SA mabilis na kilos ay pumasok si Rigorr sa silid ni Wendy. Ginamit niya ang susing hiningi sa maid kanina lang. Sinadya niyang matulog sa labas ng silid nito para sa mga ganoong pagkakataon. Gusto niyang anumang sandali ay mapapasok niya ang silid para mai-check ang kalagayan ng prinsesa ni Mayor.
Tama lang talaga ang ginawa ni Rigorr—narinig niya ang pagsigaw ni Wendy bandang madaling-araw.
Gamit ang susi ay nakapasok siya—at tumambad sa kanya ang pawis na pawis na anyo nito, sabog ang buhok sa mukha, hindi pantay ang paghinga. Nasa gitna ng kama si Wendy, yakap nang mahigpit ang mga binti.
May naramdaman siyang hindi pamilyar na sikdo ng puso. Hindi nagustuhan ni Rigorr ang anyo nitong iyon na malayong-malayo sa pagkakakilala niya sa Wendy Veltrano, na pagkakakilala rin ng publiko rito.
"Sumigaw ka," aniyang humakbang palapit, na hindi na itinuloy ni Rigorr nang makita niyang mas humigpit ang yapos ni Wendy sa mga binti na parang gustong mas protektahan pa ang sarili. "Ano'ng problema, Wendy?"
"H-Huwag kang lumapit," ang narinig niyang sinabi nito. "Sisigaw ako 'pag lumapit ka." dugtong pa, hindi siya tinitingnan.
Awtomatiko ang paghinto ni Rigorr sa gitna ng silid. "Pumasok ako gamit ang duplicate key na hiningi ko talaga sa maid n'yo para sa mga pagkakataong ganito. Sumigaw ka kaya pumasok ako." Pumihit siya para i-check isa-isa ang mga bintana at glass door sa terrace. Naka-lock ang mga iyon. "Ginagawa ko lang ang trabaho ko, Wendy—ang pangalagaan ka at tiyakin ang kaligtasan mo."
"Buhay pa ako. Leave," agap nito, itinuro ang pinto. "I don't need you. I'm not gonna need you. Not even in my nightmares!"
"Don't trust your words," kalmadong sabi ni Rigorr. "Kailangan mo ako, maniwala ka. Lalo na ngayong wala sa tabi mo ang ama mo para pangalagaan ka."
"I don't trust you. Leave!"
"I know that," banayad niyang sang-ayon, hindi pinansin ang pagsigaw nito. "Who would want to trust a beast-looking bodyguard?" bumalik na siya sa may pintuan. "Ikukuha kita ng malamig na tubig." Iyon lang at iniwan na niya ito. Pagbalik ni Rigorr ay nasa ganoong posisyon pa rin si Wendy. Inilapag niya ang baso sa bedside table bago siya bumalik sa pinto. Pinihit niya ang lock. "Nasa labas lang ako. Maririnig ko ang kahit anong ingay galing dito."
Marahang nag-angat ito ng tingin, hindi nakaligtas sa kanya ang takot sa mga mata. "Binangungot ka talaga dahil sa hitsura ko?" Gusto niyang maging magaspang rito pero hindi sa sitwasyong iyon na nasa mga mata ni Wendy ang takot at helplessness, na hindi niya inaasahang makita sa babae. "Hindi ko hinihingi na paniwalaan mo ako pero hindi kita sasaktan, Wendy." huling sabi ni Rigorr bago niya ito iniwan.
Magdamag na siyang gising para abangan ang anumang ingay na magmumula sa silid nito.
Kinabukasan ay himalang tahimik si Wendy hanggang nakarating sila sa ospital. Magkasunod lang ang pagdating nila at ng ilang kamag-anak ni Mayor Willard. Hindi alam ni Rigorr kung anong mayroon ang mga bagong dating at ibang Wendy na ang nakita niya nang naroon na sila—wala na babaeng mahina at iyak nang iyak nang nagdaang araw. Ang naroon at kasama niya ay parang magandang manikang sing-lamig ng yelo ang anyo, nakataas ang baba at nasa mga mata yata ang pride ng buong populasyon ng mundo, tila walang kahinaan at hindi kailangan ng kahit sino. Malamig at matalim ang palitang ekspresyon sa mga mata ni Wendy.
Pagpasok ng mga kamag-anak nito ay wala man lang reaksiyon si Wendy, nakatitig lang sa natutulog na ama. Mayamaya ay naramdaman niyang walang paalam na lumabas, kaswal siyang sumunod. Naabutan pa niya ang mataray na utos nito sa isa sa mga bantay sa labas na pumasok raw sa loob. Huwag daw hihiwalayan ng tingin ang ama nito—hindi lang daw nasa labas ang kaaway, sa maraming pagkakataon daw ay nasa loob ang mga iyon.