Maaga akong nagising at nagligpit sa aking condo. Inayos ko ang lahat ng mga gamit ko para sa muli kong paglipat sa Blue Horizon.
Nakakatawa pero hindi ko akalaing babalik na ako sa lugar na iyon.
"Bigyan mo ako ng isang dahilan para bumalik."
"Ako."
Pagkasabi niya niyon ay agad niya akong niyapos ng yakap at ginawaran ng isang halik. Binuhat niya ako papasok sa loob ng bahay. Marahan niyang tinulak ng sipa ang pinto pasara saka ako isinandal doon.
Naramdaman kong mas naging agresibo ang mga halik niya.
Hindi ko alam kung anong mahika ang ginagamit niya para pasunurin ako sa bawat niyang galaw. Namalayan ko na lang na tumutugon ako sa bawat halik na iyon.
"I love you so much Rainy Riz.." Ramdam ko ang init ng kanyang hininga ng marahan niya akong dampian ng halik sa noo.
Pakiramdam ko ay hindi ko kailangang mangamba kapag kasama siya dahil alam kong iniingatan niya ako.
Nang gabing iyon ay inihatid niya rin ako kaagad sa aking condo.
"Hindi na ako magtatagal, baka hindi na ako makapagpigil." Muli niya akong dinampian ng halik sa pisnge bago umalis.
Maang ko siyang pinagmasdan hanggang sa makapasok siya sa elevator.
Pakiramdam ko ay napakaswerte ko sa kanya. Hindi ko akalaing ang isang simpleng tulad ko na minsang nangarap ng isang Grae Andrew Ho ay magkakatotoo at mamahalin niya.
Wala na akong mahihiling pa.
Habang iniisip ko siya ay hindi ko mapigilan ang mapangiti.
Wala sa sariling iniangat ko ang tasa ng kape na nakapatong sa aking mesa. Bahagya ko iyong inilapit sa aking bibig pero bigla ko iyong nabitawan dahilan upang mahulog ito at mabasag.
Para bang bigla akong natauhan ng kumalansing iyon sa sahig. Dadamputin ko na sana iyon ng marinig ko ang pagtunog ng door bell.
Maang akong napabaling sa pinto saka ako tumayo at naglakad papalapit doon.
Saglit akong napangiti dahil para bang alam ko na kung sino iyon. Mabilis ko iyong hinila pabukas.
"Riz."
Lunok.
"H-hanna?"
"Pwede ba tayong mag-usap?" Usal niya.
Napansin kong namumutla ang mukha niya at namumugto ang mga mata.
Hindi ko alam kung paano niya akong natagpuan pero mukhang alam ko na kung ano ang pakay niya sa akin. Si Grae.
Dumiretso kami sa isang malapit na coffee shop. Umorder ako ng kape para sa aming dalawa. Sinimsim niya iyon kaagad ng maiserve ng serbidora.
"Salamat." Anya.
Batid ko ang lungkot sa kanyang mga mata kahit pa nakangiti siya.
"K-kamusta kayo ni Andrew?" Pagkasabi niya niyon ay agad namasa ang kanyang mga mata.
Sasagutin ko ba siya?
Alam kong engaged na sila ni Grae pero hindi ko alam kung naayos na nila ang bagay na iyon.
"Masaya ako dahil nakita ka na niya ulit." Pagkasabi niya niyon ay agad pumatak ang kanyang luha. Hinawi naman niya kaagad iyon. "Alam mo ba, noong nakilala ko si Andrew, pakiramdam ko dinugtungan niya ulit ang buhay ko." Saglit siyang bumaling sa akin pero agad ding nag-iwas ng tingin. "Kahit pa alam kong may mahal siyang iba, hiniling ko parin sa kanya na pakasalan niya ako." Napakagat labi siya. Alam kong pilit niyang pinaglalabanan ang sakit na nararamdaman niya. Huminga siya ng malalim saka nagpatuloy. "Pakiramdam ko ako na ang pinakamasayang tao sa mundo dahil pumayag siya. Ang akala ko mahal niya na din ako pero.." Bahagya siyang napayuko. Suminghap-singhap siya saka nag-angat ng tingin sa akin. "Ikaw parin pala ang gusto niya. Ikaw parin ang mahal niya."
BINABASA MO ANG
WHEN THE SUN KISSED THE RAIN (Completed)
RomanceIsang cute na love story ng isang ordinary teenage girl na maiinlove sa isang easy go lucky guy na ubod ng sama ng ugali. Bangayang aso't pusa na mauuwi sa pagsasama sa iisang bubong. Pero paano kung mainlove si easy go lucky guy sa makulit at kwela...