Chapter 13- Sugat-sugat na Pag-uunawa

250 6 0
                                    

Matapos makumbinsi ni Lim ay umuwi na si Macario sa kanila. Nadatnan niyang nasa balkon si Helen na tila naghihintay sa kanyang pagdating.

"O, Nakauwi ka na pala." Bati pa ni Helen sa asawa.

Pero noong nakaakyat na si Macario sa balkon ay hinalikan lamang niya ang sumasalubong na asawa sa noo at dire-diretso na itong pumasok sa loob ng bahay. Walang isang salita ang lumabas sa bibig nito at napansin din ni Helen na parang dismayado ito sa di malamang dahilan—habang sinusundan niya ito ng tingin.

"Ma'am?" Napalingon siya kay Xandra na noo'y kakarating lang galing sa palengke. 

"O,  Xandra. Dalhin mo na lang yan sa kusina." Sagot niya pa rito.

Sumunod si Helen kay Macario na kakapasok pa lamang sa loob ng kwarto nila at naabutan niya ito na nakahiga na lamang sa kama nang hindi pa nagbibihis at suot pa rin ang kanyang sapatos. Inintindi ni Helen na sadyang pagod lang talaga ito sa byahe kaya siya na lang ang nagtanggal ng mga sapatos nito at ipinasok sa kanilang cabinet. Matapos yun ay dumiretso na siya sa kwarto ni Andre para gisingin ito dahil magta-tanghali na.

"Andre? Gising na!" Sigaw pa nito habang kumakatok sa pintuan.

"Kanina pa po akong gising." Nagulat na lamang si Helen nang marinig si Andre magsalita sa kanyang likuran

"Pambihira ka namang bata ka. Lumalabas ka lang ng kwarto kung kailan mo gusto! Puro computer na lang ang inaatupag mo diyan! Bakit hindi ka tumulong sa mga gawaing bahay para kahit papano, may magandang maidudulot yang pagkasuspinde mo sa eskwelahan?!" Panenermon na naman ni Helen sa kanyang bunso.

"Eh, ano po ang ginagawa ng maid natin?" 

Bago pa makapagsagot si Helen ay pumasok na si Andre sa loob ini-lock ang pinto. Sa kabila ng pagka-inis sa pabalang nitong sagot ay hinayaan niya na lamang. Pumunta na lamang siya sa kusina para magluto ng kanilang pananghalian.

----------

"Ano ang nangyari roon?" Tanong pa ni Helen sa kanyang asawa na kagigising lang at nakatulala pa rin habang nanghahalian.

"A--ano?" Nalilitong tanong nito.

"Ano ang nangyari doon sa pinuntahan niyo sa Caragao? Bakit bigla-biglaan?" Tanong ni Helen na mayroon nang bahid ng pag-aalala.

Natagalan pa ang pag-sagot ni Macario dahil pinoproseso niya pa ang mga nangyari sa Caragao sa kanyang isipan.

"May nakit--may natagpuan silang kamay doon mismo sa kung saan nila natagpuan ang kotse ni Teresita. Pero wag kang mag-aalala, hindi yun sa kanya. Dahil kamay yun ng isang lalaki. Pero ang problema lamang ay hindi malaman-laman kung ano ang kanyang pagkakilanlan dahil tinabas ang kanyang finger-prints."

"Ano?! Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin yan?!" Pagalit na tanong ni Helen.

"Hindi ba, sinabi ko na wag kang masyadong mag-alala?"

"PAANONG HINDI AKO MAG-AALALA?! Kaligtasan na ng anak ko ang pinag-uusapan dito! Anak natin! Tapos may mga ganyang bagay pa kayong natatagpuan—KAYA PAANO AKONG HINDI MAG-AALALA SA KABILA NG LAHAT NANG TO, MAC-MAC? PAANO?!"

"Yun na nga ang sinabi sayo. Ayaw kong mag-aalala ka masyado dahil baka ano nanaman ang pumasok diyan sa isip mo at hindi ka nanaman makakatulog sa gabi!"

"Bakit? Ikaw ba, hindi ka nag-aalala para sa kanya?!"

""Syempre nag-aalala ako! Ano bang klaseng tanong yan? Sa palagay mo ba, nakakatulog ako sa gabi sa tuwing naaalala kong may anak akong nawawala habang wala akong magawa para mahanap siya?! Yun ba ang naiisip mo? INIISIP MO BANG IKAW LANG ANG NAHIHIRAPAN SA LAHAT NANG TO?! NAHIHIRAPAN DIN AKO, HELEN. NAHIHIRAPAN DIN AKO! Pabigat na nang pabigat ang loob ko sa magkakahalong puyat, pagod at pag-aalala. Marami na akong problema tapos isisingit mo lang sa akin ay yang mga sentimiyento mong makasari--" Natigilan si Macario sa kanyang pagsasalita buhat ng makita ang magkahalong lungkot at galit na ekspresyon ni Helen sa mukha.

"Sige...ituloy mo. Walang pumipigil sayo." Sagot pa nito sa kanya.

"Kung yan ang iniisip mo, sige. Aalis na ako sa pamamahay na 'to." Pagpapatuloy pa niya.

Mula sa kanyang kinauupuan ay tumayo si Helen at dali-daling umakyat sa kanilang kwarto. Tinangka pa sanang habulin ni Macario ang kanyang asawa para humingi ng paumanhin ngunit naka-lock na ang pinto.

"Len? Helen. Buksan mo na ang pinto, mag-usap tayo. Hindi ko yun sinasadyang sabihin, sorry na." Ito pa ang sabi ni Macario habang kumakatok. 

Hindi kumikibo si Helen sa kanya kaya nagpatuloy lamang siya sa pangangatok ngunit ayaw pa rin siyang pagbuksan nito. Habang naghihintay sa labas ay naririnig niya ang mga nagbabagsakang mga pinto ng aparador at pag-zip ng mga bag kasabay ang mga mahinang pag-iyak kaya nag-alala na siya. Sinubukan niya muling makiusap sa asawa ngunit hindi pa rin siya nito kinikibo.

Ilang minuto pa ang lumipas ay sa wakas, lumabas na rin ito. Dala-dala nito ang kanyag mga bag at ilang gamit at naluluhang dinaanan lamang si Macario.

"O, teka. Saan ka pupunta?" Nag-aalalang tanong ni Macario.

"Aalis na ako, pabigat lang naman pala ako sa inyo. Sorry, ah? Kung naging makasarili ako masyado sa inyo dahil iniisip ko ang kalagayan ng anak ko. Yan na ang huling beses dahil hindi na tayo magkikita. Uuwi na muna ako sa amin." Sagot pa nito.

Dali-dali itong umalis ng bahay. Sinubukan pa siyang pigilan ni Macario ngunit nagpumiglas lamang ito.

"Teka muna, Helen!"

"BITAWAN MO 'KO!" 

At noong nakalabas na ng gate ay agad ding nakasakay si Helen sa isa sa mga nakaparadang tricycle, at agad nakaalis. Tinangka pa sana siyang habulin ni Macario ngunit hindi na nito naabutan ang kanyang asawa.

"HELEN, BUMALIK KA RITO!" Tanging sigaw na lamang ang nagawa ni Macario matapos yun.



Ang Pagkawala Ni Teresita GomezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon