Ang Huling Kagat

320 13 3
                                    

Halos mapunit na ang sketch pad sa kaguguhit ko ng manga. Ewan ko. 29 years old na ako pero hanggang ngayon, sinasapian pa rin ako ng manga craze. Gusto kong maging perpekto ang ginuhit ko – ang makalikha ng anime version ni Lyle. Si Lyle lang na man ang partner ko. Pareho kaming bisexual. Halos limang oras ko nang pinagtakaang guhitin ang singkit niyang mga mata, ang nakaumbok niyang cheekbone, at ang matamis niyang ngiti. Aakalain mong model siya ng toothpaste sa mapuputi't pantay niyang ngipin. Balak ko kasing isurpresa siya sa araw ng kaarawan niya. Birthday niya kasi bukas.

Nagkalat na sa buong silid ang mga tinapon kong papel. Nagmistulang mga gusot na bolang sinakop ang buong silid. Nakatira lang kami sa isang maliit na bachelor's pad. Isang silid lang. Ang kusina at sala ay iisa. Sapat na ang queen size na kama. Kahit nagmukha kaming dagang nagsisiksikan, kontento na kami ni Lyle. Ang mahalaga, kasama namin ang isa't isa.

Napatingin ako sa orasang nakasabit sa ibabaw ng pinto. Alas-3:00 na pala ng madaling araw. Binitawan ko ang lapis nang mapalagay ang loob sa ginuhit. Walumpong porsyentong hawig na ni Lyle. Namumutawi na sa isip ko ang matatamis niyang ngiti kapag nakita niya ito. Bumungad sa papel ang larawang-guhit ng lalaking nakangiti habang kinakamot ang ulo. Ganoon kasi si Lyle kapag nahihiya. Hindi niya napapansing nagmistulang gitarang kinakaskas niya ang malalagong buhok. Kaakibat ang pagkawala ng dalawang mapupungay na mata. Malapit nang matapos ang ginuhit ko. Kaunting shading na lang. Sinipat ko ang magiging anggolo ng liwanag upang malaman kung saang parte ng mukha at katawan ni Lyle ang lalagyan ko ng cast at core shadow. Sa ganitong paraan mabubuhay ang ginuhit kong manga.

Mula sa study table, napalingon ako sa kamang nasa likuran nang humilik si Lyle. Bahagya akong napangiti nang matitigan ang maamo niyang mukha. Pangiti-ngiti habang niyayakap ang unan. Ako kaya ang natatanaw niya sa mundo ng panaginip? Hinahagod ang puso ko sa paraisong natatanaw. Para siyang isang inosenteng paslit na hinehele ng gabi. Payapa. Kaya ko siyang titigan nang isang buong magdamag. Kahit maya't maya akong nagigising sa lakas ng paghilik niya, kailanma'y hindi ko ito itinuring na ingay. Ito na malamang ang pinakamasarap na musikang inihandog sa akin ng gabi – ang magising sa pusod ng madaling araw at maramdamang katabi ko siya. Hindi ko na kailangan ng kumot sa init ng katawan at yakap niya. Gustong-gusto ko ang amoy niya. Ang samyo ng kaniyang pagkalalaki. Tila hininga ng mamahaling pabangong dumidikit sa unan, sa kumot, sa kama.

Kapag pumapasok siya sa trabaho, humihilata ako sa kama nang ilang oras. Hindi para magpahinga ni magpalipas ng oras. Gusto lang lasapin ng pang-amoy ko ang kahuli-hulihan niyang  samyong kayang ialay sa akin ng kama.

Muli kong ibinaling ang tingin sa ginuhit. Ambang lalapatan ko na ng shade nang makarinig ako ng bulong.

"Wala ng iba . . . wala ng iba." Manipis na tunog na hinatid sa akin ng hanging ibinuga ng aircon. Napapitlag ako nang dumaan sa batok ang isang malamig na hangin. Kakaiba. Hinigit nito ang lamig ng paligid. Nanuot ang lamig sa kasulok-sulukang bahagi ng batok ko. Hinagod ko ang leeg.

"Wala ng iba. . . wala ng iba." Ibinubulong na naman sa akin ng gabi.

Inisip kong dinaman na naman si Lyle. Nagsasalita habang tulog. Napalinga ako sa hinihigaan niya. Nanlaki ang mga mata ko. Iginala ko ang tingin sa buong silid. Wala si Lyle.

Agad akong tumayo. Tinungo ang cr, binuksan ang pantay-ulong kabinet. Kalukuhang naroon si Lyle, ngunit higit na kahibangang mawaglit siya sa loob ng silid nang wala sa hinagap ko. Paulit-ulit akong nagpalinga-linga sa buong silid. Ni katiting na anino niya ay hindi ko mahagilap. Napansin kong nasa harap na pala ako ng salaming nakapaskil sa kabinet. Napatitig na lang ako sa sariling repleksyon.

Dinalaw na naman ako ng pangamba. Di mapakali ang nangangatal kong puso. Nangyari na naman ang kinatatakutan ko. Tatlong taon na kaming naninirahan sa iisang bubong ngunit inaamin kong hindi ko pa ganap na kilala si Lyle. May mga sandaling nagigising ako sa madaling araw na wala siya sa tabi. Natitiyak kong nag-i-sleep walk siya dahil nakatiwangwang ang pinto. Ngunit kataka-takang ni minsan ay hindi ko siya nahuling naglalakad ni narinig na umingit ang pinto. Basta-basta na lang siyang naglalaho. Bigla-bigla rin siyang bumabalik sa kama nang hindi ko napapansin. Ang hindi ko maipaliwanag, nangyayari lang ito tuwing alas-3:00 ng madaling araw.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 13, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Huling KagatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon