12: Ang Marka (Itim na Pakpak)

825 45 0
                                    

CARMENCITA
KABANATA 12: ANG MARKA (Itim na Pakpak)

"Hindi!" nagwawalang sigaw ni Carmencita habang yakap niya ang kanyang ama na si Renato. Wala na itong buhay. Nasasaktan si Lucid sa pagtangis ng dalaga.

"Huwag mong sabihin na ikaw ay nasasaktan mahal kong kapatid," sabi ni Romuel kay Lucid.

"Inuulit ko, Serpentino. Umalis ka sa katawan ng binatang 'yan. Hindi mo siya kailangang idamay sa iyong mga nais na gawing kasamaan."

"Ang binatang ito ang itinakda sa akin para ako ay magkaroon ng mortal na katawan. Upang pagharian ang ating mundo at ang mundo ng mga mortal," paliwanag ni Serpentino atsaka siya humalakhak.

"Kaya kailangan ko si Carmencita. Tulad mo, siya rin ang magpapalakas sa aking kapangyarihan!"

"Tumigil ka, Serpentino! Walang sino man ang makakahawak kay Carmencita."

"Bakit? Dahil sa 'yo ba siya itinakda? Mahal kong kapatid na Lucid, p'wede nating baguhin ang kapalaran kung ating nanaisin."

Habang nagtatalo ang magkapatid na si Lucid at si Serpentino. Hindi na nila pansin ang lumalagong pagdadalamhati ni Carmencita sa kanyang puso. Iba't ibang serye ng kaganapan mula sa nakalipas ng kanyang buhay ang nag-uunahan na pumasok sa kanyang memorya.

Masasakit na kaganapan. Mga taong nagtaboy sa kanya. Na hindi dapat siya nararapat na mabuhay sa mundo ng mga mortal. Dahil sa mga ito, ang pait na nararamdaman ng kanyang damdamin ay napapalitan ng galit.

"Aaahhhh..." biglang sigaw ni Carmencita. Siya ay humiwalay sa kanyang ama na walang buhay. Tumayo siya mula sa lupa at nagliwanag ang marka ng itim na pakpak sa kanyang batok. Nakuha ang atensyon ni Lucid at Serpentino.

"Sa wakas! Nagising na ang natutulog niyang kapangyarihan," natutuwang sigaw ni Serpentino. Hindi kumibo si Lucid.

Umuusok ang katawan ni Carmencita, habang ang kanyang mga mata at nakapikit. "Ama, ama..." bulong ng kanyang isipan. Lalong umuusbong ang galit sa kanyang puso, lalong lumalakas ang pwersa ng kapangyarihan na lumalabas sa kanyang katawan. Sa pagmulat muli ng kanyang mga mata, hindi na ito mga ordinaryo. Kulay itim. Nanlilisik sa galit.

"Ganyan nga, Carmencita. Magalit ka! Subukan natin ang iyong kapangyarihan," halakhak na sabi ni Serpentino. Ngunit, mabilis na humarang si Lucid sa harapan ng kanyang kapatid.

"Hindi kita papayagan sa gusto mong mangyari, Serpentino!"

"Umalis ka sa harapan ko, Lucid. Hindi ko pa nakakalimutan na magkapatid tayo. Bakit hindi mo na lang ako hayaan o kaya naman tayong tatlo nina Carmencita ang maghari sa ating sariling kaharian at sa mundo ng mga mortal."

"Layuan niyo ako!" sigaw ni Carmencita. Hindi inaasahan ni Lucid at Serpentino ang isang enerhiyang itim na papalapit sa kanilang kinaroroonan mula kay Carmencita. Mabilis nakaiwas ang magkapatid. Naghiwalay sila ng pwesto.

Subalit, pagkatapos pakawalan ni Carmencita ang isang kapangyarihan na taglay niya, bumalik siya kaagad sa pagiging mortal. Nararamdaman niyang unti-unting nawawalan ng lakas ang kanyang katawan. Nanlalabo na rin ang kanyang mga mata. Pansin din ito ni Lucid at Serpentino dahil ang kanilang atensyon ay nakatuon sa dalaga.

Bago bumagsak sa lupa ang katawan ni Carmencita, nasalo na siya ni Lucid. Isa sa kakayahan ni Lucid ang bilis katulad ng hangin. Pinagmasdan ng binata si Carmencita. Siya ay naaawa.

"Sa ngayon, aalis muna ako. Pag-isipan mo ang aking naging halok sa 'yo, mahal kong kapatid. Hindi mo lang makakasama habang buhay si Carmencita, maghahari pa tayo sa magkabilang mundo." Sa isang iglap nawala si Serpentino gamit ang katawan ni Romuel.

