Kunwari
Ang utak ng tao ay napakahiwaga. Nakararating sa gusto nitong puntahan nang hindi kailangang humiwalay sa ulo ng ninuman.
Isa akong tao na mapaglaro. Mahilig maglaro at magpantasya. Kaya sige, sagarin na natin ang aking kakayahan. Iimaginin ko na iyo ako at akin ka.
Kilala kita kaya kunwari kilala mo ako. Nagkakasalubong kasi tayo sa daan at ako lang ang nakatingin habang malayo ang tanaw mo.
Gustong gusto kitang kausapin kaya kunwari kinakausap mo ako. Kunwari sinasabi mo sa akin kung anong nangyari sa araw mo. Kung paano ka napagalitan ng guro dahil walang tigil sa pagsasalita ang bibig mo. Tatawanan kita dahil binabalot ng ngiti ang puso ko habang naririnig ang boses at mga katagang lumalabas sa bibig mo.
Gusto kong hawakan ang kamay mo kaya kunwari, hinawakan mo ang kamay ko. Pinagsalikop mo ito at hinalikan mo. Kunwari nilaro-laro mo ito habang naglalakad tayo papunta sa bahay ko. Kasi ayaw mong mapahamak ako kaya kahit malayo ang bahay mo, hatid-sundo mo ako. Ang sabi mo pa nga ayos lang mapagod ka basta ligtas ako.
Gusto ko maramdaman ang yakap mo kaya kunwari niyakap mo ako. Napakahigpit na tila ba ayaw mo nang bumitaw. Kahit nahihirapan sa paghinga ay hinayaan kita dahil napakasarap sa pakiramdam. Biruin mo, yung mahal mo kayakap mo ngayon. Hindi tayo bumibitaw sa isa't isa at wala tayong balak bumitaw. Wala.
Gusto kong maramdaman ang halik mo kaya kunwari hinalikan mo ako. Hinalikan mo ako sa noo na puno ng sinseridad at respeto. Paulit-ulit na sinasabing mahal mo ako at ako ang buhay mo. Nangingilid ang luha ko sa saya. Halos lumabas ang puso dahil sobrang mahal kita.
Gusto kitang lapitan ngayon kaya kunwari lumapit ako sayo. Nginitian kita at kusang namang ngumiti ang labi mo nang makita makitang papalapit ako. Kinabig mo ang mukha ko at tinadtad ng halik sa noo. Ang saya sa pakiramdam mahal. Ang saya gumising pag naaalala ko na naghihintay ka sa pagdating ko. Ako ang pinakaswerteng babae sa mundo.
Mahal kita kaya kunwari mahal mo pa rin ako ako.
Sana mahal mo pa rin ako.
Kasi mahal, napakatanga ko.
Nakatitig ako sayo habang ginagawa mo sa iba ang ginagawa mo sa akin noon.
Bakit kasi iniwan kita mahal? Bakit kasi sa dahilan kong nasasakal ako sa relasyon natin ay iniwan kitang nag-iisa at luhaan?
Kaya ngayon eto ako! Nakatingin sa inyo habang kunwari ako ang babaeng hinahalikan mo sa noo ngayon.
Bakit kita pinakawalan gayung wala kang ibang ginawa kundi ang mahalin ako at hindi mo ako kailanman sinaktan?Gustuhin ko mang bumalik sa nakaraan ay hindi na pwede. Kasi nagawa ko nang pakawalan ang taong ngayon ay hanggang kunwari ko na lang.
Hind ko kasi alam ang kasabihan na 'huwag mong pakawalan kung hindi mo kayang makita na may kasamang iba' noon eh.
Kaya ngayon, eto. Lumuluha ako katulad nung mga panahong iniwan kita.
Pinipiga ang puso ko na dati ikaw ang nakaramdam.
Pero nakikita kong masaya ka. At masakit dahil hindi na ako ang dahilan.Mahal pagbigyan mo na ako. Ako lang ang nakakaalam.
Na kunwari hanggang ngayon mahal mo pa rin ako.
Na kunwari hanggang ngayon, tayo hanggang dulo.Kunwari lang naman.