Ikaw, Ako, Tayo lang sa Mundong ito.

85 5 0
                                    

Ikaw, Ako, Tayo lang sa mundong ito.
Ni: Kuya Ian

Ikaw...
Ang ilaw...
Sa daang 'di ko matanaw...

Ang tanging ilaw na makakapitan ko
Ang tanging ilaw na nagpapa-liwanag sa hindi maipintang mukha ko
Ang tanging ilaw na lumiliwanag sa tuwing ikaw ang iniisip ko
Ang tanging ilaw na nagbibigay ng saya sa madilim na mundo ko
ngunit paano na ako
kung ikaw mismo ay pundido na sa sariling liwanag mo

Hanggang sa ikaw, na ilaw ko sa tuwing gabi
ay napupundi at malapit nang mapundi at napupundi sa gabi-gabi
Sa hindi maipaliwanag na dahilan,
Paubos na ang lakas mo't enerhiya sa katawan
Kaya't magpahinga ka muna at palipasin ang lalim ng gabi
Magpahinga ka muna sa aking tabi
Isantabi mo muna ang liwanag mo't panandaliang isara
Ilabas mo muna ang dilim na nagkukubli sa 'yong maliwanag na mukha
Upang sa pagsapit ng umaga
Kung saan ang lahat sa 'yo ay nakakakita
Ay maipakita mo ang pinakamaliwanag na ikaw na nakilala ko
Ang pinakamaliwanag na ilaw na nakita ko

Huwag ka nang mag-alala
Nandito ako parati sa tabi mo
Handang ayusin ang bumbilyang bibigay na
Handang ayusin at tulungan ka sa sarili mo

Handang tulungan ka sa mga gamu-gamong inaangkin ang sikat mo
Mga gamugamong tinatakpan ang ilaw mo
Mga gamugamong nananabik sa pag-init mo
Nandito ako...
Handang tumulong sa 'yo.

----

Ako...
Ang anino...
Na naglalakbay kasama mo...

Ako, ang anino
na hindi aalis sa tabi mo
ang aninong laging nakadikit sa 'yo
ang aninong laging nakasubaybay sa 'yo
ang aninong kahit balewalain mo ay nakasunod sa 'yo...

Ako, ang anino
na makakasama mo
sa pagtungo sa liwanag na ninanais mo
sapagkat ako, ang anino
na nakakasama mo
sa madilim na sulok ng kwartong ito...

Ako, ang anino
na ang tingin mo ay hindi totoo
ngunit ako, ang anino na sa 'yo ay totoo...

Ako, ang anino mo,
ang anino na nasa likuran mo,
ang anino na nasa tabi mo,
at ang anino na laging magtuturo ng daan sa 'yo...

Ako, ang anino mo,
na nagmamahal sa 'yo.

Ako, ang anino mo,
na magmamahal sa 'yo.

Ako, ang anino mo,
na hindi lilisan sa tabi mo.

Ako, ang anino,
na ibinigay ng liwanag sa tabi mo.

Ako, ang anino mo,
na kahit nadadarang sa liwanag mo,
Ay parating susulpot sa tabi mo.

Ako, ang anino,
na kahit madilim ay pipilitin
na samahan ka hanggang dulo...

Ako, ang anino mo,
na para lang sa 'yo magpakailanman,
at hindi para sa kung sino lang.

----

Tayo lang sa mundong ito,
Ikaw, na liwanag ng mundo ko,
At ako, na anino na laging kasama mo,
Tayo lang sa mundong ito...

At para sa 'yo,
Ang liwanag sa mundo ko,
Nais kong ibigay sa 'yo
Kung hindi man lahat ay ang napakaraming oras ko,
Gaya ng ibinibigay ng gabi
na oras para sa pagsikat ng mahal n'yang si Araw.

Para sa 'yo,
Na liwanag sa mundo ko,
Tandaan mong laging sa 'yo lang ako,
At ako ang laging makakasama mo,
Sa paglubog ng umaga
at pag-angat ng kalaliman ng gabi,
Ako ay laging nasa 'yong tabi.

Para sa 'yo,
Na liwanag ng mundo ko,
Ibibigay ko ang lahat ng tala sa gabing ito,
Alay ko sa pagbibigay-tiwala mo
at pagtitiwalang walang bahid ng kadiliman ang intensyon ko sa 'yo.

Para sa 'yo,
Na liwanag ng mundo ko,
Iyong iyo ako,
Kahit magkaiba man tayo,
Sa 'yong sa 'yo lang ako.

At kung ang kadiliman man
Ang kawalan ng kaliwanagan,
Tandaan mong mahal,
Hinding hindi ako mawawala sa 'yo at
Hinding hindi ka mawawala sa akin magpakailanman,
At kung mangyari man,
Ay hindi ko hahayaan,
Sapagkat tayo lang sa mundo ko,
At guguho ito,
Kung mawawala ka sa piling ko.

( Lumang piyesa na. Tatlong piyesa na pinagawa ni Lincoln Wilson. )

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon