Nakaupo si Lola Perla sa labas ng kanilang bahay. Hinihintay niya ang pag-uwi ng kanyang apo. Nagtataka ito pagkat alasais na at wala pa rin ang apo niyang si Steve.
Habang naghihintay ay napansin ng matanda ang buwan. Mistulang malaki ito sa gabing iyon at namumula. Hindi nagustuhan ni Lola Perla ang nakita, dahil nagiging mapula lamang ang buwan sa Santa Monica tuwing mayroong masamang mangyayari.
"Diyos ko", napabulong ang matanda.
***
Nagising si Dr. Mark nang narinig niyang may kumakatok sa pintuan ng kanyang kwarto. Nakita niya sa digital clock sa tabi ng kanyang higaan na 6:10 na ng gabi. Siya ang duty sa gabing iyon sa Ospital ng Santa Monica. Tatlo lamang ang doktor sa ospital, at nagpapalitan sila araw-araw.
"'Nako, napahaba 'ata ang idlip ko", sambit ng doktor sa sarili.
Nakapatay pa ang mga ilaw at tanging ang pulang buwan lamang sa labas ang nagibibigay ng mahinang liwanag sa loob ng kwarto.
Bumangon ang doktor at isinuot ang puting blazer na nakasampay sa isang poste ng bunk bed niyang higaan, at mabagal itong naglakad patungo sa pintuan. Binuksan niya ang mga ilaw, at saka niya binuksan ang pinto, ngunit walang tao. Napakamot ng ulo si Dr. Mark.
Bawat doktor sa ospital ay may sariling kwarto. Ang tatlong doctors' quarters ay nasa isang mahabang hallway sa unang palapag ng ospital, hindi kalayuan mula sa emergency room.
Ang mga ilaw sa hallway ay pumipitik at mahina na. Napaisip tuloy si Dr. Mark kung guni-guni lang ba niya ang narinig niyang pagkatok.
Hindi rin nagtagal nang may dumating na nurse bago pa man isara ni Dr. Mark ang pintuan.
"Good evening po, Dr. Mark. Meron pong pasyente sa emergency room", sabi ng nurse.
"Kararating mo lang ba, Mel?", pagtataka ni Dr. Mark.
"Opo, bakit po?"
"Ah, wala naman."
Nanlamig ang doktor.
***
"Steve, pwede ka nang umuwi. Baka hinahanap ka na ng lola mo." Sabi ni Mrs. Anchetta, ang principal ng Santa Monica High School. Nasa may labasan sila ng ER ng ospital. Kasama ni Steve ang principal na dinala sa ospital si Josephine.
"Ah, maya maya na po siguro. May kailangan po akong itanong kay Josephine."
"Steve, please go home", sabi ng principal. "Pasado alasais na. Besides, baka hindi pa pwedeng makausap ngayon si Josephine. Paparating na ang parents niya, at stable naman daw siya. So, please go home."
Bagamat ay gustong maghintay ni Steve ay wala siyang nagawa. Nagpaalam ito sa principal at naglakad na palabas.
Nang makalabas ay napansin ni Steve sa unang pagkakataon ang pulang buwan. Napatitig siya ng ilang sandali sa maganda ngunit kakaibang liwanag nito.
Madilim na ang kalsada at malayo-layo pa ang kanyang lalakarin. Iniisip pa rin niya ang nakita niya sa paaralan, at ang nangyari kay Josephine.
Sa pagkakaalam ni Steve at dahil din sa kanyang karanasan, hindi kayang makakita ng mga ordinaryong tao ng multo. Kaya ganoon na lang ang pagtataka niya sa kung ano ang nakita ni Josephine, o kung may nakita nga ba talaga ang ito.
Patawid na si Steve sa isang highway nang mapansin niyang merong nakasunod sa kanya. Nasa bahagi siya ng bayan kung saan ay halos wala nang mga poste ng ilaw at wala ring masyadong bahay sa paligid.
Lumingon siya at may nakita siyang isang lalaking mistulang kaedaran niya. Naka-puting t-shirt ito at nakasuot ng pantalong uniporme ng Santa Monica High School. Nakayuko ang lalaki at nakabulsa ang mga kamay.
Nakaramdam ng panganib si Steve sa presensya ng 'di niya makilalang lalaki.
"Sino ka?" tanong ni Steve.
Unti-unting iniangat ng lalaki ang kanyang mukha, ngunit hindi pa rin siya makita ni Steve pagkat dahil na rin sa dilim.
"Kanina mo pa ba ako sinusundan? Anong kailangan mo?"
"Mas humahaba ang buhay ng mga taong hindi masyadong mahilig makialam." Napatawa ng mahina ang lalaki at tsaka lumakad palayo.
Hahabulin sana ni Steve ang lalaki, ngunit muling bumalik ang pakiramdam ng nagbabadyang masamang mangyayari sa Santa Monica. Sumakit ang ulo ni Steve, at pagtingin niya ay wala na ang lalaki.
BINABASA MO ANG
Santa Monica: A Filipino Ghost Story
رعبSanta Monica is a small town that was once covered by darkness no one saw coming. An evil being set foot in the town thirty years ago. And with his presence, the dead seemed to have come back. But the evil entity lost his first battle, but not witho...