Ito ang unang pagkakataon na makikipagdate ako sa ibang babae. Ang asawa ko pa ang naghanda ng susuotin ko. Hindi ko ito pinlano, hindi ko man lang sinabi sa asawa ko ang ibig ko, hindi ko na siguro napansin na gising pa siya nung umiiyak ako kagabi pagkatapos akong hagkan ng anak namin at yakapin bago siya matulog. Naalala ko kasi na yun din ang ginagawa ko sa mama ko bago ako matulog. Naalala ko si mama at hindi ko na maalala kung kailan kami huling nagkita.
Tinawagan ko si Mama para sabihing nasa tapat na ako ng bahay niya, natulala ako sa ganda ng mama ko, nakafloral dress at nakaayos ang kulot niyang buhok, magiliw pa ring pagmasdan ang mga lakad niyang timtiman at ang lalo pang nagpaganda sakanya ay ang mga ngiti niyang nagpaliwanag sa aking araw. Hindi ko maiwasang mapangiti rin.
Nanood muna kami ng pelikula. Pinili ko yung pelikulang makakarelate siya at sakto sa araw na ito ay may restored film si Vilma Santos. Vilmanian si mama kaya tuwang tuwa sa napanood niya. Nagselfie din kami at manghang mangha sa cellphone na nasa harap ang camera. Pinapanood ako ni mama habang naglalaro ako ng basketball sa timezone. Pagkatapos naming gumala ay pumunta na kami sa Barbara’s Restaurant. Nakatitig si Mama sakin habang namimili ako ng menu.
Ang sabi ko, “mama bakit po? May dumi ba sa mukha ko?”
Ang sabi niya “wala naman anak, natutuwa lang ako kasi kung dati ako ang namimili ng kakainin natin dahil di ka pa marunong magbasa, ngayon ikaw na ang may hawak ng menu dahil hindi ko na kayang basahin ang maliliit na letra.”
Napangiti ako sa sinabi niya kaya naman pinagpatuloy ko ang pagbabangggit ng mga nasa menu para makapili siya, tila ba bumigat ang pakiramdam ko nang sabihin niyang “Kare kare ang paborito nating kainin ng Papa mo.”
Tatlong taon nang patay si papa, nasagasaan siya dahil sa akin. Hindi ko mapatawad ang sarili ko, ni hindi ko kayang makita ang mama ko araw araw na nagluluksa dahil sa akin. Kaya lumayo ako, kung naging mabuti lang akong anak at hindi puro bisyo ang ginagawa ko, marahil hanggang ngayon ay kasama pa namin siya.
Natapos ang gabing hindi ko maibaon sa limot ang nangyari, kung paano ko nadulutan ng sama ng loob ang aking mga magulang dahil sa kasalanang aking nagawa. Dala-dala ko parin ang pagluluksa.
Kinaumagahan paggising ko, nakatanggap ako ng maraming missed calls galing sa unknown number. Tinawagan ko at nabalitaan ko na pumanaw na si mama, inatake siya sa puso.
Pagkaraan ng ilang araw nang mailibing ang aking mama, nagpunta ako sa kwarto niya at may nakita akong isang sulat.
“Anak, Salamat dahil napatawad mo na ang sarili mo, huwag ka sanang mahiya sa akin. Huwag mo sanang hatulan ang puso mo. Pinili niya na siya ang masagasaan at hindi ikaw dahil sa pagmamahal saiyo, mahal ka namin ng papa mo. Bawat oras bawat pagkakataon hindi ka naalis sa puso’t isipan namin. Lumayo ka man sakin, hinintay ko ang paglapit mo. Masaya ang aking puso at binigyan ka ng Dios ng masayang pamilya. Manang mana sayo si Jr, dahil kay Jr sigurado ako na alam mo na ang pakiramdam ng isang magulang na nagmamahal sa kanyang anak. Nung kinasal ako sa papa mo akala ko yun na ang pinakamasayang araw ng buhay ko, hindi pala, nung tinititigan kita kanina sa Barbaras, narealize ko na ang pinakamasayang araw ng buhay ko ay yung ipinanganak kita, lahat ng pagdaramdam ko nung ipinagbubuntis kita nakalimutan ko nung araw nayun, dahil mayroon akong anak na kawangis ng asawa ko. Araw araw masaya ako dahil may isang ikaw na pamana ng Dios sa amin ng papa mo. Hindi ko ineexpect na pahihiramin pa ko ng Dios ng araw para makasama ka sa mga huling araw ko. Ingatan nawang palagi. Hanggang sa muli nating pagkikita. Nagmamahal, Mama.”