Oliver's POV
Nakita ko ang aking sarili na tumatakbo sa isang malawak at kulay luntiang damuhan habang hinahabol ang aking childhood bestfriend na si Elio. Tumatakbo ako ngunit hindi ko nararamdaman ang pagod sa aking katawan, sa totoo nga lang ay magaan ang aking pakiramdam at may kakaibang saya na namumutawi sa aking damdamin. Maya-maya pa ay narinig ko ang matamis na pagtawag sa akin ni Elio sa aking pangalan. Ang kaniyang tinig ay parang musika sa aking mga tainga na kailanman ay hinding-hindi ko pagsasawaang marinig. Ang kaniyang boses ay tila marahang humahaplos sa aking puso na siyang nagbibigay ng kakaibang kapayapaan sa aking buong pagkatao.
"Oliver, nasaan ka na ba? Dalian mo nga diyan?" Rinig kong pagsigaw niya sa akin.
"Sandali lang, papunta na ako." Pagsagot ko sa kaniya.
"Ang bagal mo naman, kahit kailan talaga napakakupad mong gumalaw."
Rinig kong pagsesermon niya sa akin habang mahinang tumatawa. Ang mga tawa niya ay kaysarap pakinggan, sapat na sa akin makita ang nakangiting mukha ni Eli. Buo na ang aking araw malaman ko lang na masaya ang pinakaimportanteng tao sa aking buhay.
Nakita kong patuloy ang ginagawang pagtakbo ni Eli sa pataas na parte ng damuhan. Medyo natalisod pa siya dahilan upang bigla akong makaramdam ng pag-aalala sa kaniya. Sa lahat ng bagay na ayaw ko ay sa tuwing makikita si Eli na nasasaktan. Kaya kong isakripisyo ang lahat, kahit pa ang buhay ko, wag lang malagay sa panganib ang buhay ni Eli."Eli, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?" sigaw ko sa kaniya.
"Ano ka ba Oliver! Ayos lang ako. Dalian mo na diyan. Ang ganda ng view dito" pagsagot niya sa akin habang nakataas ang kaniyang ulo na para bang tinititigan ang kulay asul na kalangitan. Ang kaniyang kamay ay nakataas rin habang dinadama niya ang marahang paghampas ng malamig na hangin sa kaniyang katawan.
Dali-dali akong umakyat upang puntahan ang kinatatayuan niya. Nang tuluyan kong maakyat ang puwesto niya ay labis akong namangha sa nasilayan ng aking dalawang mata. Mula sa tuktok ay tanaw ko ang malawak na taniman ng isang bulaklak. Napakatingkad na kulay dilaw na may halong kahel ang kulay nito. Maayos itong nakahelera sa mga column na lalong nagbigay ng kakaibang ganda sa paligid. Pakiramdam ko ay parang ayaw ng humiwalay ng aking katawan sa lugar . Gusto kong manatili na lamang sa napakapayapang lugar na ito habang magkasalikop ang kamay namin ni Eli.
Napadako ang aking tingin sa kaniya at nasilayan ko ang kaniyang mukha na nakaharap sa akin. Nakita ko ang kulay berde niyang mga mata na malamyos na nakatitig sa akin. Ang kaniyang bahagyang kulot na buhok ay magulong nakaayos dahil sa malakas na hanging tumatama sa amin. Inilapit ko ang aking kamay sa gilid ng kaniyang mukha upang ayusin ang ilang hibla ng kaniyang buhok na tumatakip sa maganda niyang mukha. Nakita kong napangiti siya sa akin at nasilayan ko ang perpekto at maputi niyang mga ngipin. Napansin ko ang isang maliit na kulay kahel na bulaklak ang nakaipit sa kaliwa niyang tainga. Gaya ito ng mga nakatanim sa taniman.
Nakita kong marahan niyang tinanggal ang bulaklak sa pagkakaipit sa kaniyang tainga. Kinuha niya ang aking dalawang palad at marahang inilapag doon ang napakagandang bulaklak. Tinitigan kong muli ang kaniyang mukha at tumambad sa akin ang maaliwalas na mukha ni Eli. Kung normal lamang ang lahat ay siguradong gagantihan ko siya ng isang matamis na ngiti subalit, may kakaiba sa dapithapon na ito. May kakaibang lungkot akong nararamdaman sa aking puso habang nakatitig sa nakangiting mukha ng taong mahal ko. Alam kong sa likod ng mga matatamis na ngiting ibinibigay niya sa akin ay nagtatago ang lungkot at sakit na kaniyang nararamdaman.
"Itago mo iyan, Oliver." Sabi niya sa akin habang unti-unti kong nakikita ang pamumula at pamamasa ng kaniyang mga mata.
Nakita kong may pumatak na butil ng luha sa kaniyang kaliwang mata. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdamang labis na lungkot at sakit. Parang pinipiga ang aking puso habang nasisilayan ang lumuluhang mukha ni Eli.
BINABASA MO ANG
The Modern Tragedy (A Call me by your name inspired short story)
Short StoryHeartbreaking Painful Tragedy