HINDI alam ni Wendy kung bakit si Shanely agad ang hinanap ng tingin niya sa paligid nang naroon na sila ng ama sa RRS office. Balik na naman ang ama niya sa normal na trabaho na parang hindi na-ospital at nanganib ang buhay.
Wala sa opisina si Shanely kaya si Virgilio ang hinanap niya. Si Randy, ang partner ni Virgilio na nakilala na rin niya ang nagturo sa kanya sa palapag ng unit nito at ibinigay pa sa kanya ang keycard. Gusto niyang mas galitin pa si Shanely. Nabanggit kasi ni Virgilio sa kanya na hindi ito magkasundo at si Shanely. Pumuslit siya habang nag-uusap si Rance at ang ama niya—nagpunta siya sa unit ni Virgilio.
Nagawa ni Wendy ang gusto niya—nagpakita na nga uli si Shanely pero mainit agad ang naging pag-uusap nila dahil nahuli siya nitong nakakandong kay Virgilio—na asawa pala ng mismong pinsan nitong nahuli rin sila sa tagpong iyon!
Sa anyo ng pinsan ni Shanely na si Sarah ay mukhang papatayin siya sa kalmot. Bukod sa natakot siyang pumangit, wala sa plano ni Wendy ang mang-inis ng ibang tao. Si Shanely lang talaga ang gusto niyang galitin lagi kaya umiwas agad siya sa gulo.
Sapilitan siyang inilabas ni Shanely sa unit ni Virgilio. Nagtitili si Wendy pero hindi siya nito binitiwan hanggang nang makapasok sila sa elevator. Tahimik na tahimik ang beast bodyguard niya kahit nag-iingay siya. Hindi nito sinagot ang alinman sa sinabi niya kaya nanibago ang dalaga. Nakarating sila sa palapag ng opisina ng boss nito kung saan naroon rin ang Daddy niya, na hindi siya nito kinausap. Hinawakan lang nang mahigpit ang braso niya at iginiya siya sa isang silid. Dinatnan nila roon si Rance at ang kanyang ama. Sa anyo ng dalawa at sa kakaibang katahimikan ng silid ay nakaramdam siya ng kaba. Nahulaan na niyang mahalaga ang pag-uusapan nila roon.
Hindi niya akalalain na ang ilang minuto niya sa silid na iyon ang magpapabago ng lahat. Isang katotohanan raw tungkol sa pagkatao ni Shanely ang dapat niyang malaman ayon sa ama niya.
Nagulantang hindi lang ang puso ni Wendy, pati buong pagkatao niya nang sabihin ng ama na magkapatid sila!
Black American raw ang ina nito na naka-relasyon ng ama niya noon. Inabot ni Rance sa kanya ang file folder na naglalaman ng impormasyon. Hindi na nag-sink in kay Wendy ang mga nabasa niya, o ang picture ng babaeng sinasabi nitong ina ni Shanely. Isang bagay ang naghuhumiyaw sa utak niya na sa hindi maintindihang dahilan ni Wendy ay hindi niya nagustuhan—na magkadugo sila at long lost Kuya niya si Shanely.
Half brother niya ang twenty-nine years old bodyguard na itinuturing niyang mortal enemy?
Nabitawan niya nang wala sa loob ang DNA test result na huling binasa niya.
"Puwede mo na siyang pagkatiwalaan ngayon, sweetie," mababang sabi ni Rance, may nabanaag siyang damdamin sa mga mata nito, kung tenderness o awa iyon ay hindi niya matiyak.
"He's right," sang-ayon ng ama niya. "We're family, sweetheart," dugtong pa nito.
Hindi siya umimik. Hindi niya alam ang dapat niyang gawin o sabihin. Nineteen years siyang nabuhay bilang nag-iisang anak, na walang ibang kinilalang kadugo kundi ang ama niya. Ngayon, bigla ay may Kuya na siya at si Shanely pa? Paano niya tatanggapin na lang iyon?
"Puwede mo na rin akong tawagin sa totoong pangalan ko," sabi ni Shanely. Wala sa loob na tumingin siya rito. Hindi isang Kuya ang nakita niya sa anyo nito, ang nakita niya ay ang lalaking kasama niya kanina sa elevator—distant, malamig ang tingin at anyo. Wala ni katiting na warmth sa mga mata nito para sa kanya. "Rigorr Finch. Ngayong alam mo na ang lahat, siguro naman, hindi mo na aawayin ang...ang kuya mo, Wendy."