NAHINTO sina Wendy at Rigorr sa pagkukuwentuhan nang bumukas ang pinto at magkasunod na pumasok ang dalawang goons. "Kailangan mong lumipat ng kuwarto, prinsesang brat." Sabi ng isa, lumapit sa kanya at hinawakan siya sa braso. Ang isa naman ay kinuha ang mga tray na pinagkainan nila.
Wala sa loob na kumapit si Wendy kay Rigorr nang hilahin siya ng lalaki para ilabas. "I'm not going with you, jerk!" hinigpitan niya ang kapit sa braso ni Rigorr.
Lumingon ang lalaki at naningkit ang mga matang tanging nakikita niya sa mukha nito. "Duwag," sabi niya at malakas na binawi ang braso. Nagulat yata ito, nabitawan siya. Ginamit niya ang pagkakataon para hilahin ang itim na telang takip sa mukha nito. Nakanganga ang lalaki nang malantad ang buong mukha, halatang hindi inaasahan ang ginawa niya. Sa ibang pagkakataon ay pinansin na ni Wendy ang looks nito pero hindi sa sitwasyon niya nang sandaling iyon—guwapo ang goon. Magsing-kinis pa ang mga skin nila. Kung iba ang naging kulay ng mga mata nito ay iisipin niyang purong banyaga ang dugo.
Nakataas ang kilay na ngumiti si Wendy—ang malditang ngiti niya. "Now, I can sketch your face, ugly goon. Mabubulok kayo sa kulungan sa oras na makalabas kami rito." Pagbaling niya kay Rigorr ay nakayuko ito, nahagip pa ng tingin niya ang pag-alog ng mga balikat na inakala niyang tumatawa pero seryoso ito nang mag-angat ng mukha.
"Totoo pala talaga ang balita," sabi ng goon na na-unmask niya, umiling-iling. "Bitchy-witchy-bratty Wendy Veltrano. Wala ka talagang kupas, prinsesang brat. Tingnan natin kung hanggang saan ang pagiging bruha mo." Hinila uli nito ang braso niya.
"No!" piglas ni Wendy. Naramdaman niyang hinapit ni Rigor ang baywang niya at kinabig siya palapit sa katawan nito. Napasandal siya sa katawan ng lalaki. Hinawakan nito ang bisig ng goon. "Maisasama mo siya nang hindi kailangang saktan," kalmadong sabi ni Rigorr, malamig ang anyo pero nagbabanta ang tingin sa dalawa.
Tumikhim ang isa na nawala na sa isip ni Wendy ang presence sa silid. Tangan pa rin nito ang tray. "Gusto ko nang matulog, bro. Mas madali natin silang mababantayan sa iisang kuwarto. Ilipat na natin pati 'yang inutil niyang alalay nang wala nang problema."
Nagbabanta ang tingin ng goon na-unmask niya nang balingan nito si Rigorr. "'Wag kang magkakamali ng kilos, man. Ang charm ko, hindi basta mauubos, pero ang pasensiya ko sa brat na ito, konting-konti na lang."
"Mag-duwelo na lang tayo sa labas kung gusto mo," sagot ni Rigorr. "Walang armas. Kaya kong sagarin ang pasensiya mo." Namilog ang mga matang nag-angat siya ng tingin rito. Naglalaban ang tingin ng dalawa. "Huwag nating idamay si Wendy. Kating-kati na rin akong basagin ang pagmumukha mo kanina pa."
"Rigorr," saway ni Wendy, napapalunok. Sa nakita niyang anyo ng lalaki ay mukhang kay Rigorr nito ibubuhos ang galit sa kanya. Ngumisi ang goon mayamaya.
"Gusto ko 'yan," anito na mas lumapad pa ang ngisi. "Bro," tawag nito sa kasama. "Ilabas mo ang lahat ng laruan natin, sentensiyahan na natin ang isang 'to bago dumating si boss."
"Walang problema, bro," anang isa naman. "Si Prinsesa brat lang naman ang kailangan niya ng buhay. Walang silbi sa atin ang 'itim' na ito."
"Tara," ani Rigorr kay Wendy, hinawakan nito ang bisig niya at iginiya siya palabas ng silid na iyon. Ilang saradong pinto ang nilampasan nila bago sila nakarating sa nag-iisang silid na bukas ang pinto.
Inalalayan siya ni Rigorr na makapasok sa loob. Hindi nalalayo ang silid sa guest room sa mansiyon nila. Nag-iimbita rin ang malapad na kama—huminto ang mga mata ni Wendy sa bagay na nasa ibabaw ng kama.
Paper bags?
Dalawang paper bags ang nasa kama katabi ang cell phone?
Napapitlag siya nang mag-ring ang gadget. Bumitiw siya kay Rigorr at sinipat iyon. Tumuloy naman ito sa pinto at ini-lock iyon.
"Sagutin mo," sabi ni Rigorr, sumandal sa pinto sa anyong nag-aabang ng sinumang papasok roon.
Tinanggap niya ang tawag nang hindi nag-hello...
-- end of preview --
YOU MAY READ THE REMAINING CHAPTERS IN DREAME.