<<<bansang>>><<<PILIPINAS>>>

72 0 0
                                    

Below is the transcript of theoriginal Tagalog version of President Noynoy Aquino's State of the Nation Address (SONA) on July 23, 2012. An English version is also expected to be released by the Official Gazette after the SONA.

Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat

Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong mga boss, magandang hapon po.

Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.

Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]

Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon: “Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.

Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.

Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.

Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.

Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.

Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 23, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

&lt;&lt;&lt;bansang&gt;&gt;&gt;&lt;&lt;&lt;PILIPINAS&gt;&gt;&gt;Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon