Part 6

777 47 1
                                    

GUMAPANG si Jadd palapit kay Ramona. Paubos na ang lakas niya. Alam niyang hindi na siya magtatagal. Matinding sakit na ang nararamdaman niya sa buong katawan. Pinakamasakit ang sugat sa kanyang leeg.

"Mona..." Wala nang tunog ang pagbulong ni Jadd sa pangalan ng kaibigan. Sa liwanag na tumatagos sa bintana ng abandonadong building, kitang-kita niya ang matalik na kaibigan na bagsak at duguan. Gusto niyang sumigaw nang malakas pero hindi na sapat ang lakas niya.

Hindi naisip ni Jadd na sa malagim na gabing iyon magtatapos ang dapat ay masayang gabi nila ni Ramona. Sinundan niya ang kaibigan sa probinsiya nito para sa marami niyang masayang plano. Nakalinya ang activities na dapat ay gagawin nila. Magiging masaya pa sila. Masasabi pa niya sa kaibigan ang totoong damdamin...

"Mona..." Sinundan niya iyon ng mas malakas na pag-ungol. Ramdam niya na paubos na ang kanyang lakas. Nanlalabo na rin ang paningin niya pero hindi pa siya dapat mamatay. Hindi siya dapat mamatay na hindi man lang nahawakan ang kamay ni Ramona.

Nagpilit si Jadd na gumapang. Ilang metro lang ang pagitan ng kinabagsakan nila pero parang walang hanggan ang distansiya. Napakabagal niya kahit sa paggapang. Sa huling hawak na lang, hirap na hirap pa siya. Bakit ba pagdating kay Ramona, mabagal siya sa lahat?

At ngayong buo na ang loob niyang magtapat ng totoong damdamin, saka naman sila inatake ng mga hayop at sinaktan.

Mga hayup...

Gumuguhit ang sakit sa lahat ng parte ng katawan ni Jadd pero hindi niya gustong sumuko. Aabutin niya si Ramona. Hihingi siya ng tawad na nabigo siyang pangalagaan ito. Magso-sorry siya sa ilang segundong natitira sa kanyang buhay.

Mas malakas siyang umungol kasabay ng mas paghila sa sarili. Sa wakas, naabot niya ang dulo ng mga darili ni Ramona.

"I-I'm sorry, Mona...I'm so...sorry..." Pinilit ni Jadd na mas ilapit ang sarili hanggang nahawakan nang buo ang kamay nito. Tumulo na nang tuluyan ang kanyang mga luha nang maramdaman ang napakahina na lang at halos hindi na naramdamang paggalaw ng mga daliri ni Ramona sa kamay niya. "Mona..."

Wala nang tunog ang huling banggit niya sa pangalan ng kaibigan. Hinayaan na niya ang sariling mawalan ng lakas at lamunin ng dilim...

Biglang nagising si Jadd. Agad-agad siyang napatayo—gumiwang pa at muntik bumagsak sa lupa. Umatras uli siya pabalik sa katawan ng puno para makasandal. Ilang segundong umikot ang tingin niya sa paligid bago naging malinaw ang blurred na view ng mga puno at ilang malapit na kubo. Hinagod niya ang dibdib, mas sumandal sa puno bago mariing pumikit.

Panaginip lang pala. Hindi na talaga niya matatakasan ang bangungot na iyon. Sa sampung taong nagdaan, ilang taon na rin siyang lumaya pero biglang nagbalik ang lahat isang gabi—ang gabing mag-isa siya sa kuwarto sa hotel, ang gabi na unang beses na nagtama ang mga mata nila ni Xien. Ang kakaibang epekto sa kanya ng babae ang dahilan kaya hinanap at sinundan-sundan niya ito pagkatapos ng pagkikitang iyon. Mabilis din lang niyang naiguhit ang mukha ng babae, at nahanap ang ilang impormasyon tungkol dito.

Gustong alamin ni Jadd kung ano ang mayroon kay Xien para bumalik ang mga bangungot. Pakiramdam niya, may koneksiyon ang babae sa kanyang buhay. Kung bakit at paano, inaalam pa lang niya.

At ngayong pumayag na si Xien na tumira sa Owl Village, mas madali na lang kay Jadd na malaman ang iba pang impormasyon. Ligtas din ang babae—dahil hindi siya papayag na masasaktan ito. Sampung taon na nawalan na ng saysay ang buhay niya. Sa pagdating ni Xien, may rason na naman siyang mag-ingat. Gusto niyang umuwi nang ligtas sa kubo, dahil naroon ang babae at alam niyang naghihintay na umuwi siya.

Nakailang hugot muna ng hininga si Jadd bago lumipat sa bench sa likod ng kinasasandalang puno. Mula nang tumira na si Xien sa kubo, ang katawan na ng punong iyon sa side ng kubo at ang bench ang naging kama niya. Hindi man sabihin ng dalaga, hindi man mabasa ang iniisip nito, ramdam ni Jadd na mas panatag ang babaeng matulog kung wala siya sa loob ng kubo. Hindi niya nanakawin ang oras ng pahinga nito.

Dumilat si Jadd at tumingin sa kubo. Ang lampara na lang ang may sindi, ibig sabihin, matutulog na si Xien.

Matagal na nakatitig lang siya sa kubo, sa isip ay nakikita ang babaeng payapang natutulog sa mismong kama niya.

Sumandal si Jadd sa kinauupuan at pumikit. Parang bagong enerhiya si Xien na dumating sa kanya. Sampung taon nang wala ang ganoong pakiramdam—na may sentro ng atensiyon niya at rason ng bawat ginagawa. Sixteen years old pa lang ay wala na siyang pamilya Namatay sa abroad ang kanyang ina na hindi man lang niya nakasama nang higit sa isang linggo kaya hindi talaga niya kilala. May iba itong pamilya sa Singapore. Hindi na rin siya nakadalaw. Mas kailangan siya ni Lolo Pepeng, ang kanyang naging ina at ama sa loob ng labing-anim na taon. Bedridden na noon ang matanda. Sa pagitan ng ina at ni Lolo Pepeng, mas pinili ni Jadd na manatili sa tabi ng taong hindi siya iniwan.

College si Jadd nang makilala si Ramona. Sa unang araw pa lang ng klase, parang close na agad sila. Alam niyang magiging malapit sila. At tama siya. Naging best of friends sila mula college hanggang pareho na silang naka-graduate. Si Ramona ang naging kapamilya niya. May ilang Christmas na sumasama siyang umuwi sa probinsiya nito para maging memorable naman ang celebration. Lola at bunsong kapatid na lang din ang pamilya ni Ramona.

Pero umuwi sa probinsiya si Ramona nang hindi nagpaalam kay Jadd. Sa sulat na lang niya nalaman ang rason—nag-break ito at ang boyfriend, at siya raw ang dahilan. Walang paliwanag sa sulat at hindi sinasagot ng babae ang mga tawag niya. Nagdesisyon si Jadd na sumunod sa probinsiya nito. Ang plano niya ay umamin na ng totoong damdamin—na college pa lang sila ay mahal na niya ito. Na duwag lang talaga siyang umamin.

Pero huli na ang lahat.

Ang espesyal na gabi ay naging gabi ng trahedya. Hindi na sila umabot sa restaurant kung saan plano ni Jadd na magtapat kay Ramona sa tahimik na dinner.

Inatake sila ng mga bampira.

Namatay si Ramona bago pa man may nakakita sa kanila.

At si Jadd, kasama rin ang existence niya nang ilibing ang kabaong—na hindi niya alam kung kaninong sunog na katawan ang nasa loob.

Kasabay ng pagkamatay ni Ramona, namatay rin si Jadey Estevez. At nabuhay naman si Jadd Estevez, na ang alam ng lahat ay "long lost twin brother" ni Jadey.

Ang big boss lang ang nakakaalam ng katotohanan sa likod ng pagkatao ni Jadd Estevez. 

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon