Part 3

1.1K 51 0
                                    

GALING sa palengke si Xien. Paglubog talaga ng araw siya lumalabas ng bahay para umiwas sa mga matang posibleng mamukhaan siya. Maraming taon na silang naging 'ibang tao' pero hindi pa rin talaga nawala ang panganib. Pagkawala ni Dream, nabuhay sila ni Abby na parating tumatakas, palipat lipat ng lugar sa paiba-ibang disguises. Sa linggong iyon na nawala si Dream, agad agad na ginupitan nila ang isa't isa. Nawalan ng bakas ang mga teenager na mahahaba ang buhok. Naging magkapatid silang 'lalaki' sa bagong lugar. Salamat sa mga gintong ipinatago ni Lola Citas kay Dream at ipinasa naman sa kanya ng kapatid bago ito nawala, nakatakas sila sa isla at hindi nagutom sa bagong lugar.

Ilang taon na nabuhay sila ng tahimik. Napalapit rin sila ni Xien sa matandang mag-asawang nag-alok ng tulong—sina Lolo Noy at Lola Mayang. Pag-aari ng mga ito ang malawak na lupang may palayan at taniman ng gulay. Sa barko nila nakilala ang dalawang matanda at inalok sila ng tulong nang malamang wala silang matitirhan habang naghahanap sa kapatid na nawawala—ang dahilang ibinigay ni Xien sa mga nagtatanong sa bawat paglipat nila ng lugar. Hindi rin naman kilala ng mga ito ang ibibigay niyang pangalan ng nawawalang kapatid—Dream.

May dalawang bahay sa lupain ng mga ito. Hindi naman daw ginagamit ang lumang bahay ng anak na namatay na, sila na lang ang tumira. Naging anak-anakan sila ni Abby ng dalawang matanda, katulong ng mga ito mula sa pagtatanim hanggang anihan. Nakatagpo sila ng bagong pamilya pero nang magkasunod na mamatay ang dalawang matanda, nagsimula na naman ang bagong problema. Ang mga tumulong para mailibing nang maayos ang dalawa, parehong mga taong inaangkin na rin ang lupa. Walang kaabog-abog na pinaalis sila. Mabigat man ang loob, napilitan sila ni Abby na iwan na naman ang lugar na may magagandang alaala. Lumipat sila sa kabilang bayan at nangupahan. Hindi nga lang sila natahimik, laging may mga lasing na dumadaan at kinakatok sila. Hindi na tinapos ni Xien ang isang buwan, umalis na agad sila ni Abby bago pa sila mapahamak.

Sa bayan na mismo sila lumipat, mas maraming tao, mas ligtas. Nakakuha na rin siya ng trabaho—tindera sa palengke. Nagkataon na kailangan ng katulong ng may ari ng inuupahan nilang bahay. Nagtagal sila sa lugar ng dalawang taon—bago may nakakilala sa kanyang taga-isla. Nagpanggap si Xien na hindi kilala ang babae pero sige pa rin ito sa pagsasalita—na hindi pa rin daw natatapos ang kamalasan sa baryo nila. Wala na sila sa lugar pero sila pa rin ang sinisisi. Hanggang may buhay raw na Magdiwa, hindi matatapos ang kamalasan.

Kinabukasan mismo, agad agad silang umalis ni Abby. Salamat sa mabait niyang naging amo, binili pa nito ang isa sa huling tatlong ginto na iniingatan niya.

"Saan na tayo pupunta?" naalala ni Xien na bigla na lang niyang naitanong sa kapatid. Tawid baryo, tawid bayan, tawid dagat, tawid probinsiya sakay ng barko—narananasan na nilang magkapatid. Nasa pantalan na naman sila na nag-iisip pa lang ng bagong lugar na pupuntahan. Naramdaman niya ang paghawak ni Abby sa kamay niya. "Kung sa Cebu kaya?"

Napatingin si Xien sa kapatid. Mula sa paglipat lipat ng baryo at bayan sa isla, umabot na sila sa Bohol, at ngayon naman, iniisip na ng kapatid na tumawid ng Cebu.

Ngumiti si Abby. "Tanda mo, may pangalan at address na binigay si Lola Mayang dati, na kung wala na daw sila no Lolo Noy, do'n tayo humingi ng tulong sa kamag-anak niya?"

"Hindi ko na matandaan, 'By. Marami namang kinukuwento lagi si Lola Mayang, eh. 'Yong iba, imbento na lang daw sabi ni Lolo Noy, 'di ba?"

"Nasulat ko," si Abby at mas ngumiti pa. "Subukan lang natin. Kung wala, hanap uli tayo ng ligtas na lugar?"

Napatitig siya sa kapatid. Sa paulit-ulit nilang ginagawa ang paglipat, unang beses na nag-suggest ng lugar si Abby. Siguro dahil unang beses rin nitong narinig na nagtanong siya kung saan na sila pupunta.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon