Hindi Mo Ginawa

31 0 0
                                    

Hindi Mo Ginawa

ni ghekalibiri

Sa dami ng nagawa ko sa 'yo, bakit wala ka man lang ginawa?

"Ayos lang."

        Natatandaan ko, iyan lang ang madalas mong sabihin sa akin sa kabila ng lahat nang nagawa ko sa iyo. Iyan lang at wala ka nang ibang ginawa. Pero hindi ko maintindihan kung bakit. Bakit wala ka man lang ginawa? Alam mo bang hanggang ngayon ay binabagabag ako ng konsensya ko?

        Wala akong ideya kung natatandaan mo pa ang lahat ng nagawa ko sa 'yo. Pero ako, sa dami ng nagawa ko sa 'yo, mangilan-ngilan na lang ang natatandaan ko. At dahil doon, humihingi ako ng tawad. Ulit.

        Natatandaan mo noong nagkaroon ka ng kauna-unahan mong kotse tapos hiniram ko yun sa iyo? Sa una ay ayaw mo dahil bukod sa bago, nangako ka rin sa mga magulang mo na iingatan at mamahalin mo iyon. Para sa pansariling interes ko, pinilit kita na ipahiram yun sa akin hanggang sa mapapayag kita. Pero dahil sa katangahan ko, nagasgasan ko ito at muntik ko pang maibangga sa isang nakaparadang kotse nang subukan kong iparada ito.

        Akala ko talaga mapapatay mo ako nun, pero hindi mo ginawa. Sa halip ay mas inalala mo pa ako kaysa sa kotse mo.

        Noong nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ng magulang ko, naaalala mo ba nung oras na pinilit kitang samahan ako sa isang parke para makapagpalamig muna ako ng ulo ko? Sinabi mong uulan noon at marami ka pang gagawin. Pero dahil sa kinonsensya kita na baka magtampo ako sa 'yo, pumayag ka.

        Habang nasa parke tayo, umulan nga. Kinagabihan ay nalaman ko nalang na nilagnat ka nang tawagan mo ako para kamustahin kung ayos lang ba ang pakiramdam ko. Akala ko sasabihan mo akong "Sinabi ko na kasi sa 'yo eh!" Pero hindi mo ginawa.

        Noong na-curious ako kung anong hitsura mo kapag nagseselos, natatandaan mo ba nung nilandi ko ang lahat ng lalaki at kinaibigan ko ang lahat ng babae sa school para lang pagselosin ka?

        Nakonsensya ako nang umiyak ka habang umaamin na selos na selos ka na. That time, akala ko talaga iiwan mo na ako, pero hindi mo ginawa.

        Noong ipinagdamot ko sa 'yo ang strawberry pie na nabili ko, natatandaan mo ba na dahil sa kamamadali kong makapag-solo ay nagtago ako sa loob ng kotse mo? Nataranta ako nun at dahil doon, aksidente kong nakabig ang karton at natapon ang strawberry pie sa sahig ng kotse mo.

        Nagalit ka nang makita mo ang nangyari, at akala ko talaga masasaktan mo ako. Pero hindi mo ginawa.

        Noong nag-debut ang pinsan ko, naaalala mo ba nang pinilit kitang samahan ako doon dahil hindi ko ka-close ang mga kamag-anak ko at ayokong ma-out-of-place? Ayaw mo no'ng una dahil hindi ka naman invited, pero isang pakiusap ko lang, pinagbigyan mo na agad ako.

        Pero ang malala, nakalimutan kong sabihin sa iyo na pormal na sayawan ang pupuntahan natin. Dahil doon, nagpakita ka sa sayawan nang naka-pantalon. Lahat ng mata ay nakatuon sa iyo pagdating mo doon. Napahiya ka't napagtawanan ng lahat, at hindi ko namalayan na pati pala ako ay tumatawa na rin.

        Napatigil lang ako nang titigan mo na ako na medyo maluha-luha ka na. Akala ko no'n aalis ka't iiwan mo na ako, pero hindi mo ginawa. Sinamahan mo pa rin ako.

        Oo, napakarami mo talagang hindi ginawa sa akin. Pero palagi kang nand'yan para mahalin, intindihin, at protektahan ako.

        Marami akong gustong gawin kasama ka para makabawi ako sa lahat ng nagawa ko pag-uwi mo dito galing sa Thailand.

Pero hindi mo ginawa.

     

Hindi Mo GinawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon