Kokomo

5 0 0
                                    

May kumakatok sa bintana ng kwarto ko. Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at tiningnan ang oras sa cellphone kong nasa ilalim ng unan. 1:40 a.m. Hinila ko ang kumot at nagtalukbong. Sino'ng nasa tamang pag-iisip ang kakatok nang ganito kaaga?
     Kumatok pa ito nang ilang beses pero hinayaan ko lang ito. Siguradong mamaya rin ay mapapagod ito. Pumikit ako at pinilit kong makatulog nang may bigla akong na-realize. Napakurap ako. Paanong may nakakakatok sa bintana ng kwarto ko?
     Nasa second-floor ang kwarto ko at walang makakaakyat sa labas nito malibang may mahaba siyang hagdan o nakakalipad siya.
     Lumapit ako sa bintana bitbit ang kumakabog na puso at nanginginig na mga tuhod. Sumilip ako pero walang tao o anuman sa labas. Sinarado ko ang kurtina at agad akong bumalik sa paghiga at nagtalukbong. Nag-sign of the cross ako.
     "Ate..." sabi ng sweet at maliit na boses.
     Napatigil ako. Ang boses na 'yon. . .
     Agad akong bumangon at hinawi ang kurtina. Natulala ako nang muling makita ang may-ari ng boses na 'yon. Hindi pantay ang orange niyang buhok na parang hindi nasuklayan nang apat na buwan. Naka-pink tutu siyang may mga butas. May mga nakasabit pa ritong ilang dahon, sanga, at mantsang kulay putik. Hindi ko alam kung nahulog ba siya mula sa isang mataas na puno at bumagsak sa putikan. Nakasakbit sa likod niya ang binigay kong blue na backpack noon at wala siyang pansapin sa paa.
     Mukha siyang normal at cute seven-year-old girl kung hindi lang siya nakalutang sa ere.
     "Kokomo..." naibulong ko.
     Ngumiti siya at lumitaw ang apat na natatanging ngipin niya sa harap. Wala siyang dila. Naging dilaw ang kaninang itim niyang mga mata.
     Binuksan ko agad ang bintana at hinagis niya ang sarili niya sa akin para yakapin ako kaya't natumba kami.
     "Ate!" Naging blue green ang buhok niya. "Na-miss kita."
     Tumawa ako. "Ginulat mo ako."
     Tumingin siya sa akin. Nakakatuwang makita ulit ang matataba niyang pisngi at bilugang noo. "Tama po ba 'yon o mali?"
     Ngumiti ako. Na-miss ko ang tanong niyang 'yon. Hindi gumagalaw ang mga labi niya pero sa hindi ko pa rin malamang paraan, naririnig ko ang mga sinasabi niya. Hindi sa isip, sa tainga ko mismo. O imagination ko lang 'yon.
     Marahan kong ginulo ang bunbunan niya at naging pink ang buhok niya. "Tama. Natutuwa akong makita ka."
     "May ibibigay po ako sa 'yo."
     "Talaga? Ano naman 'yon?"
     "Tali mo muna buhok ko."
     "Oo naman."
     Binigyan niya ako ng berdeng suklay na 'di ko alam kung saan niya nakuha at tumalikod sa akin. Ito ang paborito niyang bonding namin—ang itali ko ang buhok niya sa iba't ibang style. Natutuwa siyang makita na iba ang ayos ng buhok niya. Hindi ko alam kung nakikita niya ba ang likod ng ulo niya pero napagpasiyahan kong 'wag na 'yon itanong.

Sinuklayan ko ang naging asul niyang buhok. Walong buwan na ang nakakalipas nang isang maulang gabi, pag-uwi ko galing sa trabaho ko bilang tagahugas ng pinggan sa isang maliit na kainan, nakita ko siyang nakaupo sa kama. Akala ko normal na batang nakapasok lang kaya pinagalitan ko siya't pinauwi. Nang naging pula ang buhok niya at naging puti ang kanang mata niya, hinimatay ako.
     Pagmulat ko, mukha niya ang una kong nakita. Siya ang pinaka-cute na nilalang na nakita ko. May bilugang mukha at mata, dalawang mahahaba at matutulis na tainga, mga 3 feet ang taas, at maliit na bibig. Tumira siya sa bahay, hindi dahil sa gusto ko kundi dahil natatakot ako sa kung ano'ng pwede niyang gawin sa akin 'pag pinaalis ko ulit siya.
     Sweet siyang bata kahit maraming gabi ang ginusto ko na lang na hindi umuwi sa bahay. Hindi ako makatulog sa presensya niya at hindi siya natutulog. Literal. Ni hindi ko pa siya nakikitang humikab. Medyo matagal bago naging panatag ang loob ko sa kaniya.
     Tinanong ko ang pangalan niya paglipas ng ilang linggo.
     "Kokomo," sabi niya pero hindi ko alam kung tama ba ang pagkakarinig ko.
     Niyakap niya ako. Nakakailang nang una niya akong yakapin pero nahulog ako dito. Sino ba'ng hindi mahuhulog ang loob sa batang bigla kang yayakapin nang walang dahilan?
     Siya ang pumuno ng pamilyang hinahanap-hanap ko. Noon ay si Muning, ang pusa kong takot sa daga, ang kasama ko rito sa bahay. Pero pinalitan siya ni Kokomo sa hindi ko inaasahang paraan.
     Isang gabi kasi pag-uwi ko galing sa trabaho, masaya akong sinalubong ni Kokomo ng yakap. Napangiti ako pero hindi ko napigilang pansinin ang dark red na mantsa sa paligid ng labi niya. Pagpasok ko sa sala, isang sorpresa pala ang naghihintay sa akin.
     Wala na ang ulo ni Muning at ang tatlong paa nito. Naliligo ang sahig sa malagkit na dugo at ang isang mata niya ay nakita ko sa ilalim ng lamesa. At hindi ko alam kung bituka ba ang nakikita ko sa ilalim ni Muning.
     Sa unang pagkakataon pagkatapos ng maraming taon, napatakbo ako sa banyo at isinuka ko ang lahat ng kinain ko mula kahapon.
     Hindi ko alam kung paano ko aalisin sa bahay ang nakakasukang pusa at ang bata 'yon.
     "Tama po ba 'yon o mali?" tanong niya matapos ko siyang pagsabihan sa pinakamarahang paraan.
     "Mali," sagot ko. "Hindi mo dapat kainin ang bawat makikita mong pusa."
     Naalala ko na naman ang brutal na pagkamatay ni Muning at parang nasusuka ulit ako.
     "Masarap po," sabi niya.
     At napatakbo ulit ako sa banyo nang isubo niya ang isang paa ng pusa na parang lollipop.
     Mula nun, hindi ko na siya iniwan sa bahay nang mag-isa. Sinasama ko na siya lagi sa trabaho ko. Itinali ko ang buhok niya nang paitaas isang beses. Messy bun. Tuwang-tuwa siya nang makita ang cute niyang hairstyle at naging violet ito. Tinakpan ko ito ng bonnet dahil malaking problema 'pag may nakakita. Sinuotan ko rin siya ng shades dahil sa pabago-bagong kulay ng mga mata niya.
     Naging katuwaan para sa kaniya ang pagtatali ko ng buhok. Natutuwa rin naman akong pagmasdan ang buhok niyang biglang humahaba at umiiksi.
     Sa trabaho, nang unang beses ko siyang dalhin doon, binilinan ko siyang umupo lang at 'wag gagawa ng kahit ano. Literal niya itong sinunod. Umupo siya sa isang sulok at nanahimik. Medyo kinabahan na ako nang lumipas ang dalawang oras at hindi pa rin siya gumagalaw kaya nilapitan ko na siya. Nakahinga ako nang maluwag nang ngumiti siya.
     Apat na buwan ang lumipas, habang naglalakad kami pauwi isang gabi, sinabayan kami ng dalawang lalaki. Kumabog ang puso ko at napatingin sa akin si Kokomo nang biglang humigpit ang pagkakahawak ko sa kamay niya. Binilisan ko ang paglalakad pero hindi ako masabayan ng maiiksi niyang binti kaya't binuhat ko siya. At tuwang-tuwa naman siya. Pilit akong ngumiti at bumulong ako sa kaniya, "May dalawang tao ba sa likod natin?"
     Bago ko pa marinig ang sagot niya ay naramdaman ko na ang matalim na bagay sa tagiliran ko. Inakbayan ako ng lalaki.
     "'Wag kang sisigaw at maglakad ka lang," utos niya na sinunod ko. "Yung bag mo, amin na."
     Binigay ko ang bag ko na wala namang laman kundi isang t-shirt at isang roll ng tissue. Nasa bag ni Kokomo ang pera at cellphone ko. Binilhan ko siya ng maliit na backpack last week nang dalhin ko siya sa isang mall. Hindi niya kasi maalis ang tingin kay Stitch, yung blue na alien. At dahil wala naman siyang ibang gamit na pwedeng ilagay sa bag niya, doon ko nilalagay ang wallet at phone ko. Nang ibilin kong ingatan niya 'yon, sinunod niya 'to nang buong puso. Hindi niya inalis sa paningin niya ang bag niya kahit isang beses.
     Dumagundong ang lalaki. "NILOLOKO MO BA KAMI?"
     Tinapon niya ang bag ko sa lupa at nagkalat ang laman nun. Napapikit ako sa sakit nang biglang hilahin ng isang lalaki ang buhok ko. Hindi malinaw pero parang nanlaki ang mga mata ni Kokomo sa likod ng shades.
     "Nasa'n yung pera mo?"
     Umiling ako at hinila niya ulit ang buhok ko nang mas mahigpit pa. Napaungol ako nang sumakit ang anit ko.
     Hindi makikita sa bibig pero napasigaw si Kokomo nang rumehistro sa inosente niyang isipan ang nangyayari. Pinilit niyang makawala sa mga braso ko pero hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kaniya. Pakiramdam ko ito ang unang pagkakataon na natakot ako para sa buhay ng iba.
     Nakaalis siya sa mga bisig ko nang 'di ko namalayan. Hinabol ko siya nang tingin at tinulak niya ang lalaking may hawak ng buhok ko. Sa isang iglap, naging abo ito. Bumagsak sa sementadong lupa ang kumpol ng abo at nang humangin, tinangay ito sa kawalan.
     Parang nawalan ng dugo sa mukha ang isang lalaking may patalim at tingin ko ganoon din ako. Nabitawan niya ang patalim at nag-klang ito nang tumama sa semento. Pareho kaming nabato sa kinatatayuan namin. Nanikip ang bawat parte ng balat ko sa nasaksihan ko. Totoo ba 'yon?
     Nilapitan ni Kokomo ang lalaki at bago ko pa siya mapigilan sa gagawin niya, sumigaw ang lalaki at naging abo. Bago pa bumagsak sa lupa ang mga pinong piraso niya, tinangay na ito ng hangin.
     Humarap sa akin si Kokomo at nang lumapit siya, napaatras ako. Nanginginig ang mga daliri at tuhod ko kaya nang humakbang ulit siya, napaupo na ako. Huminto siya at tumitig sa akin nang may pagtataka't pag-aalala.
     "Tama po ba 'yon o mali?"
     Hindi ako nakasagot. Nanginginig din ang mga labi ko. Nagpapawis ang bawat sentimetro ng balat ko. Lalapit sana siya nang bigla akong nakapagsalita ng mga salitang pagsisisihan ko.
     "'WAG KANG LALAPIT."
     Napahinto siya. "Ate..."
     'Yon ang unang beses na tinawag niya akong Ate. Kung wala ako sa sitwasyong 'yon, yayakapin ko siya nang sobrang higpit. Pero nandoon ako sa sitwasyong 'yon. At hindi ako nakapag-isip nang maayos.
     Maya-maya, tinanggal niya ang bonnet niya at shades. Nilugay niya ang buhok niya. Unti-unting nagkulay blond ang bawat hibla nito mula sa dulo paangat hanggat sa anit at ganundin ang mga bilugan niyang mata. Nilapag niya sa lupa ang bonnet at shades. Tumulo ang isang luha sa mata niya at bago pa ito bumagsak sa lupa, nawala na siya sa harap ko.
     Maraming linggong nangupahan sa isipan ko ang katotohanang pumatay si Kokomo ng dalawang tao nang dahil sa akin. Matagal din akong hindi nakapasok sa trabaho dahil sa takot at pag-aalala. Paano kung may nakakita sa pangyayaring 'yon? Paano ko itatanggi ang katotohanan?
     Kasunod ng pag-aalalang 'yon ang pagka-miss ko kay Kokomo. Sa tuwing umuuwi ako sa bahay, wala na ang biglang yayakap sa akin. Sa tuwing gigising ako, wala na ang mukhang nakatitig sa akin. Wala na ang batang walang ibang gustong gawin kundi ang talian ang buhok niya. Wala na ang batang palihim na nagdadala ng galang pusa para ipanghapunan nito. Wala na ang batang pagagalitan ko sa tuwing mahuhuli ko siyang ginagawa 'yon.
     Hindi ko naisip na darating ang araw na muli akong mangungulila sa ibang tao—sa isang bata. Sa isang espesyal na bata.

Itinali ko ang isang maliit na goma sa dulo ng buhok niya. French braid ang ginawa ko. Naging brown ang buhok niya.
     "Ayan!" sabi ko.
     Kinapa niya ito at narinig ko ang "Wow" sa kaniya. Humarap siya sa akin at umupo sa kandungan ko. Ibinaon niya ang mukha niya sa balikat ko at ipinaikot ang braso sa leeg ko. Hinaplos ko ang buhok niya pababa sa damit niya. Saka ko lang namalayang naka-off shoulder gown na siya na color beige.
     "Ate, sorry po," bulong niya.
     "Ssh. Wala na 'yon, Baby. 'Wag ka na mag-sorry. Ok na 'yon."
     "'Di ka na galit?"
     Umiling ako. "Ako dapat ang mag-sorry sa sinabi ko. Mali 'yon. At hindi pa ako nagpasalamat sa ginawa mo. Mali rin 'yon. Naaalala mo yung tanong mo kung tama ba ang ginawa mo o mali?"
     Tumango siya.
     "Tama 'yon. Niligtas mo ako. Na hindi ko kayang gawin sa 'yo." Nilabanan ko ang mga luhang nagbabadyang lumabas sa mga mata ko. "Akala ko hindi ka na babalik. Tinakot mo ako."
     Tumingin siya sa akin at bago niya pa itanong kung tama bang tinakot niya ako o hindi, iniba ko na ang usapan. "O nasa'n na yung sinasabi mong ibibigay mo sa akin?"
     Napangiti siya nang malapad at tumalon paalis saka kinuha ang maliit niyang backpack na parang bagong bili pa rin. Binuksan niya ito at naglabas ng isang kahon na sinlapad ng notebook pero makapal.
     "Pwede ko na buksan?" nakangiti kong tanong.
     Tumango siya.
     Binuksan ko ito at sandaling hindi nag-sink in sa akin ang laman ng box. Natulala ako sa natutulog na nilalang sa loob. Si Muning.
     Dahan-dahan kong nilabas si Muning na parang napakaselang bagay. Hiniga ko siya sa kama. Pinagmasdan ko siya. May mga tahi sa katawan niya. Mukhang pinagdugtong-dugtong ang mga putol niyang bahagi. Bukod doon, ang lamig niya at hindi na humihinga.
     Pilit akong ngumiti. "Uh. . . Ha ha. Nag-abala ka pa talagang buuhin si Muning. Salamat sa p-patay na pusa."
     Mabilis siyang umiling. Bigla niyang hinila ang buntot ni Muning at agad akong nag-panic dahil baka kumalas ang katawan ni Muning sa mismong kama ko.
     Kinulong niya sa kamay niya ang maliit na ulo ni Muning at akala ko'y pipisatin niya ito pero biglang umangat ang buntot ni Muning. Medyo hilo pa ito nang maglakad sa kama palapit sa akin. Humiga siya sa kandungan ko at nang haplusin ko ang orange na balahibo niya, naging red violet ito.
     Napatingin ako kay Kokomo.
     "Para hindi ka na mag-isa," sagot niya nang hindi bumubuka ang bibig.

KokomoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon