PROLOGUE

57 4 0
                                    



Pakiramdam ni Violet ay paulit-ulit siyang ihinampas sa pader dahil sa sobrang sakit ng kaniyang katawan pagmulat niya ng mga mata. Isa pa ay tila hindi siya makakilos nang maayos. Tila ba may parte ng katawan niya ang hindi niya maigalaw.

Nangunot ang kaniyang noo nang makitang wala siya sa kuwarto niya. Isang puting silid ang bumungad sa kaniya. Isang silid na pamilyar na pamilyar sa kaniya. Dahil madalas sa gano'ng klaseng kuwarto ang Mommy niya noong nabubuhay pa ito.

Alam niyang nasa-ospital siya. Ang hindi niya lang alam ay kung paano at bakit. Medyo blurred pa ang isip niya.

Sinubukan niyang tumayo at doon niya napansin ang paa niyang nakabalot ng benda. At hindi niya maramdaman ang mga 'yon. Bigla ay nakaramdam siya ng kaba. Pinilit pa niya ulit igalaw miski ang dulo lamang ng daliri niya sa paa pero hindi niya magawa.

Gusto niyang maiyak. Hindi puwede. Kung kailan matutupad niya na ang pangarap nila ng Mommy niya ay bigla itong mangyayari?

Nag-uunahan na ring bumagsak ang mga luha niya. Ang pagsasayaw ng ballet ang nananatiling matibay na koneksyon niya sa ina. Ito rin ang nagsalba sa kaniya mula sa kalungkutan dahil sa pagkawala nito. Hindi niya na matutupad ang pangako niya sa Mommy niya.

Hindi niya na napigilan ang paghikbi. Pakiramdam niya rin ay unti-unting sumisikip ang kuwarto. Nahihirapan na siyang huminga. Nasa gano'ng kalagayan siya nang biglang pumasok ang kahuli-hulihang tao na gusto niyang makita.

Ang daddy niya.

Nagmamadaling lumapit ito sa kaniya. "G-Gising ka na." Tila ba nakahinga nang maluwag na sabi nito.

Sasagutin niya sana ito nang mapansing may Doctor na nakasunod dito. Lumapit ito sa kaniya at tiningnan ang kalagayan niya.

"Ano po'ng nangyari sa akin?" tanong niya rito.

Nagkatinginan ito at ang Daddy niya bago siya hinarap ng Doctor.

"You were hit by a car. Sa sobrang lakas ng pagtama ay wala ka nang malay pagdating mo rito. You've been in coma for two weeks."

Bigla ay tila nag-flashback ang nangyari sa utak niya. Ang kotseng humaharurot na hindi niya na nagawang umiwas pa. At naramdaman niya pa ang pagtama nito sa katawan niya. Ramdam niya ang pagtilapon at ang pagbagsak niya. Ang matinding sakit ng katawan. Bago pa siya tuluyang mawalan nang malay ay napansin pa niyang huminto ang sasakyan na nakabangga sa kaniya. Naalala niya ang paghingi niya ng tulong dito, pero ilang sandali rin ay nagmamadali itong umalis. At wala na siyang maalala pagkatapos no'n.

Two weeks. Two weeks na siyang walang malay. She was about to perform in Multi Theatre. Ibibigay niya na sana ang lahat para sa pagkakataong mapili siya sa castings para sa isang International Ballet Performance na magtatanghal around Europe.

She was so close to her dreams... pero naglaho na lang 'yon bigla na parang bula.

Napatingin siya sa paa niya. Hindi na siya nag-abala pang pigilan ang pagbagsak ng mga luha niya. Napuno rin nang paghikbi niya ang tahimik na kuwarto.

"A-Ano'ng nangyari sa paa ko? Makakasayaw pa naman ako, 'di ba? Please tell me na makakabalik pa ako sa pagba-ballet," umiiyak na sabi niya.

Narinig niya ang malalim na paghinga ng Doctor bago sumagot. "I'm sorry, Violet. Makakalakad ka pa. But you might be limping for the rest of your life."

At tila bombang sumabog ang sinabi nito sa kaniya. Ang paghikbi ay tuluyan nang nauwi sa paghagulgol niya.

Nagmamadali siyang nilapitan ng Daddy niya at mahigpit na niyakap. Bigla ay tila bulkang sumabog ang naipong galit niya. Buong lakas na itinulak niya ito palayo.

"Violet—"

"Umalis ka dito! Hindi ko kailangan ng tulong mo!"

Nakita niya ang pagtango ng Daddy niya sa Doctor at lumabas na ito sa kuwarto. Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nila.

Huminga nang malalim ang Daddy niya bago siya hinarap. "I'm sorry for abandoning you and your Mom. Alam kong malaki ang kasalanan at pagkukulang ko sa inyo. Pero hindi na kita pababayaan ngayon. Hayaan mo lang akong bumawi, anak."

Marahas siyang napailing at mapaklang natawa. "Kailangang-kailangan ka namin ni Mommy noon. Pero nasaan ka? Itinaguyod niya akong mag-isa nang walang tulong mo. At simula no'ng nawala siya, kinaya ko pa rin kahit wala ka. What made you think na kailangan kita ngayon?"

"Please, Violet," pakiusap nito.

Umiling siya rito. Hindi niya ito kailangan.

"Hayaan mong alagaan kita kahit hanggang sa makalakad ka lang ulit. At kung gusto mo, hindi mo ako kailangang makita palagi. Just let me help you. Please."

Hindi niya na ito sinagot. Marahan siyang pumikit at humiling na sana ay binabangungot lang siya. Na sana anytime now ay magising na siya.

Naramdaman niya ang paghalik ng Daddy niya sa noo niya. "I'm here for you now. I'm sorry for everything. Mahal kita."

Ilang saglit pa ay narinig niya ang paglabas nito sa kuwarto. Doon niya muling binuksan ang mga mata. Kagaya kanina, nag-uunahan na namang bumagsak ang mga luha niya.

Sana natuluyan na lang siyang namatay sa aksidenteng 'yon. Sana hindi na lang siya nagising.

Wala na rin naman palang matitira sa kaniya paggising niya.

Pati ang natitirang pangarap na mayro'n siya ay wala na.

Ballet is her life. Ito ang lifeline niya. Kapag nami-miss niya ang Mommy niya ay idadaan niya sa pagsasayaw. Wala siyang ibang ginawa kundi ang paghusayin ang sarili niya araw-araw.

Sana nga ay hindi na lang siya nagising, kung sa pagmulat niya ng mga mata ay wala na rin sa kaniya ang lahat.


---

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 26, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Broken Girl (on-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon