PAKIRAMDAM ni Ruth, nasaid ang energy niya. Nanghina siya bigla. Parang hindi na pagkakarugtong ang mga buto niya sa tuhod. Nanginginig rin ang mga kamay niya. Hindi pa man sinusubukan, alam niyang hindi niya magagawang itayo ang sarili.Pagkatapos ng malakas na sigaw, umiyak na lang siya nang malakas. Kailangan niyang ilabas ang halo-halong emosyon para makahinga. Sa totoo lang, parang sasabog na siya sa sabay sabay na atake ng mga pakiramdam na hindi niya maintindihan. Ang gulo gulo ng utak niya, ng puso niya. Ang daming hindi maintindihan ni Ruth. Ramdam niyang may nag-iba sa kanya mula nang nagising siya sa bangungot. Hindi nga lang niya maipaliwanag. Hindi niya mapigilan ang lakas na parang nasa loob niya, dinidiktahan siya at hinahatak. Hindi na sapat ang lakas niya para lumaban. Tinatangay siya nang paulit-ulit—palapit kay Aldrei.
Gustong isipin ni Ruth na nababaliw na siya pero hindi. Matino siya. Maayos ang takbo ng utak niya. Hindi lang talaga niya mapigilan ang sarili. At hindi niya maintindihan kung saan galing ang ganoon kalakas na hatak.
At ngayon, wala pa mang sagot na nahahanap, mas itinulak pa siya ni Aldrei sa sukldulan ng kayang tanggapin ng isip at puso niya. Gulong gulo si Ruth. Walang maisip gawin.
Napatingin siya sa puwesto ni Aldrei kanina. Parang mas okay kung tumalon na rin siya para matapos na...
Mariing pumikit si Ruth. Paulit-ulit ang pag-iling para sagipin ang natitirang katinuan. Hindi tama. Hindi dapat. Kailangan niyang kumalma. Kailangan niyang mag-isip. Mag-isip nang tama...
Pero hindi pala siya dapat pumikit. Nakita niya sa isip ang mga eksena nila ni Aldrei Gucelli mula nang una silang nagkita. Noong binuksan nito ang gate ng labag sa loob sa mismong moment na naisip ni Ruth na mamamatay na siya sa lamig, noong napilitan itong papasukin siya dahil sa presence ni Camille at Pearl, noong paulit ulit silang nag-aargumento, noong unexpected na dumating ito sa Ly's para sunduin siya, noong nagtama ang mga mata nila pagkatapos ng nakakatakot niyang bangungot, noong bigla itong nagising sa studio at nahuli siya...
Napahikbi si Ruth.
Aldrei...
Alam niyang dagdag sa mga alaala ang eksenang katatapos lang. Paulit-ulit niyang makikita sa isip ang sandaling iyon. Eksenang dagdag sa kanyang mga bangungot.
Mas napaiyak si Ruth. Hindi na talaga matatahimik ang mga gabi niya. At wala sa Pilipinas ang kaibigan para samahan siya sa mga nakakatakot na gabi.
"Ruth!"
Napaangat siya bigla ng mukha. Boses ni Aldrei ang narinig niya. Agad tinuyo ni Ruth ang mga luha para maging malinaw ang kanyang paningin. Sa liwanag na umaabot bahaging iyon ng rooftop, nakita niya ang isang kamay na nakakapit. Hindi niya napansin iyon kanina.
"Aldrei?"
Naging dalawa ang kamay kasunod ang parang naglalaro lang na pag-swing ng katawan ng artist pabalik sa rooftop. Nakanganga na lang si Ruth habang nakamaang sa lalaki na nakaupo na sa pader na kinatatayuan nito kanina.
Sa mahabang sandali na nagtama lang ang mga mata nila, walang sinabing kahit ano si Aldrei. Nakatitig lang sa kanya. Si Ruth naman ay hindi maitayo ang sarili. Hindi pa niya nababawi ang lakas. Nanginginig pa rin ang mga tuhod niya.
"Ang ingay mong umiyak," ang sinabi ni Aldrei kasunod ang marahang pagngiti. Hindi handa si Ruth sa ngiting iyon. Lalong hindi ang puso niya. Napaiyak na lang siya uli. Hindi siya makahinga nang maayos sa emosyon sa dibdib. Hinubad niya ang suot na mga tsinelas at magkasunod na ibinato sa artist. Namanhid yata ang katawan niya kaya balewala na ang lamig. Hindi iyon sinalag ng lalaki, tinanggap lang. Mayamaya ay pinulot ang mga tsinelas at lumapit sa kanya—maingat na isinuot sa mga paa niya.
"I'm sorry..."
Ang tagal na nagtama lang ang mga mata nila...
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampireClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.