If I Knew Then

6.6K 163 34
                                    

"Cause love only comes once in a while

It knocks on your door and throws you a smile.

It takes every breath, leaves every scar

Speaks to your soul, and sings to your heart..."


Kahit kailan hindi ko inasahang darating ang araw na ito para sa ating dalawa. Na sa huli, dito pala tayo hahantong.

"Sayaw tayo?" Inalok kita habang ipiniprisinta ang aking palad upang tanggapin mo.

Nginitian mo ako at inilagay ang kamay mo sa mga nakaabang kong palad at naglakad tayo papunta sa gitna, kung saan maraming tao ang nagkukumpol para sumayaw. Pagdating natin doon, nakain agad tayo ng kumpol at tila naligaw na tayo sa kalagitnaan. Ng makakita ng magandang espasyo, pinigilan mo ang pangunguna ko at hinila ako papalapit sa'yo. Kinuha mo yung isa kong kamay at inilagay mo sa bewang mo samantalang yung isa ay nakahawak pa rin sa'yo.

"Katulad lang dati," sabi mo habang binabalot ang kaliwang bisig mo sa leeg ko, ang ngiting kanina pa nagniningning sa mga labi mo ay hindi pa rin nawawala. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Nginitian rin kita.

Naaalala mo rin pala iyon. Sa ibang panahon, isang panahong malayo na sa ngayon, minsan na rin kitang isinayaw. Bata pa tayo noon. Pawang mga estudyante pa lamang. Ibang kumpol ng mga tao ang nagbaon sa atin sa gitna ng sayawan. Tulad ngayon, minsan rin tayong sumayaw sa mabagal na tugtugin.

"Nakakaantok," sabi mo noon.

"Edi matulog ka," ang isinagot ko.

"Hindi pwede, kasayaw pa kita." Habang sinasabi mo iyon ay mas hinigpitan mo ang pagyakap mo sa akin. Gaano katindi ang pagnanais ko na iyo'y gawin mong muli.

Ngayon ay tinitignan kita at hindi ko maipagkakaila ang ganda mo. Katulad nanaman ng dati. Ang pinagkaiba lang naman ngayon ay bukod sa nadagdagan ka na ng konting taba, konti lang naman, ay kulay puti na ang suot mo. Imbis na hanggang tuhod lang ang iyong bestida ay umaabot na ito hanggang sahig. Ganoon na lamang ang pilit kong huwag maapakan ang magara mong damit. Alam ko namang matagal mong pinagpilian ang iyong kasuotan. Alam ko dahil kasama mo ako habang pinipili mo iyan. At tapat ako noong sinabi ko sa 'yong maganda ka sa damit na iyan kahit hindi mo ako pinaniwalaan noon.

Nahumaling ako sa kagandahan mo. Kanina, habang naglalakad ka sa pasilyo patungo sa dambana kung saan sasabihin mo ang mga pangako mo sa harap ng mga tao at sa harap ng Diyos, pilit kong nilulunok ang namumuong bara sa lalamunan ko. Pilit kong pinipigilan ang luhang namumuo sa mata ko. Ganoon ako natamaan ng mga pangyayari. Dahil sa araw na ito, totoo na ang lahat. Wala nang atrasan.

Naalala ko noong una kitang nakilala. Unang araw natin iyon sa kolehiyo. Hindi pa nga kita napapansin noon. Para sa akin, isang mukha ka lamang sa klase. Mapaglaro nga lang ang tadhana. Itinabi niya ako sa'yo noong ginawang ayon sa apilyido ang pagkakasunod-sunod ng mga upuan. Biruin mo, magka-apilyido pala tayo. At dahil sa natural mong kadaldalan, kinausap mo ako. Sinabi mo sa akin kung gaano ka nangungulila sa mga kaibigan mo sa hayskul. Nagtanong ka rin tungkol sa buhay ko at mulugod kong sinagot ang bawat katanungan mo. Masarap ka palang kausap. Hindi nakakasawa.

Tanghalian, ay sinabayan mo ako. Pareho tayong bumili sa kantina ng karneng nakalutang sa mantika. Wala na tayong mapili, eh. Naubusan na tayo. Hanggang nakain tayo noon ay hindi ka pa rin natigil sa pagdaldal. Halos buong buhay mo nga ang kinuwento mo sa akin. Sabay rin tayong umuwi noong araw na iyon. At hindi ko namalayan, nakatagpo na pala ako ng isang matalik na kaibigan sa katauhan mo.

Mr. and Mrs. Dela Cruz ang asar sa atin ng mga kamag-aral natin. Hindi naman natin sila pinansin at hinayaan lang na tuksuhin tayong dalawa. Tutal, wala namang malisya sa ating dalawa ang bansag na iyon, hindi ba?

If I Knew ThenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon