Maraming nakasara ang pinto sa iba't ibang pamilya. Isinara dahil sa hindi pagkakaunawaan ng bawat isa. Isinara dahil sa hindi pagkakaintindihan ng bawat miyembro, walang kibuan sapagkat ayaw mag-usap ng bawat panig. Kumbaga walang komunikasyon ang namamagitan. Mga magulang na hindi nag-uusap. Mag-ina na walang kibuan sa isa't isa. May mga magkakapatid na hindi nagbabatian at ayaw magtulungan kaya nag-iiringan. Kaya kailangang buksan ang nakasarang pinto ng puso ng bawat isa upang magkaroon ng magandang komunikasyon ang pamilya.Ngunit alam niyo ba ang ibig sabihin ng pamilya? Para sa akin, ang pamilya ay nagtutulungan, nagdadamayan, nagkakasundo at nagmamahalan. Ang pamilya ay nagbibigayan kahit na minsa'y hindi mapigilang mag-iiringan ngunit hindi nila tayo itinakwil dahil nakalagay sa isip at puso ng bawat isa ang pagmamahalan at pagdadamayan sa kung anumang pagsubok ang darating sa ating buhay. Ika nga, "Ang problema ng isa ay problema ng lahat".
Ang pamilya ay ang mga taong hindi tayo iiwan kahit ano man ang mangyari. Sila ang nandiyan sa ating tabi sa tuwing tayo ay magkakaroon ng problema. Sila ang handang tumulong at ang taong mas nakakaintindi sa atin. Sila ang mga taong nagpapasaya at nagbibigay halaga sa ating buhay. Sila ang mga taong hindi ka kakalimutan at kung sakaling ika'y makagawa ng isang pagkakamali, handa pa rin silang tanggapin ka.
Iba't iba ang bawat pamilya na ating kinagisnan. May mga pamilya na kahit kaunting pagkakamali mo lang, ikinahiya ka na. Na parang pinagmumukha sa iyo na hindi ka nababagay sa kanila. Ituturing kang isang pagkakamali na naging anak ka nila. Ngunit kahit ganun pa man ang mangyayari, huwag mo silang kamuhian. Siguro hindi pa nila matanggap sa ngayon ang iyong pagkakamali ngunit darating din ang araw na mapapatawad ka nila. Huwag lang mawalan ng pag-asa. May mga pamilya rin na nag-aaway dahil sa kakulangan ng pera na nagdudulot ng hindi pagkakaintindihan ng bawat panig na minsa'y humantong pa sa paghihiwalayan na nagdudulot ng masamang epekto sa mga anak. Para maiwasan ito, kailangan ng bawat miyembro ng pamilya na magkakaintindihan at magmahalan para makamit ang inaasam na kinabukasan.
Mahalaga ang pamilya dahil sila ang naghubog sa ating pagkatao mula pagkabata hanggang sa ating pagtanda. Sila ang ating sandigan sa tuwing tayo ay may problema na hindi natin kayang masolusyunan ng tayo lamang. Sila ang mas higit na nakakaintindi sa atin sa mga panahong wala na tayong ibang mahingian ng tulong at sa mga panahong maraming problema tayong kinakaharap. Hindi sila mag-aatubiling tulungan at bigyan tayo ng lakas upang malagpasan ang problemang ating dinadala. Habang may oras pa, namnamin, pahalagahan at mahalin natin ang ating pamilya dahil hindi natin alam kung kailan sila kukunin sa ating buhay.Saktan man tayo ng ibang tao, ipahiya, husgahan at kung ano pang uri ng pang-aalipusta, huwag tayong mawalan ng pag-asang bumangon at harapin ang problema at huwag rin nating kalimutan na may pamilya tayo na handang tumulong sa atin sa oras ng pangangailangan. Ang ating pamilya ang may busilak na puso na nagmamahal, nagpapasaya, nagmamalasakit at nagbibigay importansya sa ating buhay. Mapasaya man tayo ng ibang tao ngunit hindi iyon papantay sa sayang ibinigay ng ating pamilya sa atin. Habang may oras pa mahalin at pahalagahan natin ang pamilyang meron tayo, hindi man perpekto ngunit may mabuti namang puso.
BINABASA MO ANG
Sanaysay + Talumpati
Non-FictionMga proyekto na ibinigay sa amin ng aming subject teacher. Nais ko lang ibahagi sa inyo.