41

96 11 4
                                    

Nagising ako sa napakalakas na ulan.
Naalala kong hindi ko naisara ang bintana ng aking kwarto. Pero hinayaan ko lamang iyon habang iwinawasiwas ng hangin ang puti nitong kurtina.

Bumangon ako hawak ang aking kumikirot na sintido. Humakbang ako palapit sa bintana ng makailang ulit hanggang sa maabot ko ang magkabilang dulo niyon. Nilibot ko ng tingin ang paligid. Halos wala ng makita sa ibaba dahil sa lakas ng buhos ng ulan.

Nag-angat ako ng tingin hanggang sa mapagmasdan ko ang maitim na ulap. Para bang maging ang langit ay nagdadalamhati rin.

"Tahan na, Rainy. Tahan na." Bulong ko.

Iniunat ko ang aking kamay upang abutin ang patak ng ulan pero agad akong natigilan.

Pakiramdam ko'y nanigas ang buo kong katawan ng mapabaling ako sa kanya.

Sa haba ng panahong hinintay ko, maging ang pagbukas ng bintana ng kanyang kwarto ay kinasabikan kong makita. Pero ngayong bukas na iyon ay para bang mas gusto ko na lang na manatili iyong nakasara.

Sa dami ng sakit na naramdaman ko ng dahil sa kanya ay para bang gusto kong hilingin na sana hindi na lang siya bumalik.

Dahan-dahan siyang bumaling sa kinaroroonan ko pero agad kong itinulak pasara ang bintana ng aking kwarto.

Wala ng dahilan para bigyan pa kita ng puwang sa puso't isip ko. Ngayon ay tanggap ko ng hindi pwedeng maging tayo.

Dumiretso agad ako sa banyo. Doon ay nakita ko ang mga hibla ng aking buhok. Agad akong napabaling sa salamin. Pinagmasdan ko ang aking repleksyon saka ko hinaplos ang maikli ko ng buhok.

"Pasensya ka na." Nakangiti kong sabi sa aking sarili. "Nakalimutan kong mahalin ka. Nakalimutan kong magtira ng para sayo. Pero hayaan mo, babawi ako. Pinapangako ko sayong hindi ka na iiyak."

Gusto ko ng kalimutan ang lahat. Ayoko ng balikan pa ang nakaraan. Gusto kong mag-umpisa ulit. Aayusin ko ang buhay ko at magiging masaya ako sa piling ng mga taong tunay na nagpapahalaga sa akin.

Iniayos ko ang aking sarili. Bumaba ako sa matarik na hagdan bitbit ang malaki kong maleta.

Hinila ko iyon palabas hanggang sa maipasok ko iyon sa aking sasakyan. Nang maayos ko na ang lahat ng mga gamit ko ay ikinandado ko na ang pinto niyon.

Bago ako umalis ay muli ko iyong pinagmasdan.

Pasensya ka na kung iiwanan din kita. Kailangan kong gawin 'to para sa sarili ko.

Huminga ako ng malalim. Pakiramdam ko ay maiiyak na ako kapag nagtagal pa ako. Pumihit ako saka ko binuksan ang pinto ng aking sasakyan. Binuhay ko ang makina niyon saka ko pinausad ng andar.

Paalam Blue Horizon.

Nang makalabas ako ng Subdivision ay mabilis kong tinahak ang kahabaan ng hi way. Habang nagmamaneho ay nakinig ako ng mga masasayang tugtugin. Gusto kong libangin ang sarili ko.

Maya-maya pa ay narinig ko ang pagtunog ng aking cellphone. Bahagya kong pinihit pababa ang volume ng audio ng aking sasakyan saka ko isinukbit ang headset sa aking tenga.

"Hello Riz, nasaan ka?" Si Lianne.

"Nagmamaneho ako ngayon." Sagot ko.

"Papunta kami ni kuya ngayon sa bahay mo. Kasama din namin si Van." Masayang aniya.

Ang totoo ay hindi ako makapaniwala. Sa loob ng limang taon ay ngayon na lang ulit bumalik si Lianne dito sa syudad.

Masaya ako pero naisip kong nag-alsabalutan na nga pala ako at papunta na sa condo unit na kakukuha ko lang kaninang umaga.

WHEN THE SUN KISSED THE RAIN (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon