MAMAMATAY si Lola Citas sa kabilugan ng buwan, Mari," bulong ni Marilag o Ate Mara para kay Marikit at sa bunso nilang si Mayumi. Mahigpit na hinawakan nito ang mga kamay niya, namamasa ng luha ang nag-aalalang mga mata.
"A-Ano'ng sinasabi mo, Ate Mara?" naguluhang bulong rin ni Marikit. Lampas alas tres ng madaling araw, nagising siya sa pagsigaw ng kapatid. Magkatabi silang nakahiga sa sahig. Banig lang ang proteksiyon sa lamig na tumatagos galing sa mga siwang sa sahig na gawa sa kahoy. Si Mayumi na nasa papag, mahimbing ang tulog. Sa mga pagkakataon na may mga kakaibang panaginip ang panganay nila, siya ang laging nagigising. "Si...Si Lola Citas ang nasa panaginip mo?"
"Apoy. Sa apoy mamamatay si Lola Citas. Malakas na apoy ang nakita kong liwanag. Nakakabulag pero nakita ko. Nakita ko siya...Nakilala ko ang babaeng nakagapos. Malinaw rin ang mga naririnig kong boses na nag-aakusa, na sumisigaw-parang mga maiingay na hayop na gustong makasaksi ng malupit na kamatayan..."
Umiling si Marikit. "Hindi mangyayari 'yan," inulit niya ang pag-iling. "Maayos tayo sa bayang 'to, 'di ba? Wala ang dating panganib. Kampante rin si Lolo Citas. Wala siyang sinasabi sa ating tatlo na-"
"Sana nga bangungot lang 'yon," putol ni Marilag. Sa mahinang liwanag ng gasera, nakita ni Marikit ang kislap ng luha na tumulo na sa pisngi nito. Na agad tinuyo ng kapatid. Naramdaman niyang humigpit ang hawak nito kamay niya. "Sige, 'tulog ka na uli," at bumangon ang ate niya, walang tunog ang mga hakbang na lumabas ng silid nila. Sumunod na lang ang tingin ni Marikit. Ginagawa iyon lagi ng kapatid kapag nagising mula sa isang panaginip-ang lumabas at magpahangin.
Pero kung dati ay bumabalik agad si Marikit sa pagtulog, hindi nang madaling-araw na iyon. Sa kung anong dahilan, may ibang kabog sa dibdib niya. Hindi niya gusto ang panaginip ng kapatid.
Lumipat muna kay Mayumi ang tingin niya. Napansin ang hindi maayos na kumot sa katawan nito. Walang tunog na lumapit si Marikit at maingat na inayos ang kumot sa katawan ng bunso nila. Napapatitig muna siya sa payapang mukha ni Mayumi. Sa kanilang tatlo, ang bunso nila ang inuuna nilang protektahan. Kung may balang parating sa kanila, sabay nilang ihaharang ni Ate Mara ang katawan para hindi na umabot sa bunso nila ang bala.
Wala nga lang na balang aabot sa kanila dahil gagawin ni Lola Citas ang lahat huwag lang silang masaktan-iyon ang naghahatid ng takot sa kanya. Sa mga panganib na hinarap nila at natakasan, hindi malayong mangyari ang panaginip ng kapatid. Alam niyang may mga kitatakutang panaginip si Marilag, mga panaginip na nagkakatotoo.
Kung si Marikit ay nakakakita ng mga eksena kapag hinawakan niya ang isang lumang bagay, ang panganay nila ay napapanaginipan ang mga eksenang parating pa lang. Silang dalawa pa lang ang nagka-aminan sa kakayahan nilang iyon, na nang sabihin nila kay Lola Citas, maikli lang ang sinabi nito-na gamitin nila sa mabuti at pagtulong sa kapwa.
Hindi nagulat ang lola nila, ibig sabihin, inaasahan na nito na may ganoon silang kakayahan.
Kung si Marikit ay ingat na ingat sa mga bagay na hahawakan, si Marilag ay hindi naman gustong nananaginip. Tanda niyang nagka-eyebags at nangitim ang ilalim ng mga mata nito sa pagpipilit na labanan ang antok-para makaiwas sa mga panaginip. Nangyari iyon noong napanaginipan nito si Bengbeng, ang bago nilang kaibigan sa bagong lugar na iyon-na nalunod sa ilog.
Pagkatapos ng dalawang araw, nalunod nga sa ilog si Bengbeng. Doon na nagsimulang matakot si Marilag sa panaginip nito. Iyak nang iyak ang ate niya nang nagkuwento kay Lolo Citas. Sinisisi pa nito ang sarili. Niyakap lang ni Lolo Citas ang kapatid niya at may ibinulong. Nakasilip lang siya kaya hindi niya narinig ang sinabi ng lola nila. Hindi na gustong matulog ni Marilag pagkatapos ng nangyari pero isang pausok lang ni Lola Citas paikot sa loob ng silid nila, pareho silang nakatulog ng mahimbing.
Kaya ngayong ang lola Citas nila ang laman ng panaginip ng kapatid, ramdam ni Marikit ang pag-aalala ni Marilag.
Mas bumigat ang dibdib nang pagsilip niya sa bintana, nakita ni Marikit na nakaupo sa bench na nasa ilalim ng puno ang kapatid, parang umiiyak.
Ilang minuto lang, lumapit si Lola Citas na may dalang gasera. Tama nga siya, umiiyak ang kapatid. Sinalubong nito ng yakap si Lola Citas. Akala niya, gaya ng dati, mabubura rin ang takot at walang mangyayaring masama.
Mali si Marikit. Nagkatotoo ang panaginip ni Marilag ilang linggo lang ang lumipas. Sapilitang dinukot ng mga lalaki si Lola Citas galing sa kubo nila, inaakusahan ng maraming kasalanan, kasama ang maling panggagamot at pagpatay. Pamilya raw nila ang salot sa lugar na iyon kaya kailangang mawala ang ugat ng kamalasan.
Parang makasalanang mangkukulam na iginapos si Lolo Citas at pinanood ng mga kababaryo nila-habang silang magkakapatid ay tumatakas.
Tinupok ng apoy si Lola Citas-ang pinakamasakit na trahedya sa pamilya nila. Akala nilang magkakapatid, wala nang susunod na panganib. Mali sila-nawala na lang si Marilag ilang linggo pagkatapos nilang lumipat ng ibang lugar dala ang mga bagong pangalan at pagkatao.
Si Marikit at si Mayumi ang naiwan, na wala nang ginawa kundi ang paulit-ulit na tumakas sa panganib. Dalawang kapamilya na nila ang nawala pero hindi pa rin sapat para sa mga naghahangad ng masama sa hindi niya maintindihang dahilan.
Mabuting tao ang Lolo Citas nila. At silang tatlo, mga batang walang kasalanan. Bakit ganoon kalupit ang mga tao?
Kung ang dilim ay kinatatakutan ng iba, para sa kanila ni Mayumi ay proteksiyon iyon. Ligtas sila kung walang liwanag. Ang gabi ay parating oras ng pagtakas...
"Xien?"
Napapitlag siya. Kumurap nang ilang ulit bago naging malinaw ang view sa harapan niya-mga kubo sa 'di kalayuan. Wala pala siya sa bintana ng kubo nilang maglolola. Wala rin siya sa bench sa lilim ng puno.
Nasa isang bagong lugar siya at mag-isa.
At wala na rin si Abby sa tabi niya.
Umangat ang kamay ni Xien at pasimpleng pinahid ang luha sa pisngi. Hindi niya namalayang umiiyak na naman siya sa gitna ng pagbabalik-alaala.
"Jadd," mahinang sabi niya nang lumingon. Ang matangkad na pigura nito na kakulay ng gabi ang nagpaalala kay Xien na nasa ibang kapaligiran na siya. Na hindi na siya si Marikit na apo ni Felicitas Magdiwa, na kapatid ni Marilag at Mayumi-mga kapatid na hindi na rin niya kasama.
Ang kasama niya ngayon ay isang lalaking parang gustong maging kaisa ng gabi. Palaging naka-itim si Jadd, walang ingay na nakakalapit sa kanya. Nawawala at dumarating na lang sa kubo na wala siyang ideya kung ano ang ginagawa sa labas ng Owl village kung walang kinalaman sa grupo ang lakad. Ang lalaking may makulay na tattoo sa isang bahagi ng mukha.
Nasa bagong lugar na si Xien. At sa lugar na iyon-ang Owl Village-siya na si Xien na girlfriend ni Jadd. Si Jadd na lider ng Owl, grupo ng mga beast hunters, iyon ang alam niya.
"Hinihintay mo ako?"
Biglang bumalik ang tingin niya sa lalaki, nakaangat ang kilay.
"Ba't kita hihintayin?" malamig niyang balik, walang emosyon.
"Baka lang na-miss mo ako-gilfriend?" at ngumiti si Jadd nang hindi buo.
Walang reaksiyon si Xien, nakatingin lang sa mukha ni Jadd. Hindi na bago ang mga ganoong linya ng lalaki. At hindi na rin bago rito ang blangko niyang mukha at kawalan ng reaksiyon.
"Mas malamig ka pa sa gabi," ang sinabi ni Jadd at umupo sa tabi niya. Gaya ng dati, hindi man lang tuminag si Xien. Pero nang umangat ang kamay nito, nagsalita na agad siya.
"Walang hawak, Jadd," paalala niya sa mababang boses. "O mawawalan ka ng girlfriend."

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.