MINSAN MAY ISANG ADIK

91 5 0
                                    

Isa akong adik.

Tingin ng mga nakapaligid sa akin, isa akong ordinaryong estudyante. Pumapasok sa paaralan, umuuuwi sa boarding house sa takdang oras. Pabalik-balik na ruta. Lahat ay palatandaan ng pagiging normal. Mabuting mag-aaral naman ang makikita sa akin subalit lingid sa kaalaman ng karamihan ISA AKONG ADIK.

Ayaw mong maniwala? Nakakagulat man ang rebelasyong ito pero chill lang. I-check mo muna ang oras. Siguruhing wala kang klaseng masasagasaan. Kung okey na, upo ka lang at sundan ang daloy ng mga salita ng aking pag-amin.

Grade five ako nun. Patingin-tngin lang ako nung una sa mga kaklase kong nag-uumpukan sa lilim ng isang puno. Curious ako eh. Kung kaya’t naging habit ko na ang pagmasdan ang mga galaw nila. Kapansin-pansin iyon dahil madalas pagsapit ng breaktime, nagkakampo agad sila doon. May kalayuan man ang kinaroroonan ko sa kanila, kitang-kita ko ang paglalaro ng emosyon sa kanilang mukha. Ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa kanilang mga labi. Tila di alintana ang mga kaganapan sa paligid. Hindi kaya sila natatakot na maisumbong? Sa angas nila, hindi nababakas ang takot. Kumbaga parang may invisible na NO FEAR ang nakaplaster sa bawat noo nila.

Isang araw hindi ko na napigilan. Lumapit ako. Nagpadala sa pambubuyo ng kuryusidad. Hindi ko na rin namalayang kapalit ng paglapit kong iyon ay ang pagkapit ng kamandag na magpahanggang sa ngayon ay di ko maalis sa aking sistema.

Naisampal na lang ng di inaasahan sa aking diwa ang realidad. Ako na ang may hawak ngayon sa supot na kinalagyan ng adiksyon naming magkakaibigan. Maraming pagkakataong ibinalandra sa akin ang pintuan ng pag-iwas subalit nagmatigas ako. Lumayo ako doon at kusang tinahak ang daan na magdadala sa akin sa panandaliang kasiyahan. Ang dating sulyap ko ay naging supplier na. Sa tuwing pupunta ako sa lugar kung saan madalas kaming magtungo, hindi nawawala sa likod ng aking balintataw ang anino ng pagbabagong buhay. Hindi ko na naiwasan ang pamamahay at unti-unting pagkapuno ng pangamba sa dibdib ko. Takot na baka hindi na ako tuluyang makawala sa halina ng bagay ng kinahuhumalingan ko na. Takot na baka mawalan na ako ng control. Na sa halip na ibuhos ang atensyon sa pag-aaral, humahataw din ako sa pag-aaral ng ibang bagay – ang natatanging sideline ko mula pa noong elementarya.

Naging high na ba ako? Maraming beses na at ilang ulit pa mula noong una akong sumubok. Higit pa ang tama ng alin mang inumin o kalangitang hatid ng hitit ng sigarilyo. Sa sarili kong pananaw, malayong-malayo ang epekto nito kumpara sa mga ibang uri ng droga.

Dahil din sa bisyong ito, natuto akong maglihim sa mga mahal ko sa buhay. Ako lang din kasi ang yumakap sa bisyong ito. Hayagan pa nga nilang ipinagdiinan na pag-aaksaya ng panahon ang pagbubuhos ng atensyon dito kapag napupunta ang diskusyon ng pamilya sa mga taong nalulong sa ganoong bagay na kinontra ko naman ng lihim. Wala silang kaalam-alam na ako mismo ay isa sa mga taong tinutukoy nila. Pwede na siguro akong mag-artista sa husay ko sa pagtatago. Maaari na siguro.

Ngayong kolehiyo na ako, hindi na ako pumupuslit at nagtatago sapagkat ilang kilometro na ang distansya ko mula sa mapanuring tingin ng aking pamilya. Malaya na akong buksan anumang oras ang bagay na kapag hawak ko mainit-init pa sa aking palad. Naghihintay lang na mabuksan ko at BOOM maglalakbay na ako sa iba’t-ibang mundo. Parang nagayuma lang. ngunit para sa iilan parang lason itong isinaksak sa katawan ko.

Bumilang din ng araw at buwan bago ako natauhan at nakinig sa payo. Pero ang hirap magsimula lalo pa’t iniiisip ko pa lang, may kaakibat ng panghihinayang. Nasanay na kasi ako kaya kapit na kapit. IT ALTERS THE MOOD anang isa kong kaibigan. May punto din siya dahil sa tuwing pressured ako, gulo-gulong buhay o di kaya’y walang magawa, siya ang naging takbuhan ko. Amoy pa lang, solve na.

Habang sinusulat ko ito, kaharap ko ang pinagmulan ng adiksyon. May isang supot pa nga niyon na di ko pa nabubuksan. Magpapakasasa na naman ako nito. Kaya nga inspirado akong isulat ito. Pasensya nga pala napahaba ang pangungumpisal. Salamat at binigyan mo ng pagkakataong pakinggan ako. Bago ko tapusin ito, gusto ko sananag linawin. ISA AKONG ADIK. Isa akong adik sa libro.

☺♥♥♥

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 23, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MINSAN MAY ISANG ADIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon