💍Trouble 11: Unawaan💍

843 51 7
                                    

Hating Bakla
(SHERIDAN)
by imrodsy23
Trouble 11










HUMAPAY ang motor ni Calvin. Deretso sa pagsadsad sa sementadong kalsada. Kumiskis at tuluyang huminto sa madamong bahagi ng tabing-daan.

Habang walang kasinsakit na daing ang naisigaw ni Calvin na tumilapon sa 'di kalayuan. Naroon ito sa malalim na lubak ng kalsada. May dugo sa noo, galos sa braso at nabaling daliri sa kanang kamay.

"Lapitan n'yo! Turuan n'yo ng leksyon!" Ang utos ng isang lalaki. Sa laki ng mata at sarat na ilong, nangangapal na balbas at nagpapaligsahang tattoo sa hubad-barong katawan, aakalain ng sinuman na ito'y hindi gagawa ng mabuti kailanman.

Tumalima ang apat na lalaki sa mas mayabang na pagkilos. Ang isa'y ngumisi matapos humithit ng usok sa sigarilyo.

"Tayo d'yan bata!" Ang lalaking nakasombrero, saka walang habas na pinagtatadyakan sa dibdib at mukha ang 'di makahumang si Calvin. "Kilos!"

Subalit pulos daing si Calvin. "S-Sino ba kayo! Mga hayup...kayo!" Kasunod ang pag-ubo. Sa kabila ng umiikot na isip at mga hapding nararamdaman ay nagagawa pa ring isalag ang mga braso mula sa pananakit ng lalaking 'di niya nakikilala.

"May gana ka pang magyabang!" Dumukwang ang lalaking may sigarilyo. Buong ngitngit na hinaklit sa kwelyo si Calvin. "Wala ka na ngang kalaban-laban, mumurahin mo pa kami!"

"Bitiwan mo ako! P*tang*na!" si Calvin sa nanlilisik na mga mata. Nagpupumiglas. Nagtatagis ang mga bagang sa pilit na pagpapakatatag. Ni wala siyang ideya kung anong trip ng limang lalaki na ito sa kanya gayong sa pagkakatanda niya'y wala siyang atraso kaninuman. "Ano bang kasalanan ko sa inyo!"

Nagtawanan ang limang lalaki. May dumura pa at tumango-tango sa pagkakangisi.

"Sa amin wala," ang lalaking malaki ang mata. "Pero sa nag-utos sa amin, malaki ang naging kasalanan mo. Sukat ba namang saktan mo ang prinsesa niya." Sabay ngisi na animo hiniram sa aso.

Napaismid si Calvin. Dumilim ang mukha. Isang partikular na tao lamang ang kanina lang ay nasaktan niya. Naikuyom pa niyang lalo ang kamao. "Wala akong kasalanan sa kanila, mga gago! Sila ang may malaking atraso sa akin! At sa ginawa nilang ito, babalikan ko sila at isasama ko kayo sa bilangguang paglalagyan nila!"

"At talaga nga palang ubod ng angas ang isang 'to, p're." Ang may hawak ng tirador. Mabilis na lumapit kay Calvin. "Pero hanggang saan nga ba ang yabang ng tarantadong 'to? Sa akala mo ba'y masisindak mo kami bata?" patuloy nito at walang anu-ano'y isinabit sa leeg ni Calvin ang lastiko ng tirador sabay hinat na ikinatigas ng leeg ng binatilyo.

"H'wag mong ituloy 'yan---" nanlaki ang mga mata ni Calvin. Tumutok ang mga mata niya sa tirador na hawak ng nakangising lalaki. Hinat na hinat ang lastiko. Oras na bitiwan ng lalaki ang tirador, natitiyak niyang malakas ang magiging pitik niyon sa kanyang lalamunan.

"E di ikaw tuloy ang nasindak, ulol!" Subalit lalo lamang naghalakhakan ang lima. Kasunod ang tuluyang pagpitik ng lastiko sa leeg ni Calvin. Malakas at tumunog pa ang pagtama ng tirador sa ibaba ng leeg ng binatilyo.

Napahiyaw sa kirot si Calvin. At 'di pa siya nakakahuma'y isang ubod-lakas na suntok ang tumama sa kanyang sikmura, sunod sa tagiliran, sa mukha, sa ilong at isa pa uli sa sikmura. Lugmok siya sa sementadong kalsada.

Halos panawan na siya ng ulirat sa nagsasanib pwersang hilo, hapdi at kirot. Idagdag pa ang pag-ubo sa kabila ng paghahabol ng nauubos na hangin sa baga. Sumusuko na ang katawan niya at isip ngunit hindi pa siya susuko.

"Tapusin na 'yan! Patulugin n'yo nang magtanda!"

Ang narinig pa niyang utos bago niya naramdaman ang walang habas na mga tadyak sa kanyang katawan, tiyan at dibdib. Hanggang sa hindi na niya maramdaman ang malamig na hamog ng gabi. Tuluyan na siyang nilamon ng karimlan.














Bakla 2: Hating Bakla : SHERIDAN (GayRomance) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon