Patawad Anak (A Tagalog Short Story)

39.4K 118 15
                                    

Mensahe ng Awtor: 

Ito'y sulat ng isang ina para sa kanyang anak na lalaki. :)

PARA sa mga Pilipinong nanay! :) 

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Patawad Anak

Makinig ka anak: Pinagmamasdan kita ngayon habang natutulog ka, isang maliit na kamay ang nakatiklop sa ilalim ng iyong pisngi, at ilang hibla ng buhok nakadikit sa iyong noo dahil sa pawis. Mag isa akong nagpunta sa iyong kwarto. Ilang minuto pa lang ang nakakaraan, nasa silid aklatan ako nagbabasa ng mga papeles galing sa opisina, nang bigla akong kinurot ng aking konsyensya. 

Maraming bagay akong naisip anak: Hindi ako naging mabuting ina sa iyo. Pinapagalitan kita habang nagbibihis ka bago pumasok sa iyong eskwelahan dahil hindi mo man lang pinunasan ang iyong mukha gamit ang twalya at ang iyong basang buhok ay tumutulo sa sahig ng kwarto. Pinagsabihan kita dahil hindi mo nilinis ang iyong sapatos bago mo isuot. Sinigawan kita nung natapon mo ang iyong mga libro sa sahig ng hindi mo sinasadya.

Sa pagkain ng almusal, nakahanap din ako ng pagkakamali. Natatapon ang kanin mula sa iyong plato. Nilulunok mo ang iyong pagkain ng hindi mo nginunguya dahil sa pagmamadali. Nilalagay mo ang iyong siko sa hapag kainan. Masyado mong dinadamihan ang palaman sa iyong tinapay; ang sabi ko mahal iyan. At nang paalis na ako ng bahay papunta sa trabaho, tumingin ka sa akin, kumaway, at sumigaw ng “Paalam inay!”. Sumimangot ako at sinabing “Tumayo ka nga ng tuwid!”

Tapos naulit na naman pagdating ng hapon. Nung malapit na ako sa bahay habang naglalakad, nakita kita, nakaupo sa lupa ng hardin naglalaro ng jackstone. Ang dumi dumi ng iyong mga paa. Pinahiya kita sa harap ng iyong mga kaibigan. Sinigawan kita at pinapasok sa loob ng bahay. 

Naalala mo pa ba, kanina habang nagbabasa ako sa silid aklatan, nahihiya kang pumasok sa loob? Napansin ko malungkot ang iyong mga mata. Ni hindi ko man lang tinanong kung bakit. Sa halip, tinitigan kita at sinabing “Ano ang kailangan mo?” Naiinis pa ako dahil sa istorbo. Wala kang sinabi. Bigla ka lang lumapit sa akin at niyakap ako ng mahigpit at hinalikan, ang iyong maliit na kamay nakabalot sa aking leeg. At pagkatapos, bigla ka na lang tumakbo paakyat sa hagdanan. 

Anak, ilang segundo pa lang ang nakakaraan, ang papeles na aking hawak ay unti unting nahulog sa aking mga kamay. Ang katotohanan ay bumalot sa aking puso. Naisip ko, ano bang klaseng kaugalian ang nakasanayan ko? Isang kaugaliang laging naghahanap ng kamalian. Walang sawang dinidiktahan at pinapagalitan para bang lahat na lang ng gawin mo ay mali. Sa hangarin ko na iwasto at isunod sa kung ano ang aking kagustuhan, pinapahiya kita at sinisigawan. Nakalimutan ko na isa ka palang musmos at ibang iba sa aking pag iisip. Sinusukat kita base sa aking sariling edad.

At napakaraming maganda at mabuti sa iyo anak na hindi ko napapansin sa pang araw araw dahil puro mali ang aking nakikita. Ang iyong maliit na puso ay kasing laki ng liwanag ng bukang liwayway. Ito ay iyong pinakita kaninang ikaw ay pumasok sa silid aklatan at bigla akong hinalikan at niyakap. Ngayong gabi, wala nang iba pang mas mahalaga sa akin. Pumunta ako sa tabi ng iyong kama, nakapatay ang ilaw sa takot na baka ikaw ay biglang magising, at doon, lumuhod ako, hiyang hiya sa aking sarili.

 Gustung gusto kong sabihin ito sa iyo ngayon. Alam ko, sa iyong murang edad, hindi mo pa ito mauunawaan ngunit bukas pangako ko magiging isa akong tunay na ina sa iyo. Kakagatin ko ang aking dila sa tuwing ako ay matutuksong magbitaw ng isang masakit na salita.  Ako'y magiging maingat na saktan ang iyong damdamin sapagka't kung ikaw ay masasaktan, ako rin ay masasaktan. Kung ikaw ay matutuwa, ako rin ay matutuwa. Bukas, pag gising mo ako naman ang yayakap sayo.   

Pasensya na anak kung sa nakalipas na araw, ang tingin ko sayo ay parang isang matanda na kagaya ko, na kaya nang unawain ang lahat. Nakalimutan ko, bata ka pa pala. Ngayon, habang pinapanood kita, ang iyong maliit na katawan nakatupi sa kama, pagod na pagod punong puno ako nang pagsisisi. Masyado akong naghangad mula sayo,  na sa mura mong  edad ay hindi mo pa kayang ibigay. Humiling ako sayo ng marami, ng sobra sobra. Patawad anak!   

Patawad Anak (A Tagalog Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon