Nababalot ng ingay ang kapaligiran, sigawan, kantyawan at kung anu-ano pa, ito na ang paligid na aking nakasanayan dito sa aming paaralan.
“Kapag kayo ay pinatawag na naman ni Bb. Estrada huwag na huwag nyo akong idadamay, hindi kayo masaway-saway!”, pikon na pahayag ng president ng klase. Natahimik ang lahat ngunit pagkalipas ng ilang segundo ay nagsihagalpakan ng tawa.
“Potpot! Maupo ka na nga dito. Madamay ka pa sa kalokohan ng mga yan eh baka hindi ka makatapos.”, pagtawag ko sa aking matalik na kaibigang si Paul, kababata ko siya at magkaibigan ang aming mga magulang dahilan upang maging malapit kami sa isa’t isa.
Nakinig naman sya at naupo sa tabi ko, “Masyado ka namang negatibong mag-isip Patpat, hindi agad ako makakatapos ang naisip mo? Sa gwapong ito ng bestfriend mo, isang kindat ko lang kay Bb. Estrada ay mapapatawad na nya ako. Haha.”, wika nya sa tonong may pagmamayabang.
Pinalo ko sya sa balikat..
“Aray ko naman Patpat! Biro lang yun. Masyado ka namang seryoso.”, wika ulit ni Paul.
Likas talaga kay Paul ang pagiging mayabang sa tono ng pananalita. Hindi ko nga rin alam kung bakit ako naging malapit sa kanya gayong ayaw ko naman sa taong may taglay na kayabangan.
Kapagkuwan ay dumating na si Gng. Maderazo, guro namin sa Filipino. Natahimik ang lahat at nagsiupo sa kani-kanilang upuan.
“Magandang Umaga”, bati nya sa seryosong tono ng pananalita. “Magandang Umaga rin po Gng. Maderazo”, sagot naman ng klase.
“Syangapala, lumabas na ang resulta ng inyong nakaraang pagsusulit at hindi ko ito ikinatuwa, kalahati lang ng klase ang nakapasa, labing-pitong babae at isang lalaki. Oo, isang lalaki lang ang nakapasa at sya ring nakakuha ng pinakamataas na iskor.”, pahayag ni Gng. Maderazo.
Nagsimula na ang bulung-bulungan ng klase.
“Siguradong ako yoon! Ako ang nakakuha ng pinakamataas na iskor at kaisa-isang nakapasang lalaki!”, wika ni Hubert at saka tumawa ng napakalakas dahilan upang ako’y mapatingin sa kanya kaya naman ako ay kinindatan nya. Wala talagang modo ang taong ito.
“Potpot sino kaya iyon ano? Pagkatalino naman niya.”, tanong ko kay Paul ngunit hindi sya sumagot sa halip ay nginitian lang ako.
“Paul Jake Villafuerte, tumayo ka.”, utos ni Gng. Maderazo.
“Ako po?”, si Potpot at itinuro pa ang sarili. “Ngunit wala naman po akong ginagawang masama eh”, dagdag pa niya ng may halong pangamba.
“Oo nga po tahimik naman po sya noong dumating kayo ah!”, pagsang-ayon ko naman kay Potpot.
“Ano ba naman kayong mga bata kayo? Nais ko lang naman sabihin na si Paul Jake ang nakakuha ng pinakamataas na iskor at ang kaisa-isang lalaking nakapasa dito sa klase nyo. At dahil doon, siya ay ligtas na sa susunod nating mahabang pagsusulit.”, pahayag ng guro ng may ngiti sa mukha, mukhang galak na galak siya.
Nagsimula nang magsipalakpakan ang aming mga kaklase maging ako ay napapalakpak na rin.
“Potpot! Ang galing galing mo!”, sabi ko ng buong galak at niyakap si Paul.
Natahimik ang lahat. “Ehem”, si Gng. Maderazo.
Hindi talaga ako makapaniwala na ang mayabang kong bestfriend pala yung kaisa-isang pumasa.
Natapos na ang klase at labasan na, gaya ng nakasanayan sabay kami ni Paul pauwi sapagkat iisa rin namang daan ang aming dadaanan.
“Patpat, akin na yang libro mo ako nalang magdadala baka atakihin ka pa ng asthma mo lagot ako kay Tita Elizabeth pag nagkataon”, ang magiting kong matalik na kaibigan napakamatulungin talaga.