Perspektibo ni S/Insp. Lim
_______________Dalawang araw na ang lumipas, ngunit hindi ko pa rin nasasagot ang parehong katanungan. At yun ay kung sino si Roberto Tuazon, at kung ano ang kinalaman niya sa pagkawala ni Teresita Gomez. Sinubukan kong hanapin ang pangalang "Roberto Tuazon" sa internet at nagbakasakali na makahanap pa ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa kanya, pero ibang mga tao ang lumalabas.
At dahil wala akong nahanap ay ibinalik ko na lang sa karton nito ang projector, mga tape at ang mga litrato—na paulit-ulit kong hinalughog sa dalawang magkasunod na araw. Tinignan ko ang orasan at napagtanto ko na mag-aalas sais na pala ng umaga, kaya bumaba na ako para mag-almusal sa isang karenderiya na madalas kong pinupuntahan.
Habang kumakain ay nakatutok lang ako sa pakikinig sa isang local radio station—kung saan ibinabalita ang natagpuang bangkay ng isang lalaki sa may ilog na di kalayuan dito. Wala na rin umanong ulo, mga kamay at paa ang bangkay. Sa madaling salita ay chinop-chop ito at itinapon lamang sa naturang ilog.
Natandaan ko tuloy ang mga sinabi sa akin ni Superintendent Lopez noong mga nakaraang araw. Gusto ko sana siyang kausapin tungkol rito pero parang may pumipigil sa akin. Sa totoo lang ay hindi ko pa lubos na mapagkatiwalaan ang matandang pulis na yun—at balak kong lutasin ang kasong ito nang hindi humihingi ng tulong sa kanya.
Matapos kong kumain ay tumayo na ako at umalis. Medyo mataas na ang sikat ng araw noon at marami-rami na ring mga tao ang nasa labas. Naglakad na ako patungo sa istasyon, nang bigla akong may nakabungguan na babae. Sa palagay ko ay nasa edad trenta na ito pataas—at isang empleyado, base sa kanyang kasuotan.
Syempre ay hindi ako nag-atubuli na tulungan siyang pulutin ang kanyang mga gamit na nalaglag, gawa ng pagkakabunggo namin. Abala ako sa paghingi ng tawad at pagpulot ng mga folder niya nang bigla siyang magsalita—na siyang nagpatayo ng mga balahibo ko.
"Mag-iingat ka, Allan." Sabi niya pa sa akin habang inaabot ko sa kanya ang mga gamit na napulot ko.
Napatingin ako sa kanya at nakita kong seryoso ang kanyang mukha, kaya natigilan ako. Paano niya ako nakilala, eh hindi ko naman siya kilala? Matapos yun ay umalis na rin siya kaagad nang hindi nagpapakilala o ano. Tinangka ko siyang sundan ngunit ang bilis niyang mag-lakad na parang iniiwasan niya na ako. At noong tumawid na siya ay bigla na lamang siyang naglaho kasabay ang pagdaan ng malaking bus sa aking harapan.
Sumuko na rin ako sa kanya, di kalaunan. Pero hindi ko isinantabi ang posibilidad na may kinalaman din siya sa aking iniimbestigahan. Mag-iingat saan, at kanino? Nang dahil doon ay nadagdagan ang pagkabahala sa aking dibdib, at hindi mapigilang isipin na hawak-hawak na nila ako sa kanilang mga kamay. Gayunpaman ay tinitiyak ko na hindi ako magpapatinag sa anumang panganib na pwedeng mangyari.
Pumunta na ako sa istasyon ngunit napag-alaman kong wala roon si Chief Bernales. Ayon pa sa mga naiwang pulis na nandoon ay kasama si Chief na rumisponde sa crime scene na binalita sa radyo kani-kanina lang. Syempre ay napagpasiyahan ko nang tumungo doon kaagad dahil baka may makikita ako roon na pwedeng mapakinabangan at posibleng may kinalaman sa imbestigasyon ko.
-----------
Dumating na ako sa lugar kung saan nahanap ang nasabing bangkay. Nadatnan ko si Chief Bernales doon na sumasagot sa mga interview ng media. Maya't maya pa ay lumingon na siya sa akin at binati ako.
"Senior Inspector! Magandang umaga."
"Magandang umaga rin, Chief. Kamusta ang mga kaganapan dito?" Bati ko rin sa kanya.
"Eto, sinusundo na namin yung kaibigan natin dahil masyado yatang napaaga ang kanyang outing." Sagot niya pa habang pinagmamasdan ang bangkay na nakalatag sa isang nakabukas na bodybag.
Habang pinagmamasdan ko ang bangkay ay napansin ko na marami itong mga sugat at pasa sa kanyang magkabilang braso—na hindi napasama sa pag-chop-chop. Palagay ko ay tinorture muna ito bago pinatay at pinagpira-piraso ang katawan. Muli kong naisip ang mga sinabi sa akin ni Superintendent Lopez noong nakaraang araw tungkol sa kulto.
Dahil gaya ng sinabi niya, ay mukha ngang ganoon din ang kakatuwang na kalunos-lunos na sinapit ng isang ito—pero hindi pa rin umaalis ang mga katanungan sa isip ko. Totoo kaya ang mga sinabi niya tungkol sa kulto? At kung totoo nga ay posible ba na isa na si Teresita sa mga umano'y nabiktima nito? Hindi ko maitatanggi na nakukumbinsi na ako na magkaugnay nga ang mga kasong hinahawakan namin. Gayunpaman ay isa lamang ito sa mga posibilidad, dahil marami pa akong ibang mga posibleng kadahilanan na tinitignan kaugnay ng pagkawala ni Teresita—mula sa personal na kagustuhan, sa mga naging relasyon o katrabaho, hanggang sa posibilidad na ito. Ito ay sa kabila ng samu't saring mga ebidensya na nakuha namin buhat ng kanyang paglaho.
"Madalas bang mangyari ang mga ganito dito?" Muli kong tanong kay Chief Bernales.
"Hindi naman. Tulad ng sinabi ko, purong mga minor offense lang ang madalas na nangyayari dito. Siguro ito na ang pinaka-karumal-dumal na nakita ko, sa loob ng isang dekadang paninirahan ko rito." Aniya
"Sa tingin mo, Senior Inspector. Posible kayang may koneksyon ito sa iniimbestigahan mo? Pahabol niya pang tanong.
Noong tinanong niya yon ay medyo kinabahan na ako sa kung ano ang pwede kong maisagot sa di malamang dahilan. Na parang nararamdaman kong mayroon akong nakaligtaan—ngunit tila may pumipigil din sa akin para matandaan ang kung ano man yun.
"Hindi ko pa po maisip kung ano ang pwedeng mai-ugnay sa kanila. Pero kung ako po ang tatanungin ay may kutob nga akong konektado ito sa kasong iniimbestigahan ko. Ang problema lang ay hindi ko talaga matandaan, kahit anong pilit ko. Nakakahiya mang aminin, pero marami na rin akong nakakaligtaan hinggil sa kasong ito. Hindi ko alam kung magulo lang talaga ang isipan ko nitong mga araw o dala ito ng matinding stress." Sa tingin ko ay ito ang pinakatotoo na naging kasagutan ko sa kabila ng pagiging walang katiyakan.
Matapos marinig ni Chief Bernales ang naging sagot ko sa kanya ay muli niyang ibinaling ang kanyang tingin doon sa bangkay. Tumahimik muna siya at ngumiti, bago niya akong sagutin.
"Natatandaan mo pa ba ang natagpuan nating kamay sa Joaquin Robles Road noong kamakailan lang?"
BINABASA MO ANG
Ang Pagkawala Ni Teresita Gomez
Mystery / ThrillerSi Teresita Gomez ay ipinanganak sa isang simple ngunit marangyang pamilya. Bagama't maayos ang kanyang pamumuhay ay may mga patong-patong na problemang dumating sa kanya. Dahil dito, napagpasyahan niya na munang umalis upang nang sa ganoon ay makap...