"Mamaya na"
Yan ang paulit-ulit kong sinasabi kanina pa.
Lunes ang pasahan ng proyekto namin sa Filipino.
Linggo na at wala pa rin akong nagagawa kahit isang letra. Siguro "mamaya" na lang.
-------
Biyernes, Alas Tres ng hapon ang oras ng uwian galing sa paaralan. Pagka-uwi ko ay agad akong nagbihis ng pang-bahay at natulog. Nagising ako ng Alas sais at kumain ng hapunan.
"May takdang aralin ka ba?" tanong ni mama habang sarap na sarap ako sa pagkain ng nilagang baka na luto niya.
"Meron po" sabi ko pagkatapos lunukin ang karne sa aking lalamunan.
"Gawin mo na agad, magpapasama ako sa'yo sa Divisoria bukas. Ubos na paninda ko sa palengke eh" ani ni mama
"Gabi na po eh, bukas na lang pagka-uwi natin"
Sa totoo lang ay tinatamad akong kumilos tuwing biyernes. Lagi lang akong natutulog at kumakain dahil para sa akin, ito lang ang oras ko para makapag-pahinga kaya susulitin ko na.
Limang araw akong nag-aaral, bumibyahe, namamasyal at gumagawa ng gawaing-bahay kaya kailangan, may pahinga ako.
Sabado, Alas Otso ng umaga kami umalis ng bahay ni mama. Nakarating kami sa Divisoria ng Alas Nuebe y kinse dulot ng traffic.
"Ano po hanap nila?" tanong ng bawat tinderang makakasalubong namin.
Ang iba naman ay ito ang sinasabi "Ano pong size te?"
Yung totoo? Alam niyo ba bibilhin namin at nagtatanong agad kayo kung anong size?
Sa bawat paglakad namin, hindi maiiwasang makaapak at maapakan ng kung sinu-sino. Minsan naman, magugulat ka na lang na may sisigaw.
"Magnanakaaaaw!" Wala namang pakialam ang ibang tao dahil sanay na sila dito
Ang ginagawa lang nila ay binabantayan at iniingatan ang kanya-kanyang gamit dahil sa oras na malingap sila, baka sila'y masalisihan din.
"Ma! Matagal pa ba?" inip na inip ko nang sabi
"Saglit na lang. Kung binibilisan mo kasi maglakad eh sana tapos na tayo ngayon" halatang mainit na rin ang ulo ni mama sanhi ng maingay na paligid at mainit na klima.
Isa sa dahilan kung bakit kami nagtagal ni mama ay dahil sa mabagal kong paglakad. Inaamin ko namang mabagal akong maglakad dahil tinatamad na ako dagdag pa na marami akong dala dala at gutom na rin ang aking sikmura.
Natapos kaming mamili bandang Alas Tres ng hapon at agad pumunta sa pinakamalapit na kainan. Maraming tao ang nakapila kaya isa rin ito sa dahilan kung bakit kami nagtagal.
Alas Singko na kami naka-uwi ng bahay at pagod na pagod ako kaya parehas kaming nakatulog ni mama.
Nagising ako ng Alas Syete at kumain ng hapunan.
Dahil gabi na, hindi ko na ginawa ang takdang-aralin ko sa Matematika tutal, madali lang naman itong gawin bukas.
Bago ako natulog, bigla kong naalala na may proyekto pala kami sa Filipino.
"Oo nga pala, sa Lunes na ang pasahan" sabi ko sa sarili ko
Noong nakaraang tatlong linggo pa binanggit ng aming propesor ang tungkol sa proyektong ito ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa rin sinisimulan.
"Ganyan tayo eh" sabi ng kaibigan ko nang bumisita siya sa bahay kinabukasan.
Linggo na ng umaga. Maaga akong nagising para sana simulan na ang dapat gawin pero bumisita ang kaibigan ko noong High school.
Nabanggit ko sa kanya ang mga gagawin ko pero nang magprisinta siyang umalis na, agad ko siyang pinigilan.
"Wag muna! Manood muna tayo ng pelikula. Sayang naman ang punta mo dito. Mamaya ko na lang gagawin. Madali na lang iyon." pigil ko sa kanya.
"Osige, sabi mo eh"
Alas dose kami natapos manood ng pelikula. Tinatamad pa akong gumawa kaya kumain muna kami ng tanghalian bago siya umalis.
Ala una na ng hapon. Handa na akong gawin ang proyekto nang bigla na lang nag-uwi ng pasalubong ang kuya ko.
"Oh kain kayong meryenda! Hamburger.. Mainit-init pa" sabi ni kuya pagkadating
Hindi pa naman ako gutom pero natatakam ako sa karne at kesong nasa gitna ng dalawang tinapay na nilagay ni kuya sa lamesa.
Kinuha ko ang isa at kumagat ng kumagat hanggang maubos ito.
"Akala ko ba gagawin mo na ang takdang-aralin mo?" tanong ni mama
"Tapos ko na po ang takdang-aralin ko. Yung proyekto na lang po"
"Ano? May proyekto ka? Hindi mo pa ginagawa?" gulat na tanong ni mama
"Opo. Madali na lang po yon. Siguro mamaya na lang hapon"
Busog na busog ako kaya parang gusto ko munang magpahinga.
Habang nakaupo ay naki-nood na lang ako ng TV hanggang sa di ko namalayan na alas singko na ng hapon.
Nagmadali akong gawin ang dapat gawin. Sinimulan ko na ang dapat simulan.
At sa wakas, natapos din ang dapat matapos...
Natapos ko ang proyekto ng Ala Una ng gabi kasama ang tatlong baso ng maiinit na kape. Halatang antok na antok na ako ng mga oras na iyon.
Ayoko nang maulit ang nangyari. Hindi ko na ipagpapabukas ang pwedeng gawin na. Hindi ko na ipag-mamaya ang pwedeng gawin na ngayon. Dahil bukod sa bara barang gawa, napuyat pa ko.
*kriiiiing*
Nagising ako, Lunes ng umaga na malakas ang ulan.
"Suspended daw ang klase ngayon" sabi ni mama.
Napakamot na lang ako ng ulo.
-____-
-----------
BINABASA MO ANG
MAMAYA NA [short story]
Short StoryTamad ka ba? Bagay sa iyo ang maikling kwentong ito.