“MA’AM KATE, may ipagagawa pa ba kayo?”
Nagtaas ng tingin si Kate mula monitor ng laptop nang marinig ang tanong na iyon ng kanyang secretary-assistant. “Bakit Liza?” balik na tanong niya.
“Eh, Ma’am, mag-a-out na sana ako kung wala na kayong ipagagawa sa akin.”
Napatingin siya sa wall clock na nakasabit sa dingding sa loob ng opisina. Pasado ala-singko y medya na pala ng hapon. Dahil naging abala siya sa mga nakalipas na oras ay hindi niya namalayan ang oras.
“Okay, you may go, Liza. Mukhang may date ka, ha,” nakangiting puna niya nang makitang nagpaganda nang husto ang babae at humahalimuyak din sa bago.
“Nasa ‘baba na nga, eh,” tila nahihiyang tugon nito.
“Okay, sige. Puntahan mo na, baka mainip ‘yon,” pagtataboy niya.
Tumalima naman si Liza. Nang mawala sa paningin ni Kate ang babae ay nagsimula na rin siyang magligpit ng mga gamit. She was the sole owner and the manager of K-Projects, an events management firm. She had an idea putting up that kind of business when she had her OJT at Incredible Concepts, isang malaki at kilalang events management firm na pag-aari ni Danna Garcia-Ocampo, mommy ni James at ninang ni Kuya Ken at isa sa malalapit na kaibigan ng mommy niya.
Nang makapagtapos si Kate ng kursong Business Management ilang taon na ang nakararaan ay ilang taon pa siyang nagtrabaho sa Incredible Concepts bilang events planner at kinabisado niya nang husto ang pasikot-sikot sa event planning bago nag-resign. Sandali siyang kumuha ng Event Management Certification course sa Malaysia bago siya nagtayo ng sariling firm.
Sinuportahan naman siya ng kanyang pamilya sa negosyo niya. Ipinagamit sa kanya ng mga magulang niya ang dalawang unit ng isang bagong tayong commercial building sa Makati na pag-aari ng kanilang pamilya. Si Kuya Ken naman ang nag-provide ng service van niya. Ang Papa Angelo niya na ama ng mommy niya - nang malaman nitong magbubukas siya ng negosyo ay kaagad na nag-issue ng tseke kahit hindi naman siya humihingi. She could say she was his favorite grandchild at ito ang may kasalanan kung bakit lumaki siyang spoiled. Pero hindi naman niya nagalaw ang ibinigay ni Papa Angelo dahil malaki na rin naman ang savings niya. Kahit naman kasi lumaki siya sa lahat ng luho at madalas na nasusunod ang gusto ay magaling naman siyang mag-ipon.
Binigyan naman siya ni Tita Danna ng mga tips at mga supplier, at ipinasa na nito sa kanya ang ilang kliyente ng Incredible Concepts na nagustuhan ang serbisyo niya noon. Mag-iisang taon pa lang ang K-Projects at halos paisa-isa pa lang ang kliyente nila ngunit kahit papaano ay hindi pa naman sila nawawalan ng kahit na maliit at simpleng event sa loob ng isang buwan. At sa pamamagitan ng word of mouth ay patuloy pang lumalaki ang client base nila. Puro life cycle events tulad birthdays at weddings ang karaniwang ino-organize ng kompanya niya.
Dinampot ni Kate ang kontratang pinirmahan kanina lang ng ina ng debutanteng io-organize nila ang debut at muling pinasadahan ng basa. Naka-attached din doon ang debut package na napili ng mag-ina. Hindi niya mapigilang mapabuntong-hininga nang muling mabasa na ang isa sa mga function rooms ng Monteclaro Hotel–Ortigas ang siyang napiling pagdarausan ng debut, tatlong buwan mula sa araw na iyon. Espesyal sa kanya ang hotel na iyon dahil dalawang mahahalagang pangyari sa buhay niya ang nangyari doon.
Mabilis na ipinilig ni Kate ang ulo bago pa man tuluyang magbalik sa kanyang isipan ang nakaraan. Tuluyang nawala ang iniisip niya nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Dali-dali niya iyong sinagot nang makitang ang mommy niya ang tumatawag.
“Hello? Mom?”
“Kate, pauwi ka na ba?”
“Yes, Mom, nagliligpit na ako ng mga gamit ko. Why?”
“Ok. Good. We’ll just wait you here, then. Drive carefully, Kate,” Iyon lang at nawala ang mommy niya sa kabilang linya.
Hindi niya naiwasang mahiwagaan sa inakto ng kanyang ina. Gayumpaman, nahuhulaan na niya na may espesyal na taong dumating sa bahay nila. Bigla siyang nakaramdaman ng excitement. Ibinaba niya ang kanyang cell phone sa ibabaw ng kanyang desk at itinuloy ang pagliligpit. Pagkatapos ay nag-retouch siya at ilang sandali pa ay pauwi na siya sa bahay.
NAPABILIS ang mga hakbang ni Kate papasok sa komedor nang marinig ang masayang tinig ni Kuya Ken.
“Kuya!” masiglang bati niya nang makitang nakaupo ito sa isa sa mga dining chair.
“Hi, sis,” nakangiting tugon ng kuya niya at mabilis na tumayo.
“Akala ko next month pa ang uwi mo,” aniya bago pumaloob sa yakap ng kapatid.
“Sinabi ko lang ‘yon para masorpresa ko kayo sa pag-uwi ko.”
She had not seen her brother for several months. Nag-aral kasi ito ng Architectural Design sa London at pagkatapos ay nagtungo pa sa mga kamag–anak nila sa father’s side sa Seattle, Washington at nagbakasyon doon ng ilang linggo.
“Pasalubong ko, Kuya?” aniya nang magbitiw sila.
“Kadarating ko pa lang, pasalubong na agad?” natatawang sabi nito.“Nasa baggage ko pa, bukas mo na lang kunin pagka-unpack ko.”
“Okay.” Binalingan ni Kate ang mga magulang. “Hi, Mom, Dad,” aniya at magkasunod na humalik sa pisngi ng mga ito. Pagkatapos ay naupo na siya sa tabi ni Kirsten.
Tatlo silang magkakapatid at middle child si Kate. Three years ang age gap nila ni Kuya Ken at four years naman sila ni Kirsten. At the age of seventeen ay nasa ikatlong taon na ang bunso nila sa ikalawang kursong Accountancy. Kirsten was a gifted child while growing up. Ilang beses na itong na-accelerate pero hindi naman nerd. Ito ang pinakamatalino sa kanilang lahat at aminado siyang kadalasan ay mas mature pa itong mag-isip kaysa sa kanya. Pero hindi naman siya nakakaramdam ng insecurities, in fact ay proud siya sa kapatid.
Tulad ng dati ay masaya at maingay sila sa hapag. They spent more time eating dinner than the usual dahil sa dami ng mga kuwento ni Kuya Ken. She could say she had a happy and complete upper-middle-class household. Tulad ni Kuya Ken ay parehong parehong licensed civil engineer ang mga magulang nila at magkatulong na pinamamahalaan ng mga ito ang construction company na pag-aari ng pamilya nila, ang Yuzon-Alegre Builders and Design Incorporated o mas kilala sa pangalang Builders. Sa Builders din nagtatrabaho si Kuya Ken at dalawa pa niyang mga pinsan sa mother’s side na sina Francine at Gabe.
“How’s Jay-Jay? Matagal ko nang hindi nakikita ang binatang ‘yon, ah,” kapagkuwan ay sabi ng daddy nila.
Awtomatikong napataas ang ulo ni Kate sa narinig at naghintay sa sasabihin ng kuya niya. Galit man siya kay Jay-Jay ay naroon pa rin ang interest niyang makarinig ng balita tungkol dito.
“He’s fine. Hindi magtatagal ay uuwi na rin ‘yon dito. Ninong Randall already asked him to take his position,” tugon ng kuya niya.
Napayuko si Kate sa kanyang plato habang pinaglalabanan ang nararamdamang saya sa sinabi ng kanyang kuya. Dapat ay hindi na siya nakakaramdaman ng ganoon matapos siyang saktan ni Jay-Jay.
Jay-Jay had already been working in Seattle for almost four years. He had been her boyfriend for only two months. Matapos nilang magkaunawaan noon sa Monteclaro Hotel, nang sumunod na araw ay kinailangan nilang ilihim sa lahat ang kanilang relasyon. Kahit kasi eighteen na siya ay hindi pa siya allowed na magka-boyfriend. She had to finish her studies first before anything else and she made a promise to her parents to follow that rule. Wala sana siyang balak suwayin ang utos ng mga magulang, subalit bigla ngang nagtapat si Jay-Jay at dahil sa bugso ng damdamin at dahil mahal din naman niya ito ay nasabi niya rito ang nararamdaman.
They had a happy and perfect secret relationship on the first month. At nang tumuntong sa ikalawang buwan ang relasyon nila, nagulat si Kate nang bigla na lang magpaalam si Jay-Jay. Ipapadala raw ito sa Seattle kung saan naroon ang iba pang negosyo ng pamilya Monteclaro upang mag-training at kumuha ng panibagong master’s degree bilang paghahanda sa posisyong ipapasa ni Daddy Randall na kasalukuyang presidente ng kompanya. At ilang taon itong mamalagi roon.
“You can’t do this to me, Jay-Jay. Hindi mo ako puwedeng iwan,” masamang-masama ang loob na sabi niya.
“I’m sorry, Kate. But I really have to go.”
“Talk to your Daddy Randall, pakiusapan mo s’ya na dito ka na lang mag-training at mag-masters,” utos niya.
Umiling-iling ito. “I can’t do that, Kate.”
“Pero paano na tayo? Ayoko ng long-distance relationship, Jay-Jay,” umiiyak nang sabi niya.
“We can work things out. Lagi naman kitang tatawagan at once a month, uuwi rin ako rito para magkita tayo. Konting panahon na lang din naman ga-graduate ka na. By then, nakabalik na ulit ako rito at saka natin sasabihin sa lahat ang relasyon natin.”
Labag man sa kalooban ay walang nagawa si Kate nang umalis nga ng bansa si Jay-Jay. Pero hindi nito tinupad ang sinabi nitong lagi siya nitong tatawagan. He was always busy. Kapag tinatawagan naman niya ang nobyo, madalas ay wrong timing ang pagtawag niya. Tamad din itong mag-Internet. Pakiramdam pa niya minsan napipilitan lang itong kausapin siya. Kapag sinusumbatan niya si Jay-Jay sa mga pagkukulang nito ay nauuwi sa pagtatalo ang pag-uusap nila. Naghinala rin siya na may ibang babae na ito. Until one day, he came home just to break up with her.
“Long-distance relationships don’t work for us, Kate. Kung ipipilit natin ang relasyon natin habang magkalayo tayo, we’re going to end up hating each other at ayokong mangyari ‘yon. You’re still young, you still need to grow and mature. But you have to do it on your own. I’m sorry, Kate, but I’m breaking up with you.”
Hilam ng luha ang mga mata ni Kate nang sumagot siya. “You came home just to dump me?” hindi makapaniwalang galit na sabi niya. “Shit ka, Jay-Jay. Huwag mong idahilan ang pagiging mas bata ko sa’yo para makipaghiwalay ka sa akin. Bakit hindi mo na lang kasi aminin sa akin na may iba ka na?”
Umiling-iling si Jay-Jay at mahinahon pa ring sumagot. “No, Kate, wala akong iba. And I’m not dumping you. Hindi ko ‘yon magagawa sa ‘yo. Nakikipaghiwalay ako ngayon pero hindi ibig sabihin no’n ay hindi na kita mahal. I love you so much and you’re always be special to me more than anyone else. I will never ever forget you. I promise, pagka-graduate mo, I’m going to court you properly. And I will win you back,”determinadong sabi nito.
Umiling-iling siya. “It doesn’t make any difference. If you dump me now, you’ll never have me again,” babala niya.
Ilang sandaling tinitigan siya ng binata na waring inaarok ang kaseryosohan sa sinabi niya. Pagkatapos ay muli itong umiling. “I’m sorry.”
Muling bumalik sa Seattle si Jay-Jay nang sumunod na araw. Suddenly, she had lost her boyfriend and a friend. Ilang buwan siyang na-depress at nawalan ng gana sa lahat ng bagay. Madalas ay nagkukulong lang siya sa silid at nagpapalipas ng gutom. Nang mag-alala at tanungin siya ni Kuya Ken at mga kaibigan ay tumanggi siyang magkuwento. Kahit kasi sinaktan siya ni Jay-Jay, ayaw naman niyang masira ang magandang samahan ng mga pamilya nila.
Naapektuhan din ang kanyang pag-aaral at bumaba ang mga grades. Nang masinsinan siyang kausapin ng mga magulang ay saka pa lang siya natauhan at napahiya sa inasal. Her parents worked hard to provide for their family and gave everything she wanted, but she acted that way just because of a guy who dumped her. Sigurado siyang mahal talaga niya si Jay-Jay at hindi niya kayang mawala ito sa kanya kaya nagkaganoon siya at hindi lang dahil sa pride. Pero hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay natauhan na siya. Inamin niya sa mga magulang na brokenhearted siya ngunit hindi niya sinabi kung sino ang nanakit sa kanya. Nag-sorry din siya sa mga ito at nangakong pipilitin niyang bumalik sa dati at muling pagbubutihin ang pag-aaral na nagawa naman niya. Nagtapos pa siyang cum laude.
In two weeks’ time ay inaasahan na talaga ni Kate na uuwi si Jay-Jay sa Pilipinas kasama ng grandparents nito para sa birthday at death anniversary ng Papa Jason nito. At gaya ng mga nakaraang taon ay nakaplano na ang pagbabakasyon ni Kate kay Papa Angelo para lang makaiwas kay Jay – Jay. Ang problema ay may dalawang events ang K-Projects sa linggong inaasahan niyang uuwi ang binata kaya hindi siya maaaring umalis. Gayumpaman, maari niyang idahilan kay Jane na busy siya o pagod na sa trabaho kung sakaling kulitin siya nito na magtungo sa bahay ng mga ito - na sigurado namang magkakaroon ng happenings - para lang makaiwas sa pinsan nito.
“Kate? Are you still with us? Ang lalim yata ng iniisip mo.”
Ang tinig na iyon ng mommy niya ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Bahagya pa niyang ipinilig ang ulo bago tumingin sa ina.
“M-may naalala lang ako, Mom. May sinasabi po ba kayo?”
“Tinatanong ng kuya mo kung kumusta na ang business mo.”
Tumingin muna siya si Kate sa kuya niya bago nagsalita. “It’s doing fine,” tugon niya at sinundan pa ng ngiti. Dahil sa Incredible Concepts at sa negosyo niya ay nagkaroon siya ng sense of responsibility at nag-mature din siya… at least professionally mature. May mga pagkakataong aminado siyang nag-iisip bata pa rin siya sa harap ng pamilya at malalapit na kaibigan.
Nagpatuloy ang masayang kuwentuhan habang nagkakape sa living room. Malalim na ang gabi nang magtungo sila sa kani-kanilang silid. Papasok na sana sa banyo si Kate upang mag-shower nang kumatok ang kuya niya.
“Bakit, Kuya?” kunot-noong tanong niya nang pagbuksan niya ito ng pinto.
“Pinabibigay ni Jay–Jay,” sabi nito bago iniabot sa kanya ang isang box na mas maliit ng kaunti sa karton ng sapatos at nababalutan ng makintab na floral wrapper.
Nagulat siya sa narinig at hindi nakapagsalita. Iyon kasi ang kauna-unahang pagkakataon na muling nagregalo si Jay-Jay sa kanya magmula nang magkahiwalay sila. Gayunpaman ay nagawa niyang tanggapin ang regalo na mahigit isang kilo yata ang bigat.
“Ang lakas mo pa rin kay Jay-Jay, ah. Inutusan pa talaga niya akong ibigay ‘yan sa’yo,” amused na sabi ni Kuya Ken.
Hindi sumagot si Kate at pilit na ngumiti. Nagpaalam na ang kuya niya at isinara na niya ang pinto. Ilang sandaling tinitigan niya ang hawak na regalo, iniisip ang posibleng dahilan kung bakit biglang-bigla ay nagpadala ng regalo si Jay-Jay sa kanya. Biglang nagbalik sa alaala niya ang sinabi nito nang huli silang magkita.“You’re always be special to me more than anyone else. I will never ever forget you. I promise, pagka-graduate mo, I’m going to court you properly. And I will win you back.”
Well, he was too late because she graduated years ago. But still, he did not come home for good. Apparently, nang makapag-isip siya at mag-mature sa paglipas ng mga taon ay naunawaan niya ang rason ni Jay-Jay kung bakit ito nakipaghiwalay sa kanya. And she was hoping that one day, he will keep his promise. But he did not even bothered to approach her in the past years. Until now… at sa pamamagitan pa ng regalo.
Ang regalong iyon na kaya ang senyales na tutuparin na ni Jay-Jay ang ipinangako nito noon sa kanya? Kilala niya itong marunong tumupad sa pangako. Isang beses lang naman itong hindi nakatupad sa ipinangako. Iyon ay nang hindi ito nakadalo sa debut niya na hindi naman nito kasalanan ang nangyari.
Biglang nakaramdam ng pagrerebelde si Kate. Inis na inihagis niya kung saang panig ng kuwarto ang hawak na regalo at nag-martsa papasok sa banyo. Kung ano man ang laman ng regalo ay wala siyang interes na malaman. Kung iniisip ni Jay-Jay na basta na lang itong makakabalik sa buhay niya ay nagkakamali ito. Kung tama ang naisip niya, puwes, tutuparin din niya ang sinabi niya rito noon. He dumped her. And so, he will never going to have her again.
BINABASA MO ANG
More Than Anyone - Published under PHR
RomansPara makasiguro ang kuya ni Kate na hindi na muling makikipag-date sa lalaking hindi nito gusto para sa kanya, pinakiusapan ng kuya niya ang best friend nitong si Jay-Jay na bantayan siya. Lingid sa kaalaman ng lahat, dating nakarelasyon ni Kate s...