Hindi pinansin ni Lucid ang sinabi ni Serpentino. Nagpalabas siya ng kulay asul na apoy sa kanyang palad. Pinasok niya ito sa katawan ni Carmencita para bumalik ang lakas nito. Mabilis dumaloy sa mga ugat ni Carmencita ang parang napakainit na likido. Unti-unting nagmulat ang kanyang mga mata.

"L—lucid, ano ang nangyari?" mahinang sabi niya.

Ngunit, hindi nagsasalita ang binata bakas sa kanyang mga mata ang matinding kalungkutan. Hindi dahil sa sinapit ni Renato, dahil na rin nagising na ang natutulog na kapangyarihan ni Carmencita na ayaw mangyari ni Lucid. Nababasa ni Carmencita ang lungkot sa mga mata ng binata. 'Saka sumagi sa isipan ni Carmencita si Renato. Mabilis tumulo sa gilid ng kanyang mga mata ang luha. Tinulak niya kaagad si Lucid at tumakbo siyang muli sa kanyang ama. Napaluklok si Lucid sa lupa at iniwasan niyang makita ang pagdadalamhati ni Carmencita.

"Ama! Gumising ka! Huwag mo akong iwan," pagmamakaawa ni Carmencita kay Renato, habang sinusubsob niya ang kanyang ulo sa dibdib ni Renato. Wala siyang tigil sa pag-iyak. Tumigin siya sa kalangitan.

"Bakit? Bakit ako? Ano ba ang aking nagawa para ako ay parusahan ng ganito! Simula nang ako ay isilang hindi ko na naranasan ang maging masaya. Ang makipagkaibigan. Ang magkaroon ng buong pamilya. Bakit? Bakit...." sigaw ni Carmencita.

Habang nakayuko si Lucid, habang naririnig niya ang daing ng dalaga, nagdesisyon na siyang ipaliwanag ang lahat sa dalaga. Hindi na siya nag-alinlangan na lapitan muli si Carmencita.

"Ang lahat ng iyong katanungan ay bibigyan ko ng kasagutan. Ngunit bago ang lahat, kailangan mong tanggapin ang nangyari sa iyong ama. Kailangan mo na siyang pakawalan at hayaan mo na siyang magpahinga ng tuluyan. Alam kong sa konting panahon na kayo ay nagkasama, siya ay naging masaya," paliwanag ni Lucid, habang siya ay nakatayo sa likuran ni Carmencita. Sinakmal ng dalaga ang lupa. Muli, niyakap niya ang kanyang ama at siya ay umiyak nang umiyak.

"Umiyak ka hanggang gusto mo, Carmencita. Hindi mo na maibabalik ang buhay ng iyong ama. Tutulungan kita. Tulad ng sabi ko sa 'yo, ako ay narito para tulungan ka."

Patuloy lang nakikinig si Carmencita sa mga sinasabi ni Lucid. Iniisip niya ang lahat ng mga ito. Alam niyang tama ang lahat ng binibigkas ng binata sa kanya. Kaya unti-unti niyang kinalma ang kanyang sarili. Unti-unti niyang tinatanggap ang pagkawala ng kanyang ama. Hinayaan lang din naman siya ni Lucid. Dahil alam ng binata na napakasakit ng nangyari para kay Carmencita.

"Pero bakit? Wala pang labing-walong taon si Carmencita, bakit nagising na ang kanyang kapangyarihan?" tanong na dumaloy sa isipan ni Lucid at hindi rin niya alam ang kasagutan. Habang siya ay nag-iisip, hindi niya pansin na nasa harapan na niya si Carmencita. Hinawakan ng dalaga ang kamay nito atsaka siya nagulat.

"Tulungan mo ako at bigyan mo ako ng kasagutan sa nangyayari sa aking buhay," wika ni Carmencita at tumango lang si Lucid.

Hiniling ni Carmencita sa binata na sunugin na lang ang katawan ni Renato. Gusto niyang itago ang abo ng kanyang ama sa kanilang mumunting kubo. Habang inaayos nila ang lahat. Hindi nila alam na hindi talaga umalis si Serpentino. Siya ay patuloy na nagmamasid sa kanila.

"Lucid! Pagsisisihan mo ang lahat kapag ako ay iyong kinalaban. Kakalimutan kong magkapatid tayo at kaya kitang siraan sa ating kaharian!" Seryosong bulong ni Serpentino sa kanyang sarili.

ITUTULOY...

*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon