"Nanliligaw Ka Ba?"

365 3 0
                                    

-Zul Kifli Manansala


BABALA!

Ang mga mababasa mo sa librong ito

ay maaaring makapagpabago ng iyong paniniwala at pananaw sa buhay.

Maaaring makapagpabitaw sa iyo sa mga

mali mong kinakapitan at pinagtatanggol.

Maaaring maging sanhi ng malaking

pagbabago sa iyong buhay espiriwal.

Maaaring maging iba ka

sa pananaw ng karamihan.

Kakailanganin mo ng Bibliya at isang

bukas na mata ng pananampalataya.

HANDA KA NA BA?

SIGE BASA NA!


Sa muli kong pagsulat ng libro, ang tanging nais ko lamang ay ang nais ng Allah (Makapangyarihan) para sa bawat isa. Ang kilalanin ang nagiisang Panginoon na dapat nating paglaanan ng ating pagsamba. Alam nating lahat lalo na tayong mga Pilipino, ang kahalagahan ng salitang "Utang na loob". Ito marahil siguro ang dahilan kung bakit kahit na marami sa atin ang mayroon nang sariling pamilya ay kasama pa rin ang ating mga magulang o kaya naman ay mas pinili nang tumandang binata o dalaga para lamang masuklian ang utang na loob na ito. Kung dapat nating tanawin ang kabutihan ng ating mga magulang, malamang sasang-ayon ka na mas higit na kailangan natin na lingunin ang kabutihan sa atin ng ating Panginoon. Siya na nagbigay ng lahat ng biyaya sa atin, simula sa umagang pagkagising hanggang sa gabi ng pagtulog. Siya na nag-ingat sa atin sa kahit saan dako man tayo magpunta. Siya na nagbigay ng pagkakataon sa iyo na basahin ang librong ito.

Kung ang isang magulang na nakaiusap sa kaniyang anak na magtapos muna nang pag-aaral bago mag-asawa ay bibiguin ng kaniyang anak at gagawin ang sarili niyang kagustuhan. Ano ang mararamdaman ng magulang? Malamang sasang-ayon ka rin sa akin kung sasabihin ko na maninibugho o magdaramdam ang magulang sa magiging desisyong ito. Bilang isang anak, napakabigat dalhin ng pakiramdam na may tampo sa iyo ang magulang mo. Ang masaklap pa nito, sa tuwing magkakaproblema ka o kayo ng asawa mo, Saan o kanino ka tatakbo? Syempre sa magulang pa rin na nag-aruga sa iyo, sa magulang pa rin na binigo mo.

Kung ganito ang magiging pakiramdam ng isang magulang, naisip mo na ba kung gaano naman ang pakiramdam ng nag-iisang Panginoon na may likha sa iyo at maging sa mga magulang at asawa mo. Kung sakaling hindi natin tinutupad ang misyon na binigay sa atin ng ating Panginoon ano kaya ang nararamdaman Niya sa ngayon? Pero bukod sa mga magulang natin kanino pa nga ba tayo lumalapit? Sino pa nga ba ang ating tinatawagan? Hindi ba't ang Panginoon din na madalas natin kalimutan dahil sa pag-iisip natin sa pansarili nating kagustuhan? Ano nga ba ang misyon o gampanin na ipinagkatiwala Niya sa atin? Hindi ba't ang misyon mo at misyon ko ay iisa lamang? Iyon din ang misyon nina Eba at Adan. Ang kilalanin ang nag-iisa nating Panginoon. Ang sambahin Siya sa paraan na naaayon para sa Kaniya.

Malamang sa mga sandaling ito sinasabi mo na sa sarili mo na "Nagdarasal naman ako ha, nagsisimba naman ako, Ano pa ba ang kulang?" Parang sapat na hindi ba? Sa tingin mo, sapat na nga ba? Sapat na nga ba ang pagdating mo nang huli sa simbahan at hintayin na lamang ang sunod na misa para animoy sinehan na pagdurugtungin na lamang ang huling napanood at una. Kuntento ka na ba sa pasundot-sundot na dasal na ginagawa mo lamang kapag may sakit o problema ka? O ang walang patid mong pagtawag sa kaniya kapag kailangan mo ng pera dahil nasimot ka na? Kung hindi ikaw ang tinutukoy ko, sana nga ay hindi ikaw ito, dahil ang pinakamahirap daw sa lahat ay ang pag-amin sa totoo. Mahirap bang aminin na pagkagising mo kaninang umaga ay cellphone mo ang una mong hinanap hindi ang Qur'an o Bibliya mo? Mahirap bang aminin na mas madalas ka pang magsepilyo kaysa sa kausapin ang Panginoon na kanina pa naghihintay sa iyo. Maghapon kang aligaga sa mga bagay na nagpapagulo sa isip mo. Kayat hindi katakatakang pagdating mo sa bahay para ka na lamang isang dehydrated na kamelyo na nagstroll ng pabalik-balik sa gitna ng disyerto. Kaya paghiga mo kanina mas ginusto mong maglibang sa games sa cellphone mo para marelax naman ang kulubot na utak mo. Hanggang sa makatulugan mo na. Hanggang sa ipikit mo ang mga mata mo. Hanggang na tuluyan nang kainin ng mundo ang atensyon mo, hanggang sa hindi mo namamalayan, hindi mo na hawak ang cellphone mo kundi ikaw na ang hinahawakan nito. Kapatid! Wag mong sabihin na tinatamad ka na sa pagbasa mo nito? Muli mo nanaman bang tatakasan ang pagkatok sa iyo ng Panginoon na madalas na makalimutan mo?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 20, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

"Nanliligaw Ka Ba?"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon