"CHICKEN cordon bleu, pork lengua in mushroom sauce, beef callos, cheesy macaroni, mixed buttered vegetables with quail eggs and grilled gindara," sabi ni Samantha sa kaharap niyang kliyente. Inuulit lang niya ang napili nitong menu bago niya ipahanda ang kontratang dapat pirmahan para sa catering service niya."On the spot ang grilling ng gindara. We'll prepare two different sauces para may choice ang guests ninyo," paliwanag pa niya. "How about appetizer, soup and dessert? May napili na ba kayo?" tanong niya nang mapansing wala pang marka ng check ang bahaging iyon na pagpipilian sa menu.
"Hindi pa ako maka-decide, eh," sagot ng would-be-bride na nagngangalang Lerma. Kasama nito ang fiance nito subalit tahimik lang iyon at tila ibinigay ang pagdedesisyon sa babae. "Actually, iniisip ko pa nga kung papalitan ko iyong pasta," sabi uli nito. "What if, putanesca na lang kaya or seafood fettucine para maiba naman? Masyado na kasing pangkaraniwan ang baked mac, hindi ba? Baked mac and chessy macaroni is almost the same, what do you think?"
Tumango siya. "It's up to you kung magpapalit kayo ng menu basta nasa column of choices. Hindi kasi puwedeng mag-interchange sa ibang column dahil maiiba na ang presyo niyon. But then, puwede rin naman kaya lang ay mag-a-adjust tayo sa rate ng per head."
"Walang problema sa babayaran," kaswal na sabad ng magiging groom at nagtinginan ang dalawa.
"Sige, mamaya na ako magde-decide ng sa pasta," ani Lerma. "I'll choose assorted international cold cuts for appetizer. Cream of corn with crabmeat for the soup and all vegetables with thousand island dressing and Caesar's dressing para sa salad bar. Puwedeng lagyan na rin ng crispy bacon and croutons?"
"Of course," nakangiting sagot niya.
So far ay hindi pa naman siya napipikon sa kaharap bagaman nasabi na sa kanya ni Jenna na medyo mahirap kausap ang nasabing kliyente dahil pabagu-bago ng isip ang babae. Karaniwan naman sa mga magiging groom ay tahimik lang. Bihira sa mga lalaki ang mas mausisa pa sa detalye.At kagaya ng nauna na niyang kliyente sa catering business niya, galing din sina Lerma kay Jenna. Nakipagsara na ito ng kontrata sa Perfect Wedding ni Jenna pero bukod pa ang kontratang pipirmahan nito sa kanya para sa catering ng kasal nito three months from now.
Isa pa, sanay naman siyang hindi agad nakakapag-desisyon ang kanyang kliyente pagdating sa pagpili ng mga putaheng ihahain sa kasal ng mga ito. Ang iba ay budget conscious samantalang ang iba naman, ang gusto ay pawang masasarap ang ihahanda sa bisita.
Kung ang huli ang ikokonsidera ay wala iyong problema sa kanya. Matagal na niyang subok ang mga putaheng nasa menu niya. Siya ang mismong nag-develop ng mga putahe bagaman hindi naman niya maaangkin ang kredito ng pag-imbento ng mga iyon.
Ang laban lang niya ay ang magandang track record ng Sam's Kitchen sa catering world. Pawang papuri ang natatanggap niya sa bawat catering service niya. At iyon din ang isa sa pangunahing dahilan kung kaya't nakikilala ang kanyang negosyo. At hindi rin siya tumigil sa pagte-train at pagsu-supervise sa mga cook niya para mapanatili ang kalidad ng lasa ng pagkain na inihahain niya.
"What can you suggest for desserts?" tanong sa kanya ni Lerma.
"Halo-halo bar, sherbet ice cream or assorted pastries. Kung mga health conscious naman ang karamihan sa magiging guests mo, I suggest fresh fruits in season. Kungsabagay, hindi rin naman masyadong bawal ang sherbet ice cream."
Natawa ito. "Actually, puro kagaya ko ang mga iyon na mahihilig sa matatamis."
"We can serve cake," mabilis na sabi niya at naisip si Imee.
Sa wedding girls ay si Imee ang eksperto sa mga pastries and cakes. Ang totoo, kapag ang dessert na pinipili ng kliyente niya ay kakailanganin pang i-bake, ipinapasa na niya iyon kay Imee at sila na lang ng kaibigan ang nag-uusap ng tungkol sa presyo.
"Nasabi sa akin ni Jenna na may wedding supplier din siya na eksperto sa cake. Hindi pa kasi kami nagkakausap but I'm thinking if it's possible na miniature cake ng wedding cake ko ang ihahain sa dessert table," sabi ni Lerma.
"Puwede iyon. Makikipag-coordinate ako kay Imee, iyong baker ng Perfect Wedding. But it would be costly. Kung marami kasing details ang cake na mapipili mo, natural ganoon din ang magiging miniature cakes."
"Okay lang. We want the best for our wedding," sabi uli ng future groom.
Napangiti si Samantha. Sa totoo lang, kahit na sabihin pang medyo mahirap kausap ang mga kliyente hindi iyon nagiging problema sa kanya basta willing magbayad ang mga ito.Bagaman naiintindihan naman niya na mahirap ang buhay, mas maigsi ang pasensya niya sa mga kliyente na hindi pa nauunawaan ang kalidad ng serbisyo na kaya niyang ibigay ay puro discount na ang hinihingi sa kanya.
Kung minsan nga, pakiramdam niya ay binabarat na ang presyo niya samantalang hindi naman niya ugaling mag-overprice at hindi rin naman niya nahihingi ang mga rekado at karne sa supermarket at Farmer's market. Nakakalimutan yata ng mga barat na kliyente na hindi rin libre ang pagtatrabaho sa kanya ng staff niya, sa kitchen man or sa waitering.
Pagkatapos ng mahigit pang isang oras ay nai-finalize na rin ni Lerma ang desisyon nito para sa menu ng kasal nito.
"May gusto sana akong i-request, Samantha," dagdag nito.
"Ano iyon?"
"Please prepare assorted drinks. Orange juice, soft drinks, coffee and tea. Lalo na sa principal sponsors namin, karamihan sa kanila, gusto ng kape or tea pagkatapos ng meal."
"It's alright." At gumugol pa siya ng ilang minuto para sa adjustment ng babayaran ng mga ito. Mayamaya pa, ipinaliwanag niya sa dalawa kung bakit naging ganoon ang presyong inabot ng pipirmahang kontrata.
"Sige, ipa-prepare mo na ang contract," sabi ni Lerma na napatunayan nga niyang willing magbayad kahit na medyo mahal ang presyong sinabi niya. "Darling, kaninong tseke ang ibibigay natin kay Samantha?" baling nito sa fiance.
"Ito nang sa akin," mabilis na sagot nito at mabilis ding inilabas ang checkbook.
"Tumatanggap ka naman ng tseke, hindi ba?" tanong sa kanya ni Lerma.
Tumango siya. "Any major checks for the reservation and downpayment is accepted. Pero iyong susunod na payment saka iyong final payment, I prefer cash.""We understand. Huwag kang mag-alala, magdadala kami ng cash sa susunod."
Kalahating oras pa yata ang lumipas bago naging lubos ang ngiti niya. Pirmado na ang kontrata at hawak na rin niya ang tseke. Dagdag na sales niya iyon para sa buwan na iyon.
At kapag nabayaran siya ng buo, madadagdagan na naman ang savings niya. Ugali na niyang sa panghuling bayad kumuha ng para sa savings niya. ang mga paunang bayad ang siyang ginagawa niyang puhunan pambili ng pagkain at pangbayad sa mga kusinera niya at staff.
"Ma'am, tumawag ang mama ninyo. Baka daw makalimutan ninyo iyong kasal na pupuntahan ninyo ngayong gabi," paalala sa kanya ng sekretarya niya.
"Hindi ko nakakalimutan. Pakisabi mo sa kanya na tutuloy na ako sa parlor pagkatapos ko dito." Ngunit mabilis ding nagbago ang kanyang isip. "Huwag na pala, Anna. Ako na lang ang tatawag sa kanya."
*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 16 - Samantha
RomanceSAMANTHA - The Caterer Bumiling siya ng higa paharap sa puwesto ng higaan ni Joshua. Ilang araw na silang magkasama sa isla. Barkada pa rin ang turingan nila at hindi gumagawa ng anumang kilos si Joshua upang mag-take advantage sa kanya. Sa sitwas...