Dahil may trabaho pang kailangang gawin si Miggy, sina Francine at Vera na muna ang nagpunta sa burol. Ngunit kabababa pa lamang nila ng sinasakyang tricycle ay gulo na kaagad ang bumungad sa kanila.
"Ang kapal din naman ng mukha mo para pumunta pa rito!?" sigaw ni Aling Mariana, ang ina ni Charity. Pinaghahampas niya ng bag sa galit ang ex-boyfriend ng kanyang anak na si Henry. "Matapos mong lokohin ang anak ko ay pupunta-punta ka pa rito!?"
"Parang awa nyo na po, Aling Mariana. Hindi ko po makakaya na hindi makita si Charity. Kahit sandali lang po!"
"Kahit magmakaawa ka pa ay hindi ka namin papapasukin," sabi naman ni Mang Artemio, ang ama ni Charity. "Kung ayaw mong magpatawag pa kami ng pulis ay umalis ka na rito. Hindi matatahimik ang anak ko kung pati sa burol niya'y makikita niya ang pagmumukha mo!"
"N-nandito ho ako para humingi ng tawad sa kanya."
"Huli na ang lahat para humingi ka ng tawad!" sigaw ni Aling Mariana. Umiiyak na nilapitan niya si Henry at itinulak sa dibdib. "Pinagkatiwalaan ka ng anak ko... minahal. Paano mo siya nagawang pagtaksilan? Paano mo nagawang pagtaksilan ang taong ibinuhos ang lahat-lahat sa 'yo na kahit ang sarili niyang pamilya ay sinuway niya para makasama ka lang."
Matagal nang tutol sina Aling Mariana at Mang Artemio sa pakikipagrelasyon ng kanilang anak kay Henry. Isa kasing top student ng Bicol University si Charity at nabago ang lahat ng iyon nang maging sila ni Henry. Nabulag ito sa pagmamahal. Dumating ang araw na sinuway nito ang mga magulang at nakipagtanan.
Hindi na naipagpatuloy ni Charity ang pag-aaral. Nang suwertihin siyang makahanap ng magandang trabaho sa isang travel agency, kumuha kaagad siya ng rent-to-own na bahay na kung saan ay pinag-live-in-an nila ni Henry. Ginawa niya ang lahat para maging masaya ang pagsasama nila. Siya ang mag-isang kumayod, kahit na hindi nagtatrabaho si Henry. Ilang beses na kasi itong sumubok na mag-apply bilang production operator, pero hindi ito matanggap-tanggap.
Then one day, tinawagan si Charity ng kanyang mga magulang at pinakiusapan na umuwi muna sa Bicol. Gusto na kasi ng mga ito na makipag-ayos sa anak. Kaya naman umuwi kaagad siya at iniwan muna ang bahay kay Henry.
Ngunit sa kanyang pagbabalik ay hindi niya in-expect na makikitang nambababae si Henry sa loob pa mismo ng kanilang kuwarto. Halos ikabaliw niya ang pangyayari, kaya naman gano'n na lang ang ikinagalit nina Mang Artemio at Aling Mariana kay Henry.
"Sinira mo ang buhay ng anak ko!" galit na pagkakasabi ni Aling Mariana kay Henry habang dinuduro ito ng daliri. "Isinusumpa ko na sana'y hindi ka patahimikin ng konsensya mo. Nabubuhay ka pa lang ay sinusunog na sa impiyerno ang kaluluwa mo! Ikaw ang dahilan kung bakit nagpakamatay si Charity. Ikaw ang pumatay sa kanya, hayop ka!"
Awang-awa si Francine sa mga magulang ni Charity. Kung gano'n din ang mangyari sa mahal niya sa buhay ay baka magalit din siya ng sobra.
"Hindi ko talaga maintindihan ang mga taong nagtataksil. Ano pa bang hinahanap nila sa iba? Paano nila nagagawa iyon sa taong mahal nila?" tanong ni Francine kay Vera.
BINABASA MO ANG
Sinful Heaven [Completed]
General FictionMiggy messed up big time by cheating on his wife, Francine, with her best friend, Vera. They thought they could keep it a secret, but their affair was exposed. Now, Miggy's life is a mess, filled with regret and a damaged reputation. 'SINFUL HEAVEN'...