ILANG segundong napatitig lang kay Wendy ang ama, na parang in-absorb at inintindi muna ang narinig bago nagsalita uli.
"BBB?" kunot noong ulit nito, nasa anyo ang pagkalito.
"Bad Beastly Bodyguard!" malakas na sabi niya at katakot-takot na inirapan si Shanely na naubo naman-kung sinadya o hindi ay hindi alam ni Wendy. Nagpipigil naman ng tawa ang Daddy niya na lalong ikinainis ng dalaga. Hindi nakakatawa ang sitwasyon niya! "Inaaway niya ako lagi, Dad! Can you believe that? He's not giving me the respect I deserve! Ang lakas niyang makasigaw kahit nasa gitna kami ng kalye! Mas malakas pa sa akin ang voice niya! Hindi pa niya ako tinatawag ng 'Ma-am! He calls me Wendy in a capital cold W!" lahad niya sa tonong parang mortal sin ang hindi pagtawag ni Shanely sa kanya ng Ma'am.
Binalingan ni Wendy ang hate niyang bodyguard na parang bingi lang sa puwesto nito. Kalmadong-kalmado ang upo ni Shanely, parang nasa theatre lang. "Rude!" asik niya, hindi alintana kung hindi man ito nakatingin sa kanya. Ibinalik niya sa ama ang tingin, mataman naman itong nakikinig. Ah, kailangan na niyang damihan ang masamang sumbong para malagot ang kaaway!
Pinigil niyang ngumiti ng wicked.
"Ang dami pa niyang rules! As if he's the boss, hmp! Bodyguard ko siya pero ako ang inuutusan niya? Ako ang kailangang sumunod. Ako ang-"
"Bakit mo siya sinusunod?" agap ng ama niya, bahagyang kumunot ang noo nito.
"Sasaktan niya ako, eh." walang gatol na sagot ni Wendy, pasimple niyang sinulyapan ang kapre bodyguard at binigyan niya ng nagbabantang ngiti, nakataas ang kilay niya-na hindi nakita ng ama dahil sinadya niyang tumalikod. Humanda na si Shanely sa Daddy niya. Sigurado siyang huling gabi na nito bilang bodyguard niya. Tumatawa na si Wendy sa isip.
"Sinabi niyang sasaktan ka niya?" maingat na susog ng kanyang ama. Kapag ganoon ang tono nito ay kailangang maingat din ang sagot niya o babalik sa kanya lahat ng mali niyang sasabihin. Mabilis mahuli ng ama na nagsisinungalang siya.
Hindi umimik si Wendy. Inulit ng ama ang tanong.
"No, but..ahm, Dad, kasi...he looks like he's gonna wring my neck and kills me in no time, eh!" may kasamang paawa na bago ang deadly stare niya kay Shanely. "Long hair na lang ang kulang, kapre na siya! Who wouldn't be scared?"
Katahimikan ang kasunod ng pag-amin niya ng takot. Parang napaisip naman ang Daddy niya. Si Shanely, malamang nagdidiwang na siya mismo ang nag-confirm ng takot niya rito. Wala siyang pakialam.
"Scared," anang ama niya. "Natatakot ka kay Shanely, sweetheart?"
"Yes-I mean, no! Takot lang ako kasi mukha siyang kapre!" sa kawalan ng tamang salita para itanggi ang totoo-na takot nga siya kay Shanely kaya siya napapasunod ay iyon ang sinabi ni Wendy. "Lalaban naman ako kapag sinaktan niya ako, eh."
"Kapag sinaktan ka niya?" ulit na naman ng Daddy niya. "Ibig sabihin, hindi ka pa niya sinaktan kahit minsan?"
Napangiwi na si Wendy. Huli na agad siya. Naamin na niyang natatakot siya kay Shanely ay mukhang bigo pa siyang ma-convince ang ama na masamang tao ang bodyguard niya. Kung sa boxing, unang round pa lang ay bagsak agad siya.
"Wendy?"
"Hindi pa, Dad..."
"Inisip mo lang na sasaktan ka niya?
Napalunok si Wendy. Mahina na rin ang boses niya. Ganoon na ganoon siya kapag talo siya sa argumento nila at napaamin siya ng kasinungalingan. "Yes, Dad..."
"Shanely?" tawag ng ama niya sa bodyguard. Kaagad na tumayo ito sinalubong ang tingin ng Daddy niya.
"Naisip mo bang saktan ang anak ko?"
Fire ka na tomorrow, BBB! Ha-ha.
"Hindi kahit minsan, Sir." mababang sagot ni Shanely.
"Hindi daw!" hindi niya napigilang sabat. "Ang higpit nga lagi ng hawak mo sa manibela kapag inaaway mo ako, eh. Kung sisiw lang ang manibela, bloody na ang hands mo at giniling na pati organs ng sisiw! At no'ng nahuli mo akong pupunta sa bar, kulang na lang ihampas mo sa akin 'yong bag ko 'di ba? Kung hindi ako iiwas sa hawak mo 'pag nag-aaway tayo, sure ako na matagal mo na akong sinaktan, beast!"
"Wendy." Ang ama niya sa may warning na tono.
"Totoo ang sinasabi ko, Dad. Ask him!"
Saglit na tumahimik ang Daddy niya. Napahagod sa batok na para bang na-stress sa kanya.
"May sasabihin ka ba sa anak ko, Shanely?"
"Wala, Sir. Wala ho akong dapat ipaliwanag sa mga sitwasyong binanggit niya. Hindi ko siya pinayagang lumabas para iiwas sa panganib."
Bubulong-bulong si Wendy. "Bakit kasi kulang na lang ikulong mo ako sa bahay? Hindi puwedeng huminto ang buhay ko dito. Ngayon, kung mapatay man ako ng mga gun men na iyon, kasalanan mo na 'yon, Shanely! Kaya ka nga kinuha ni Dad para bantayan ako, eh. Hindi ka binabayaran para lang sirain ang araw ko." She paused, she remembered something. Pinaningkitan niya ng mga mata si Shanely. "And Dad, heto pa, sinabi lang naman niya kay Lola Santina na mag-asawa kami-"
"At sinabi mo naman kay Santina na binubugbog ka niya? Inatake ng pobre si Shanely gamit ang baston niya," agap ng ama niya at nasapo ang dibdib para pigilan ang malakas na pagtawa. Sumakit yata ang mga sugat nito. Sinulyapan nito si Shanely na nakayuko, sa hula niya ay para itago ang walang tunog na pagtawa. Nagpigil lang siyang huwag hambalusin ng silyang kinauupuan nito ang nakakainis na kapre! "And then the three of you were shot," dugtong ng ama niya na seryoso na. "Kung hindi mo kasama si Shanely, napahamak na kayo pareho ni Santina."
"'Yan ba ang version ni Shanely sa nangyari Dad?"
"No. Ang totoo, walang binanggit si Shanely. Si Santina ang nagkuwento sa akin. Inakusahan niya akong walang kakayahang patahimikin ang bayang nasasakupan ko. Matalas talaga ang dila ng isang iyon hanggang ngayon." Umiiling-iling ito pero nakangiti, may affection sa mga mata.
"Sino si Lola Santina, Dad?"
"Bestfriend ng Lolo mo. Mas bata siya ng ilang taon kay Papa kaya parang panganay na kapatid ang tingin ko sa kanya noon. Marami siyang itinuro sa akin tungkol sa buhay. I love that old woman. Hindi ako nagkamali, babalik siya isang araw sa Victoria at ako ang babalikan niya." Nakangiting pagkukuwento nito. Bumaling ito kay Shanely mayamaya, tinawag ang atensiyon ng bodyguard niya.
"Ikaw naman ang tatanungin ko, kumusta ang anak ko nitong mga lumipas na araw na wala ako sa tabi niya?" tanong ng ama niya kay Shanely.
Ah, sigurado si Wendy na mas masama kaysa sa mga sinabi niya ang mga maririnig kay Shanely. Wala siyang pakialam sa mga sasabihin nito. Sinong kaaway naman ang magsasabi ng nice things tungkol sa kaaway?
Kinuha niya ang iPhone at nagkunwaring busy.
"Hindi siya naging okay hanggang sa araw na nagkausap na kayo, Sir," ang narinig niyang sinabi ni Shanely. Alam nito ang tungkol doon? Sa pagkakatanda niya ay noong unang gabi lang siya nagpakita ng kahinaan. Noong mga sumunod na araw ay hindi na siya umiiyak, pilit na niyang itinago ang tunay na nararamdaman. Nagpanggap na siyang matapang. Paano nalaman ni Shanely na hindi siya kailanman naging okay mula nang ma-ambush ang Daddy niya?
"'Yan ang dahilan kaya nagmamadali na akong gumaling," anang ama niya at ngumiti. "Kumusta siya bilang kliyente, hijo?"
"Hindi niya naman ako binigyan ng malaking problema, Sir." kaswal na sagot nito. Liar! "And she's a nice girl."
Kamuntik nang mabitawang ni Wendy ang iPhone niya.
Nice girl? Me?