Chapter 24
Diary ni Corazon
Nilalaman Part 3Mula sa likuran ng pinto kung saan ako naroon, narinig kong kumalansing ang mga kadenang nakakandado rito. Mayamaya pa'y tumilapon na mula sa labas nito ang ilang piraso ng tinapay na kahit inaamag na ay agad kong dinampot at isinubo.
Gutom na gutom ako. Kahit anong klase ng pagkain pa ang ihagis nila mula sa labas; panis man o bulok na ay kakainin ko. Ang importante ay magkalaman ang aking kumakalam na sikmura.
Nilingon ko si Rogelio na nasa likuran ko. Kung noong una ay hindi ko siya makita dahil sa dilim, ngayon ay nakakasanayan na ng mga mata ko ang kadiliman. Nabubuo na ngayon sa imahe ko ang hubog niya kahit mas madilim pa sa gabi ang kapaligiran.
Nilapitan ko siya at pilit isinubo sa natutuyot niyang mga labi ang piraso ng tinapay na natira ko.
“K-kainin mo ito...” Nanginginig ang mga daliri ko. Tila ba may humahalukay sa sikmura ko at nagsasabing ako na lang ang kumain niyon.
Agad naman nginuya ni Rogelio ang piraso ng tinapay na inilagay ko sa kanyang bibig. Lumagutok ang mga buto niya sa panga habang ngumunguya siya. Tumutulo ang laway niya habang nanlilisik ang kanyang mga mata.
Habag na habag ako. Tila ibang tao na siya. Ano bang ginawa nila sa asawa ko?! Bakit ba siya nagkaganito?!
Natatandaan ko na matapos nilang saktan at pahirapan ang aking asawang si Rogelio ay kinuha nila ito kahit wala itong malay-tao. Isang araw rin siyang nawala at pagbalik niya ay ganito na siya.
Hindi ko na siya makausap. Malikot na ang kanyang mga mata na para bang may kinatatakutang nilalang. Lagi na ring nangangati ang kanyang likuran. Hindi ko naman ito magawang kamutin dahil halos wala na itong balat at naglalangib na ang laman.
May mga gabi pa na bumubulong siya mag-isa. May sinasabi siya na siya lang ang nakakaalam. May mga sinasambit siya na siya lang ang nakakaintindi. May mga titig siya sa akin na para bang gusto na niya akong kaninin.
Nagigimbal ako sa mga nakikita ko. Nasisindak na ako sa asawa ko. Hindi na nga yata siya si Rogelio!
Ngunit nahahabag ako sa kanya. Baliktarin man ang mundo, siya pa rin ang aking asawa na nakasama ko nang matagal, at aking minamahal.
Nang araw na kinuha siya ni Don Saul, nakarinig ako ng mga boses sa di kalayuan. Idinikit ko pa nga ang aking tainga upang marinig ito nang lubos. Mga tinig ito na para bang nagdadasal. Nag-o-orasyon sa salitang latin kaya hindi ko maintindihan.
Kaya nang ibalik ni Don Saul si Rogelio, nagbago na ang asawa ko. Lagi lang itong nakatingin sa akin habang nagsasalita mag-isa. Umiiyak siya habang naglalaway ang mga labi niya. Nanginginig ang katawan niya at tumutunog ang kumakalam niyang sikmura. Lumalagutok ang mga buto niya sa bawat pagkilos niya.
Mukhang nagtagumpay na sila. Inialay na nila ang katawan ng asawa ko sa isang diablo kapalit ng kaligtasan ni Klay na apo nila!
Ilang sandali pa'y gumapang si Rogelio patungo sa pinto. Kinalampag niya ito at pilit itinutulak ang sarili palabas. Para siyang isang mabangis na hayop. Humihiyaw siya habang malakas na binabalya ang pinto na tila umaasang masisira niya ito.
“R-Rogelio...” Napahagulhol ako. Wala sa sariling napaupo na lang ako habang tinatakpan ko ang aking mga tainga.
Ang mga kalampag na ito, ang mga tunog ng kanyang mga buto – ayoko ng marinig ang mga ingay na ito.
Hindi ko na matandaan kung ilang araw na kami sa kwartong ito subalit gabi-gabi na lang ay naririnig ko ang mga ingay na ito.
Pagud na pagod na ako. Suko na ako. Paulit-ulit na lang na pumapasok sa isip ko ang ginawa nilang kalapastanganan sa amin. Hindi mawala sa isip ko kung paano nila unti-unting pinapatay ang asawa ko. Kaya wala akong magawa kundi ang tumalungko at yakapin ang sarili ko. Tatakpan ko na naman ang tainga ko at hintayin na lang ang kamatayan ko. Hindi na kasi magtatagal, kapag maghina na ang katawan ko, ay kakainin na ako ng mga langgam, o di kaya ng mga daga sa kuwartong ito.
Ang masangsang na amoy ng laman ng tao ay nakasanayan ko na. Ang mga sakit at kirot ng aking katawan na ngayon ay manhid na. Sa natutuyo kong mga balat na natutuklap na ay hindi ko na maramdaman. Sa mga kuko kong nabaklas na sa aking daliri dahil pilit kong hinuhukay ang mga pader sa paligid.
Nababaliw na ba ako? Hindi ko na kasi matandaan kung kailan ko huling nakita ang sikat ng araw. Wala na sa alaala ko na minsan akong nabuhay nang masaya at normal.
Wala na. Bumigay na ang katawan ko. Bumigay na rin pati ang pag-iisip ko.
“Corazon...” sabi ng isang tinig.
Napalinga ako sa madilim na paligid. Saan galing ang tinig na iyon? Tila iyon nagmula sa kailaliman ng isang balon.
“S-sino ka? Ano na naman ang kailangan mo?!” bulyaw ko. Heto na naman kasi ang boses na ito at kinakausap ako.
“Patayin mo si Rogelio.”
“H-ha?”
“Patayin mo ang asawa mo.”
Mariin kong tinakpan ang aking tainga. “Lumayo ka! Wag mo akong kausapin, lumayo ka!”
“Patayin mo siya, Corazon. Kainin mo siya.”
“Tumigil ka!”
“Patayin mo ang asawa mo, Corazon, dahil kung hindi ay ikaw ang kakainin niya.”
Namilog ang aking mga mata sa hilakbot. “K-kakainin niya ako?”
“Oo! ”
Umiling ako.
“Unahan mo na siya. Tapusin mo na ang buhay niya.”
Naglandas ang mga luha ko habang umiiling-iling ang aking ulo. Hindi ko namalayan na dahan-dahan na pala akong tumayao mula sa aking pagkakatalungko. Dahan-dahan ay nilalapitan ko na ang asawa ko.
“Hindi na siya ang asawa mo. Pag-aari na siya ng diablo,” anang pa ng tinig.
Napapikit ako. Nangangatal ang mga labi ko. “H-hindi ko kaya...”
“Kaya mo. Patayin mo siya, Corazon. Kaya mo.”
“Tumigil ka! Kung sino ka man, tumigil ka! Hindi ko papatayin ang asawa ko!”
Lumapit pa ako kay Rogelio na abala pa rin sa paghampas sa pinto. Halos bali na ang ilang buto niya sa daliri. Nakaangat na rin ang kanyang mga kuko dahil ayaw niyang tumigil sa kakabalya sa pinto.
“R-Rogelio...”
Hindi niya ako pinansin. Tuloy lang siya sa kanyang ginagawa.
Para siyang mabangis na hayop na gusto ng naghuhumentado. Dinig na dinig ko ang ingay ang kumakalam niyang sikmura, gutom na gutom siya at tila ba may batid siyang makakain mula sa labas ng pinto kaya nais niyang makawala.
“R-Rogelio... asawa ko... mahal ko…”
Saka lang siya huminto sa kanyang ginagawa nang marinig niya ang sinabi ko. Pagkuwan ay matalim ang kanyang mga mata na nilingon ako.
Bumuka ang bibig ni Rogelio. “Hindi na, Corazon...”
Napaatras ako. “H-ha?”
Sa kanya? Sa kanya pala nagmumula ang tinig na kumakausap sa akin!
Muling bumuka ang kanyang bibig na naglalawa sa malapot at masangsang na laway. “Hindi na ito ang asawa mo.”
Ngumiti siya sanhi kaya lumitaw ang nangingitim niyang mga ngipin. “Pag-aari ko na... ang katawang ito. Asgdjrkrnrhfirjebruroqwjrornr.....”
JF
BINABASA MO ANG
Casa Inferno (The heart's home)
Paranormal"...and the devil fell in love with you, the way he loves hell." This novel is inspired by real events. Highest rank in horror: Top 1 Highest rank in Paranormal: Top 1