Bata pa lang si Leonard, aminado na siyang nakakakita siya ng mga 'di pangkaraniwang nilalang. Hindi na niya maitala kung saan, ilan at anu-ano ang mga nakikita niya dahil sa musmos pa lamang ang kanyang kaisipan.
Sa tagal na nakabukas ang kanyang sixth sense, hindi na niya pinangingilabutan ang mga nilalang na kanyang nakakasalubong. Unti-unti na rin niyang nauunawan ang lahat kaya't natututunan niya na ring ibsan ang takot sa tuwing makakaengkwentro siya.
Isa ito sa nakapangingilabot niyang karanasan.
*****
Kinse anyos na si Leonard nang manirahan siya at ang kanyang mga magulang sa probinsya ng Pangasinan. Nagiisang anak lamang si Leonard. Ngunit hindi lang siya ang nagiisang binata sa kanilang pamilya. Kasama nilang lumipat ang dalawa niyang pinsan na sina Harold at Jonathan. Ulila na ang mga ito kaya't naisipan ng mga magulang ni Leonard na kupkupin na lang sila.
Dahil dapit-hapon na nang makarating sila sa lilipatang bahay, gabi na rin nang matapos nila ang paglilipat ng mga gamit.
Nanginginig na sa gutom si Leonard kaya't naisipan niya na lang na bumili nang makakain sa malapit na tindahan.
Pagkabukas niya ng pinto, 'di niya inaasahan ang ganitong klase ng imahe sa labas. Ibang iba sa karaniwang gabi sa Maynila. Halos hindi okupado ang lupa. May espasyo sa gitna ng mga kabahayan. Bundok kaysa mga matatayog na gusali ang itsura sa likod ng mga kabahayan. Karaniwang maingay at gising pa ang buong kalye. Pero sa probinsiya, mabibilang na lamang ang mga tao sa labas.
Nagsimula nang maglakad si Leonard. Inisip niya na lang na paraan din ito para makilala niya pa ng lubos ang bayan.
Patuloy lang sa paglalakad si Leonard nang maramdaman niyang napapalayo na siya. Naisipan niya na lang na magtanong para hindi na siya maligaw.
Sa 'di kalayuan, may babaeng medyo katabaan ang katawan ang nakita ni Leonard at nang walang anu ano'y nilapitan niya ito.
"Ale, may alam po ba kayong malapit na tindahan dito?"
Tumingin sa kanya ang babae, tila sinusuri siyang maigi.
"'Pag liko mo sa may kantong iyan, makikita mo 'yung maliit na tindahan ni Hilda." turo ng ale sa isang direksiyon.
Naaninag naman ni Leonard ang kanto at laking tuwa niya na hindi iyon gaanong kalayo mula sa kinatatayuan niya.
Agad niyang pinasalamatan ang ale at tinahak ang daan papunta sa tindahan. Medyo madilim ang daan dahil dadalawa lang ang gumaganang poste ng ilaw sa kaliwang banda ng kalsada. Sa kanang banda naman, wala talagang ilaw pero dahil sa liwanag ng buwan, nakikita niya pa rin ang mga kabahayan doon.
Dalawa lang ang bahay sa kanang banda ng kalsadang nilalakaran niya. Ang iba'y napakalayo na ng distansiya. Ang dalawang bahay ay masasabi mong luma na talaga. Magkaparehas lang ang itsura. Parehong mukhang napaglipasan na ng panahon. Pero 'yung isa lang ang may abandonadong presensiya.
Naramdaman na ni Leonard ang pagbagsak ng temperatura. Dahilan para siya'y lamigin.
Naramdaman ni Leonard na may nakatingin sa kanya. Palinga-linga siya ng tingin sa paligid sa pagaakalang may taong nakamasid. Pero wala siyang nakita.
Hanggang sa mapako ang kanyang tingin sa abandonadong bahay. Kahit sa dilim, nakita niya ang kakaibang imahe na hindi naman niya nakita kanina.Isang babaeng may mahabang buhok.
Kahit pa hindi niya makita nang lubos ang buong mukha ng babae, nakikita niya ang nanlilisik na mga mata nito.
Alam ni Leonard kung kailan siya nakakakita ng misteryosong pigura. Sa puntong iyon, hindi na siya nagdalawang isip pa.
Dali-dali siyang kumaripas ng takbo at napadpad sa tapat ng pangalawang bahay. Nadapa siya at bahagyang nasugatan. At nang makatayo na siya, tinawag siya ng babaeng nakatira sa bahay na iyon.
Agad nakahinga si Leonard at naibsan ang takot niya. Nilapitan niya ang babae na nay maiksing buhok at medyo katangkaran.
"Huwag na huwag mong sinisipat ang bahay na 'yan." banta nito sa binata.
"Ano po bang meron diyan?"
"May baliw na matandang nagpakamatay diyan."
Agad na nagtugma 'yung nakita ni Leonard kanina. Nanlamig ang buong katawan niya habang kinikwento sa kanya ng babae ang nangyari.
Nang lumipas na ang oras at marami nang nasabi 'yung babae sa kanya, naalala niya ang tindahan na kanyang pupuntahan. Nagpaalam na siya at dumiretso na sa tindahan.
Nang marating ni Leonard ang tindahan, agad na bumili siya ng dalawang Fudgee bar at softdrinks.
"Namumutla ka iho." ang sabi ng matanda na sa tingin ni Leonard ay si Aling Hilda.
"Napadaan ho kasi ako sa abandonadong bahay."
"Nakita mo 'yung matandang babae?"
"Oho. Natakot nga po ako kaya po ako nadapa."
"Sa susunod kasi magiingat ka. Kayo talagang mga kabataan, ang hilig niyong lumabas kahit gabi na."
Iyon na nga ang huling gabing lalabas si Leonard magisa. Sa susunod na lalabas siya, magpapasama na siya sa kaniyang mga pinsan..."Nakita pa nga ho ako ng nakatira sa kabilang bahay. Pinaliwanag niya ho sa akin ang tungkol sa abandonadong bahay."
"Si Ofelia ba kamo? Yung babaeng maikli ang buhok at medyo matangkad?"
"Opo. Siya nga po."
Agad na natunugan ni Leonard na may mali sa pagtatanong sa kanya ng matanda.
"Diyos ko! Dayo ka nga rito. Nabati ka ng masamang espirito! Sasamahan na kita pauwi sa inyo."
Tarantang tinawag ni Aling Hilda ang kanyang anak para magbantay ng tindahan.
Kinalauna'y napagalaman ni Leonard na albularyo si Aling Hilda. Nalaman din niyang parehong abandonado ang bahay. At ang nakausap niyang si Ofelia, matagal na palang patay.
BINABASA MO ANG
Filipino Horror Files
HororIsang talaan ng mga kababalaghan sa loob at labas ng realidad.