💍Trouble 9: Pasabog💍

810 51 5
                                    

Hating Bakla
(SHERIDAN)
by imrodsy23
Trouble 9






NAPALINGON si Shersher sa bumukas na pinto ng sariling silid. Agad siyang nagpahid ng luha nang mapagsino iyon.

"Anak..."

"Kung tulad din po ni Itay na kakampihan n'yo rin ang baklang 'yon, p'wedeng iwan n'yo na lang muna ako," aniya sa tonong hindi naiwasang langkapan ng hinanakit. Tumalikod siya ng higa. Ang maalalang siya pa ang pinapalabas na mali ng kan'yang itay sa nangyari ay masakit sa dibdib. Napupuno iyon ng pagtatampo sa ama at panggigigil kay Rolanda. Ang pakialamerang iyon!

Kanina ay nadatnan sila ng kanilang itay sa aktong nagsasakitan. Nakita pa nito ang pagdugo at pamumula ng kalmot niya sa dibdib ni Rolan. Sa gulat niya'y agad tumayo  ang intrimitidang kapatid. Umiiyak na sumalubong ng yakap sa itay niya at doon ay nagsumbong.

"Gusto niya po akong paalisin dito, Papa." Si Rolan sa mahusay na pagsumbong.

Ang pag-arte at pagpapaawa na nagpaawang sa mga labi ni Shersher. Anong sinasabi ng bruhang kapatid niya?

"Ayaw niya talaga sa akin. Balak niyang ipagtapunan sa labas ang mga gamit ko. Anak niyo ako sa labas kaya dapat ay sa labas din daw ako mabuhay. He's so mean, Papa! Pinigilan ko siya at nagmakaawa ako ito ang ginawa niya sa akin. Mabuti na lang, kaya kong ipagtanggol ang sarili mo."

Sa narinig ay nandilat ang kan'yang mga mata sabay duro sa nagbubulaan. "Hindi 'yan totoo! 'Tay napakasinungaling niya---"

"Tumahimik ka, Sheridan!" Awtorisadong saway ni Mario.

At parang patalim iyon na tumarak kay Shersher. Nagulat siya sa galit at mataas na tono ng ama. Sa ilang saglit ay tila naumid ang kan'yang dila. Naramdaman niyang wala siyang kakampi at siya ang lalabas na mali.

Matalim niyang pinukol ng tingin ang bulaang bakla. Ni sa hinagap niya ay 'di niya naisip na magkakaroon siya ng kapatid na atribida na'y intrimitida pa. Magfe-feeling kawawa kahit ang totoo'y siya ang agrabiyado. Sa teleserye lang niya nakikita ang ganito at kadalasa'y tulad niya ang kawawa. P'wes, iba ang realidad sa kathang-isip lamang.

"Ang baklang 'yan ang dapat tumahimik! Hindi lang pakialamera! Napakasinungaling mo pa! Nanggigigil ako sa 'yo!"

"Sheridan! Tumigil ka na! H'wag mong hintaying abutin ka sa akin." Sa matigas na tinig ay may kasama nang babala sa tono ni Mario.

Napailing si Shersher. Hindi makapaniwala. Ang dibdib niya'y parang pinipiga... sinusuntok. Tuluyang nag-ulap ang mga mata niya sabay talikod at mabilis na umakyat ng hagdan upang magkanlong sa sariling silid.

"Anak, nagk'wento sa akin si Rolan." Narinig ni Shersher mula sa ina. "Ikaw raw ang unang sumugod," mahinahong umupo ang ginang sa gilid ng katre. "Sinabunutan mo raw tapos kinalmot."

Siya pa ang una n'yong kinausap bago ako! Hiyaw niya sa isip. Tila lalo lamang kinurot ang kan'yang puso sa nalamang iyon. "Ako nga po ang unang sumugod dahil..." sandali siyang huminto dahil garalgal na ang tinig niya. Siguradong pipiyok siya.

Ah, kung bakit ngayong narito sa tabi niya ang ina ay lalong bumigat ang kan'yang dibdib.  Iyong pakiramdam na gusto niyang maging kakampi ito. Nais niyang yumakap dito. Nais niyang magsumbong.

"Alam mo bang mas kilala kita kaysa sa anak ng itay mo sa ibang babae?" Tila may lakip na pait sa tinig ng ginang.

Hindi siya umimik. Pasimple niyang pinahid ang luha.

"Kaya alam kong hindi mo magagawa ang ganoon kay Rolan nang walang mabigat na dahilan, 'di ba?" Ang patuloy ni Edita bago dumantay ang palad sa buhok ng anak. "Ano ba ang talagang nangyari? Kailangan ko rin naman malaman para mapagsabihan ko rin si Rolan. At para mabalanse n'yo na rin ang relasyon n'yong magkapatid. Alam kong mahirap pa sa'yong tanggapin agad ang bunga ng lihim na pagtataksil sa atin ng ama mo. Ganoon din naman ako. Pero kailangan nating unti-unting unawain."

Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon