Kasama
Kakagising lang ng isang dalagita. Nakita niya ang ang isang plantsadong uniporme na nakatupi sa gilid ng kanyang kama.
"Napakamaalagain talaga ni Inay..." sa isip nito.
"Nay! Tay! Papasok na ho ako sa klase!"
Narinig pa niya ang pabilin ng kanyang tatay na mag-iingat.
"Opo! Mag-iingat po ako! Paalam na po!"
Bitbit ang isang kwaderno, siya'y naglalakad sa may hallway papunta sa kanilang silid-aralan. Sa pagpasok pa lang niya, binati kaagad siya ng kanyang mga kaibigang kaklase.
Iba't ibang mga gawain ang kanilang ginawa sa buong maghapon at sabay-sabay pa silang umuwi pagkatapos ng klase kasama ang mga matatalik niyang mga kaibigan.
"Mauuna na ako kaibigan, andyan na ang lolo ko."
Pagpapaalam ng kanyang isang kaibigan. Iwinagayway niya ang kanyang kamay sa ere.
"Paalam! Bukas ulit!"
Nagpatuloy na sila sa paglalakad.
"Kamusta ka ngayon kaibigan? Ikamusta mo pala ako sa mga magulang mo ha?"
Sabi naman ng kanyang matangkad na kaibigang lalake at siya'y tumango at napangiti. Sabik na sabik na siyang umuwi para magkwento sa kanyang mga magulang tungkol sa mga ginawa nila sa klase.
Inihatid pa siya ng kanyang kaibigang lalake sa kanilang bahay at nagpaalam na.
"Inay! Itay! Andito na po ako!" Tawag niya at dali-daling pumasok sa loob.
Nakita niyang nagluluto na pala ng hapunan ang kanyang Inay habang binati naman siya ng kanyang tatay.
Naghanda siya ng tatlong plato sa lamesa at tinawag niya ang kanyang nanay at tatay para sabay na silang kumain.
"Nasan na pala si Ate Itay?" tanong niya at hinanap sa paligid ang kanyang nakakatandang kapatid.
"Aah...di pa pala siya nakakauwi. Sige lang po, magtatabi nalang din ako ng pagkain para sa kanya."
Nagpatuloy ulit sila sa pagkain habang patuloy lang siyang nagkukwento.
"Alam niyo po ba Inay, Itay. Mataas ang nakuha kong marka sa paggawa ng bulaklak na yari sa papel!"
Masayang nakikinig ang kaniyang Nanay at Tatay sa kaniya.
"At di lang ho yun! Binigyan na naman nila ako ng kendi, eto o!"
Ipinakita niya ang isang tableta.
"Sabi raw po nila, kailangan ko raw to kainin araw-araw upang mas lalo akong gumaling sa klase!"
Nginitian lang siya ng kanyang Nanay at Tatay, pagkatapos ay nilagay niya ang kendi sa kanyang bibig at uminom ng tubig.
"Inay? Itay? Asan po kayo?" Tanong niya ngunit wala na siyang nakuhang sagot.
"Sa bukas nalang po ulit Inay, Itay. Mahal na mahal ko
ho kayo kasama na si Ate."Dalawang tao ang nagmamasid sa kanya habang niyayakap ang sarili sa may hugis parihabang salamin. Isang babae at isang lalake.
Napatulo ang luha ng babae habang pinagmamasdan ang nakakabatang kapatid na nag-iisa sa loob ng malawak na silid.
"Kailangan niyo na hong umalis ma'am. Tapos na po ang oras sa pagbisita." saad ng lalake sa babae.
Pinunasan ng babae ang kanyang tumutulong luha at lumabas na ng mental hospital.