K9: Halik

843 43 7
                                    

KABANATA 9

"Alam mo ba kung anong oras na?"

Natigilan si Lyra nang marinig ang boses ni Crescent nang makapasok siya sa kanyang kuwarto. Naroon ito sa loob, nakahalukipkip habang nakasandal malapit sa bintana.

Masama ang loob niya dito kaya naman hindi siya kumibo at iniayos na lamang ang sapin ng kama niya na nakasalansan sa isang gilid. Tahimik niyang ginawa iyon, malaki na siya para palaging magpaalam dito. Isa pa ito naman ang basta na lamang hindi pumansin sa kanya.

"Hindi ka nagpaalam,"

"Wala naman akong gagawin, isa pa abala kayong lahat sa darating na bisita kaya hindi na ako nagpaalam, kung hindi ako umalis baka hindi naging masaya ang kaarawan ko," malamig at puno nang hinampong sagot niya.

"Matutulog na 'ko, sige na matulog ka na rin," nahiga na siya matapos iayos ang sapin at hinila ang kumot niya para tumabon sa sariling katawan. Tumagilid siya sa ibang direksyon at pinilit ipikit ang mga mata, lalo na nang maramdaman niya ang pag-upo nito sa kanyang kama

"May galit ka ba sa 'kin, Lyra?" tanong nito habang hinahaplos ang buhok niya.

Hindi siya sumagot, alam naman niya na hindi siya galit, at hindi niya magawang magalit dito.

"Lyra," pukaw atensyon nito.

"Hindi," matipid niyang sagot nang hindi nagmumulat ng mga mata.

"Kausapin mo 'ko," mahinahon at malambing na wika ni Crescent, amoy na amoy ni Lyra ang mabangong amoy ng bulaklak sa kasuotan nito. Gusto ni Crescent ang mga bulaklak at napatunayan niya iyon, rosas na puti ang pinaka-paborito nito.

"Bukas na nga lang," aniya na pinipigil maiyak pagdating dito iyakin siya at emosyonal, hindi niya 'to gustong tiisin.

"Lyra," May babala na sa boses nito, mabilis itong mainis iyon ang napatunayan niya ng matagal na niya 'tong nakakasama.

"Ano bang gusto mong pag-usapan?" naiinis na naupo siya at hinarap ito.

Natigilan siya nang biglang hawakan nito ang baba niya at hinalikan siya sa mga labi ng walang paalam. Wala siyang maapuhap na salita sa ginawa nito. Ilang segundo lamang iyon at naglapat lang ang mga labi nila pero nang muli silang magkatitigan tila nalunok ni Lyra ang dila niya. Hinahalikan ba ang kapatid sa labi? Ang kaibigan? Ang anak? Hindi 'di ba? Ibig bang sabihin, si Crescent maaari ring may ibang damdamin para sa kanya?

Muli ay hinawakan nito ang baba niya, papalapit nang papalapit ang mapulang labi nito sa labi niyang bahagyang nakaawang. Mainit at mabango ang paghinga nito na malapit na malapit sa mukha niya. Marahan niyang ipinikit ang mga mata at tila may kung anong kuryente ang gumapang sa katawan niya nang muling maglapat ang mga labi nila.

Malambot ang labi nito, mabagal ang pag-galaw na tila ingat na ingat na hindi siya masaktan. Napahawak siya sa batok ni Crescent at kahit hindi niya 'to masundan ay damang-dama niya ang kakaibang kiliti niyon sa damdamin niya. Pakiramdam niya hindi na lang siya basta umaasa sa wala, ang halik nito ang nagpapatunay na maaari siyang umasang maging magkatugma ang himig ng mga puso nila.

Napatunayan niya ngayon na isang babae ang tingin nito sa kanya isang babae na hindi kapatid at hindi anak na kagaya nang iniisip ng halos lahat ng naroon. Ang unang halik niya mula sa lalaking iniibig niya noon pa mang bata siya. Hindi niya nagawang hanapin ang nakaraan niya dahil sa binuo na ni Crescent ang buhay niya at dito niya ginugol bawat oras na mayroon siya. Hindi man niya narinig ang mga salitang gusto niyang marinig sobra nang tuwa ang nararamdaman niya sa nabatid na isa na nga siyang dalaga sa paningin nito.

Raised by Wolves I ( Revised )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon