---"
"Na ngayon mo lang sinabi sa amin ng anak mo!" Si Mrs. Manalo na tuluyang humulagpos ang hinanakit.
"Edita--"
"Sa hinaba-haba ng panahon, Mario! Bakit ngayon lang?" Tumayo ang ginang at buong pinalis ng daliri ang sariling mga luha. "Kung hindi pa namatay ang ina ng batang 'yan hindi namin malalaman na minsan pala ay nagtaksil ka sa akin---"
"Huminahon ka, Edita..." mahinahong alo ng lalake. Tumayo at tangkang lalapitan ang asawa subalit winaksi ng ginang ang kamay nito.
"Wag mo ako hawakan!"
"H-Hindi ako nagtaksil sa 'yo... A-Anak ko siya sa pagkabinata at---"
Pero nabiling sa sampal ang mukha ni Mario.
"Paanong mangyayaring anak mo siya sa pagkabinata mo! Halos magka-edad lang sila ni Sheridan! Ano ako, ha? Bobo? Maliwanag pa sa sikat ng araw na anak mo ang baklang 'yan sa pagkahudas mo!" Mataas ang tonong tuligsa ng ginang.
Bahagyang nag-apuhap ng sasabihin si Mario. Sapul na sapul ito sa nagawang pangangaliwa noon---o hanggang ngayon na nabunyag iyon. Pero ang maisip na mapapariwara ang isang anak ay hindi na makakaya pang dalhin ng lalake sa konsensiya nito. Pananagutan nito ang pagkalinga sa anak-sa-pagkahudas.
"Kung ayaw nila sa akin, Papa... okay lang," ang mataray at balewalang sabi ni Rolan. Sa halip ay tila nagmamalaki pa itong ngumiti habang taas-noo. "Mas gusto kong bilhan mo ako ng bahay at lupa."
"Ang kapal mo!" Hindi niya napigilang singhal sa baklang dugong. "Anong akala mo sa Itay ko, tumatae ng ginto? Bakit hindi mo na lang gamitin 'yang tigas ng mukha sa pamilya ng ina mo? Huwag kami ang kinukunsumi mo sa kapritso mo! Ambisyosa!" Sabihin pang hindi niya halos mapaniwalaan ang kakapalan ng mukha nito para mag-demand ng bahay at lupa. Hindi ba nito alam na hindi naman ganoon kalaki ang sweldo ng isang inhenyero. At kung paghahatiin iyon sa allowance niya, sa gastusin sa bahay, sa bisyo pa ng kanyang ama tapos dito pa sa maluhong---ah, siguradong hindi iyon sasapat.
BINABASA MO ANG
Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)
Любовные романы"Nang muli kitang makasama at makita ang mga ngiti mo. Inisip ko na parang masarap lumimot sa galit at ikaw na lang ang isipin ko." Una pa lang... doon sa Dolores High School; nasa puso na niya si Calvin Formalejo. Tinatanaw... hinahangaan at lihim...