Ms. Loveless Cupid

79 0 0
                                    

Hi. Ako nga pala si Sephrina Madamdamin. 

Kung minsan, sa mga baliw kong sandali, tinatawag ko ang sarili ko bilang si Ms. Loveless Cupid. 

Siguro, tinatanong mo na ako sa isip mo ng bakit?

Pero pasensiya na, hindi ko 'din kita mabibigyan ng sagot na kasing linaw ng tubig. Kung magbigay man ako ng paliwanag sa’yo, hula ko hindi mo rin maiintindihan iyon, dahil maski ako, hirap na intindihin kung bakit bigla na lamang ako naging ganito at natagpuang binabasagan ang sarili ko bilang si Ms. Loveless Cupid. 

Basta, pagkatapos ko maaksidente, nagising na lamang ako na nakikita at naririnig ang nilalaman at sinasabi ng puso ng mga taong nasa paligid ko. 

Kung ang ibang tao ay may third eye na tinatawag dahil nakakakita sila ng mga ligaw na kaluluwa, ako naman, wala akong ideya kung anong tawag sa ikatlong mata na bigla na lamang napasaakin dahilan upang maging konektado ako sa mga puso nila. 

Noong una, pakiramdam ko, nababaliw na ako. Sa tuwing naglalakad kasi ako sa maraming tao, halos marindi ang tainga ko sa mga boses na hindi ko malaman kung saan nagmumula. Para 'din akong mabubulag sa tindi ng liwanag na nagmumula sa mga puso nila. 

Wala akong nagawa kundi ang tumakbo, at magkulong na lamang sa kwarto ko kung saan sa tingin ko ay tatahimik ang mundo ko.

Pero nagkamali pala ako. 

Sa kalaliman ng gabi, bigla na lamang akong magigising na may sandamakmak na mga butil ng pawis sa noo at tila kasing lamig ng yelo ang buong katawan ko. Nanginginig ang katawan sa sobrang takot, at halos tumalon ang puso ko sa bilis ng pagkabog niyon.

Nanaginip ako. Pero pakiramdam ko, isa iyong bangungot.

Sa panaginip ko, kinakausap ako ng isang boses ng lalaki. Linga ako ng linga kung nasaan siya. Pero hindi ko makita ni anino niya. 

May sinasabi siya. Pero hindi ko maintindihan dahil ayaw kong intindihin. Basta, may pinapagawa siya pero ayaw kong sundin. 

Nang sinabi ko sa isip ko na magising ka! Magising ka! Bigla na lamang ako napababalikwas sa aking kama, itatanong sa aking sarili kung totoo ba iyon o isa lamang panaginip. Mapapailing na lamang ako, kapag natagpuan ko ang sarili kong pagod sa kakaisip kung ano’ng paliwanag sa nangyari. 

Sa mga sumunod na araw at gabi, hindi na ako tinantanan ng boses na iyon. Pakiramdam ko, nasa tabi ko lamang siya at palaging nakamasid at nakabantay sa bawat galaw ko. 

Kung minsan naman, may sinasabi siya, at mamangha na lamang sa mga susunod na mangyayari. 

Isangdaang porsiyento na talaga akong baliw sa isip-isip ko. 

Pagak akong tumawa sa ideyang pumasok patungkol sa akin. Siguro nga baliw na ako. 

Gayumpaman, abnormal man ang tingin ko ngayon sa sarili ko, tuloy pa rin ang buhay. 

Lumabas na ako ng apartment ko para pumasok na sa aking trabaho. Kailangan kong bumawi dahil ilang linggo na akong absent sa trabaho ko. Sabihin mang mabait is Ma’am Annie, ang boss ko, wala akong karapatan para abusihin ang kabaitang niya sa akin. 

Habang naglalakad ako, siyempre pa, napapalibutan na naman ako ng maraming tao. Halos marindi na naman ang tainga ko, at masilaw sa kulay pulang kinang ng mga pusong nakikita ko. Kakaiba, umaatake na naman ang pagkabaliw ko. Sa isip-isip ko, lumuwag na naman ang turnilyo sa ulo ko. 

Noon biglang may narinig akong boses. Isang pamilyar na boses na tila hanging dumampi sa tainga ko. 

Ipikit ang mga mata,

Payapain ang kalooban, 

Matamang pakinggan ang pusong nagdidikta.

Ang boses nilang nagsusumamong pagtagpuin mo sila. 

Ang mga salitang animo bugtong na kumikiliti sa iyong isip at tainga 

Makinig ka lamang nang mataman, 

At sa huli iyong maiintindihan. 

Kapag nakita mo ang napakagandang liwanag,

Iyon na ang hudyat. Umihip ka mula sa iyong bibig, 

Sa hanging magmumula sa iyo, isama mo ang kapiraso ng iyong pagkatao,

Pati ang malungkot na kaluluwa na bumabalot sa’yo. 

Hangga’t hindi mauubos ang madilim na nasa himaymay mo, 

Mananatili akong liwanag mo.

Saan kaya ako dadalhin nito?

At hanggang kailan ako magiging ganito?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 10, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ms. Loveless CupidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon