Isa

1.2K 28 2
                                    

Ang sabi nila, mahahanap ko daw ang sarili ko kung saan hindi ko inaasahan.

Sinubukan ko naman. Umakyat ako ng bundok, sumisid sa dagat, naglakad sa gubat, at tangina, tumalon pa ko ng eroplano para makalipad sa langit... Pero wala naman akong natagpuan kung hindi panandaliang bilis ng pagtibok ng puso at saglit na ligaya.

Niloloko ko lang ata sarili ko... Alam ko naman talaga kung nasaan ang "ako" pero ayaw ko lang bigkasin. Pakiramdam ko kasi, pag nilapatan ko na ng salita ang totoo kong nararamdaman, bubuo lang sila ng hugis na hindi ko pa kayang harapin.

Mula sa aking isip at puso, lalabas mula sa aking bibig, magpapaikut-ikot sa hangin at kokorte ng isang hugis... Ikaw.

Ikaw... Jade. Ibinigay ko ang sarili ko sayo nung tayo pa. Ako kasi itong tanga, hindi nakinig sa payo ng marami.

Magtira ka ng pagmamahal para sa sarili mo Althea, wag mo naman ibigay lahat... Baka sa laki ng halaga na ibinibigay mo, kapusin na sa panukli sa iyo.

Minahal... Mahal kita ng higit pa sa taas ng kahit na anong bundok at mas malalim pa sa kahit na anong karagatan. Mas masukal pa sa kahit na anong gubat ang pinagdaanan kong pagsubok para sa iyo. Mas malawak pa sa langit ang naging pagunawa ko sa sitwasyon natin. Kaya siguro hindi ko na mahanap ang sarili ko ngayon...

Iniwan mo ako Jade... Iniwan mo ko sa tuktok, sa ilalim, sa kalagitnaan, sa kasagsagan...

Iniwan mo ako, at ngayon hindi ko na mahanap ang sarili ko.

Sakaling MatagpuanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon