Chapter One
Ang mga anak ni Don Rafael Arellano ay tanyag sa mga taga-San Agustin. Itinuturing na mini celebrities ang magkakapatid na Dominic, Vincent, at Francis. Lumaki si Maggie na may crush sa panganay sa magkakapatid, si Dominic. Para sa kanya, ito ang perfect boyfriend. Siguro kung nobyo niya ang lalaki, magiging paborito siyang anak ng mga magulang niya at ituturing siyang diyosa ng mga kamag-anak niya. Kaya ipinangako niya sa sarili na kung mag-aasawa siya ay isang tulad ni Dominic ang pakakasalan niya—guwapo, matalino, at mayaman.
Hindi naman siya delusional na iisipin niyang may pag-asa siyang mapansin man lang nito. Ang mga bagay rito ay ang mga tulad ni Arabella Sison, isang magaling na pintor at isang sikat na heredera na siyang kasalukuyang nauugnay sa binata.
Noong nakaraang araw ay umuwi nga si Dominic sa San Agustin at kasama nito ang babae. Iyon ang unang pagkakataon na may isinama ito sa pagbalik sa kanilang lugar. Isa sa mga sobrang naapektuhan sa pangyayari ay ang pinsan niyang si Charie Samantalang siya ay bukal sa loob na sinukuan na ang pagsintang pururot kay Dominic.
"Ayoko! Hindi ako papayag na maging sila ni Papa Dom!" ngawa ng pinsan niya. Gumulong-gulong ito sa kama niya.
Nakaharap noon si Maggie sa salamin at sinusuklay ang kanyang buhok. Sabado at papunta sila sa sapa gaya ng nakagawian nilang gawin tuwing sumasapit ang araw na iyon.
"Naku, tigilan mo nga ako sa arte mo, Charie," banat niya rito. Matanda ito ng isang taon sa kanya pero parang bata kung umasta. Between the two of them, she was the emotionally and mentally mature one.
"Bakit gan'un lang kadali sa 'yo na mag-move on? Parang hindi isang dekada ang tinagal ng pagsinta mo kay Papa Dom. Hindi pa nga tayo nakakabili ng una nating napkin, siya na ang sentro ng paglalandi natin." Bumangon ito at tumingin sa kanya.
"Eh, ano'ng gusto mong gawin ko? Hintayin na mag-menopause ako bago ako mag-move on?" Inirapan niya ito sa salamin. "Kung ako sa 'yo, 'wag mo nang hintayin na ma-expire ang mga egg cells mo bago ka pa maghanap ng bagong pagtutuunan ng pansin. Sinasabi ko sa 'yo, ikaw plus Dominic Arellano equals syntax error." Hindi ito sumagot. Humiga lang ito ulit sa kama. Bigla siyang nakonsyensya. Hinarap niya ito.
"Charie, ang buhay ay hindi isang pocketbook. Hindi laging nahuhulog ang mga tulad ni Dominic sa mga tulad natin. Minsan, ang prinsipe ay para lang sa prinsesa." Lumapit siya rito. "Okay lang mangarap, huwag ka lang aasa." Hinaplos niya ang buhok ng pinsan.
"Alam ko naman 'yan," sabi nito sa wakas. "Kaso hindi ko lang siya gusto, mahal ko na siya. Alam mo 'yan. Kaya mas mahirap mag-move on kasi mas malalim ang pinaghuhugutan." Bumuntong-hininga ito.
Gusto sana niyang sabihin sa pinsan na hindi bagay rito ang unrequited love na drama. Sa halip ay tinapik na lang niya ito sa braso.
"Iligo na lang natin 'yang kabiguan mo."
Ang sapa ang paboritong lugar ni Maggie sa San Agustin. Malinaw at malamig ang tubig doon. Higit sa lahat, walang masyadong nagpupunta roon kaya napakatahimik at napakalinis ng paligid. Lalo na nang araw na iyon.
Tuwing Sabado kasi ay pumupunta ang mga tao sa lungsod para mamasyal o mamili. Kanilang-kanila ang sapa ng mga oras na iyon. Dati ay nakakasama nila ang ate niya pero nang makapag-asawa na ang kapatid at lumipat na ito sa Maynila ay silang dalawa na lang ni Charie ang nagpupunta roon.
Hinubad ni Maggie ang suot na T-shirt, sunod ang shorts. Ang naiwan na lang ay ang kanyang panloob. Lumingon siya kay Charie. Tila may hinahanap ito. Panay ang hugot nito sa mga bulsa.

BINABASA MO ANG
Desiring Sebastian by Emmanuelle Braza
Romance"Forget the plan," sabi ni Sebastian. "Kalimutan mo na lahat ng napagkasunduan natin." "Ano'ng ibig mong sabihin?" "You don't have to give yourself to me. Hindi mo na rin kailangang maging parte ng mga plano ko sa paghihiwalay kina Dominic...