Isang madilim at makipot na eskinita. Walang poste ng mga ilaw, walang sinoman ang naroon. Ito ang daang kailangan kong tahakin upang makauwi saamin. Natatakot man ay inihakbang ko ang aking mga paa at sinimulang lakarin ang eskinita. Tanging mga kuliglig lamang ang aking naririnig. Ilang sandali pa nang ako ay makarinig ng mga kaluskos, biglang nangibabaw ang kaba sa aking dibdib na ani mo ito'y tinatambol. Unti-unti kong nilingon ang aking likuran upang malaman kung saan at ano ang pinagmulan ng kaluskos. Napanatag ang aking loob nang makitang iyon ay isang pusa lamang. Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad, ngunit maya-maya pa'y naramdaman kong mayroong sumusunod saakin. Nilingon ko kung sino ito, ngunit wala akong nakita kahit anino. Muli akong naglakad ngunit naramdaman kong muli ang presensyang sumusunod saakin. Unti-unti akong napatigil sa paglalakad, sa tulong ng liwanag ng buwan ay nagawa kong makita ang anino ng tao sa aking likuran. Nakita ko sakanyang anino na mayroon s'yang hawak na matulis na bagay. Muling pumangibabaw ang kaba sa aking dibdib at ang tangi ko lamang naiisip ay tumakbo. Ngunit sa aking pagtakbo ay s'ya ring paghabol niya saakin. Sinubukan ko s'yang lingunin, ngunit hindi ko nakita ang kanyang muka dahil nakasuot siya ng itim na mask. Sa kabila niyon, kitang kita sakanyang mga mata ang determinasyong maabutan ako. Dahil sa takot ay mas binilisan ko ang aking pagtakbo. Pagod na pagod na ako at sobra nang hinihingal ngunit patuloy parin siya sa paghabol saakin. Malapit ko nang marating ang dulo ng eskinita, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, ako ay natapilok. Lumingon ako sa taong humahabol saakin, ilang metro na lamang ang layo niya saakin. Hindi ko na alam ang aking gagawin...ito na ba ang aking katapusan?
**********
Biglang nagising ang diwa ko dahil sa ingay ng alarm clock ko kaya agad kong pinatay iyon. Umupo ako at inihilamos ang aking mga kamay sa aking muka. Bakit kasi ang aga ng pasok eh! Sa kalagitnaan ng pagmumuryamot ko, naalala ko ang panaginip ko.
"Napanaginipan ko na naman s'ya. Sino ba kasi yung lalaking 'yon at pati sa panaginip ko sinusundan n'ya 'ko." Sambit ko.
Isa akong working student. Pagkatapos ng klase ko ay dumidiretso agad ako sa coffee shop na pinapasukan ko para makatulong sa mga magulang ko. Pero nitong mga nakaraang araw, sa tuwing uuwi ako galing sa trabaho ay may sumusunod sa'king lalaki. Lagi s'yang nakasuot ng cap at itim na mask kaya hindi ko nakikita ang muka n'ya. Pero taliwas sa panaginip ko, hindi n'ya ako sinasaktan. Sinusundan n'ya lang ako hanggang sa makauwi na para bang sinisigurado n'yang ligtas akong makakauwi. Pero bakit ganun ang naging panaginip ko? 'Di kaya humahanap lang s'ya ng t'yempo para saktan ako?
Minabuti ko na lamang na alisin sa isip ko 'yon at naghanda na lang sa pagpasok.**********
Kauumpisa palang ng second period namin tungkol sa Tourism Information Management. Second year college na ako as a tourism student. Nasa kalagitnaan ng pag di-discuss ang prof namin ng biglang bumukas ang pinto at dire-diretsong pumasok ang isang lalaki. Si Taeyong.
"Mr. Lee! Wala ka man lang bang balak na batiin ako? Late ka na nga ganyan ka pa umasta?" Sermon ng prof namin. Tinatamad namang humarap si Taeyong sa prof namin at sinabing, "Good morning". Sa sobrang inis ng prof namin, nagpatuloy s'ya sa panenermon pero hindi s'ya pinansin ni Taeyong. Naghanap naman s'ya ng mauupuan , pero dahil nga late na s'ya wala na s'yang makita. Nagulat ako ng tumingin s'ya sa direksyon ko, akala ko sa'kin s'ya nakatingin, 'yon pala ay sa upuan sa tabi ko. Iyon na lang kasi bakante.
Hindi ako mapakali sa kinauupuan ko nang tumabi s'ya sa'kin. Nate-tense ako sa presensya n'ya. Madaming babae sa campus ang nagkakagusto sakan'ya dahil gwapo s'ya, at isa na 'ko sakanila. Napaka perpekto n'ya, mula sa ayos ng buhok n'ya, tangos ng ilong, hubog ng labi, pati narin ang magandang hubog ng panga n'ya. Pero ang pinaka pumukaw ng pansin ko ay ang mga mata n'ya. Ang malamig n'yang mga mata, pero kung tititigan mo ay puno ng emosyon, ng istorya...
"Para kang kiti-kiti d'yan." Sabi ni Taeyong. Nabigla ako nang magsalita s'ya at hindi ako sigurado kung ako nga ba ang kausap n'ya kaya itinuro ko ang sarili ko bago nagtanong.
"A-ako ba?" Tanong ko pero tumawa lang s'ya, bigla tuloy akong nahiya. Minabuti ko na lang na manahimik at sinarili ang kahihiyan.