Sa buhay empleyado merong dalawang pagpipilian kung tinatamad kang magtrabaho.
A. Una ay umabsent.
1. Kapag umiikot na kaagad sa katawan mo ang katamaran pagkagising pa lang sa umaga ay mag-isip ka na kaagad ng palusot kung bakit ka aabsent. Paalala: dapat ay memoryado mo ang mga dahilang nagamit mo na dati (tip: gumawa ng isang logbook) ng sa gayon ay hindi ka parang sirang plakang nag-uulit lang lagi ng rason ng di pagpasok. Alalahanin na tuso din ang mga bossing.
2. Kapag nakaisip ka na ng magandang dahilan ay agad mag-text o tumawag sa bossing mo, the earlier the better. Kung ayaw mo ng madaming tanong e mag-text ka at kung nais mo namang tumawag ay siguraduhin mong magaling kang umarte kagaya ng kung ikaw ay kunwaring me sakit ay umubo ka ng paunti-unti habang kinakausap ang bossing mo.
3. Matapos mag-text/tumawag ay bumalik sa higaan at magplano ka na ng gusto mong gawin sa buong araw. Malaking posibilidad na magtutulog ka lang buong araw. Sya nga pala, kapag tumawag ang opisina sa kalagitnaan ng araw, laging tandaan ang rasong ginamit (consistent ka dapat), maaari namang i-off mo na lang ang phone mo para hindi ka maistorbo buong araw.
BABALA: Siguraduhing regular ka na sa kumpanyang pinagtratrabahuhan kung ikaw ay mag-aabsent.
B. Pangalawa ay pumasok
Eto ang dapat gawin ng mga empleyado kapag tinatamad magtrabaho pero ayaw umabsent. Ang mga taong ito ay nuknukan ng kapal ng mukha. Ang mga sumusunod na instructions ay napakasimple pero effective. Meron ding oras na nakatakda, magsisismula ng alas ocho ng umaga at magtatapos ng alas singko ng hapon.
1. Pumasok ng sakto sa oras. Huwag kang male-late at huwag ka din namang excited masyado. 8:00
2. Pagdating mo sa opisina ay ilapag mo lang kaagad ang gamit mo sa lamesa at magtungo kaagad sa pantry. Magtimpla ng kape o kung anuman ang iniinom mo pag umaga. Habang nasa loob ay makipag-usap sa mga tao doon, patagalin mo ang usapan (tip: pag-usapan ang mga headline ngayong araw o mga nangyari kahapon sa loob ng opisina). Kung walang tao sa pantry ay mag-yaya ka ng kasama bago pa man pumasok doon. 8:00-8:30
3. Matapos sa pantry ay magtungo na sa lamesa mo dala-dala pa din ang kape, ito ay para hindi ka antukin buong araw. Buksan ang computer. Matapos nito ay buksan ang mailbox mo. Basahin ang mga email…mapabago man o luma. Buksan lahat ng pedeng buksang attachments, makakabuti ito sa pagpapatagal ng oras. O kaya naman ay mag-email ka sa mga kakilala mong matagal mo ng di nakakamusta. Kapag di ka pa nakuntento ay gawing chat ang email (ito ay sa kadahilanang banned na ang halos lahat ng messengers sa mga kompanya…pati google talk di pinalagpas, mga hayop na IT yan). Pano? Mag-email ka sa kakilala mong alam mong merong access sa internet sa mga oras na yon tapos antayin ang reply…wholla! Instant chat session. Sya nga pala, habang ginagawa ang mga nasa taas ay huwag makakalimot inumin ang kape..lalamig ito. 8:30-9:30
3. Matapos ang makabuluhag paggamit ng computer ay magdala ng mga papel-papel at magtungo sa kung saan mo man nais. Mas maganda kung mukha kang aborido hawak ang mga props mo habang papaalis ng lamesa, ito ay para sabihin ng bossing mo sampu ng kasamahan mo sa trabaho na busy ka lagi. Magtungo sa ibang department na me kakilala at makipag-usap ng kung anu-ano. 9:30-10:00
4. Tignan mo nga naman. Alas dies na! Break time na ulit! Pagkatapos mag-lamyerda sa ibang department ay magtungo ulit sa puwesto at ibaba ang mga scratch paper na props. Dalhin ang tasa sa pantry at magtimpla ulit ng panibagong kape, libre ang kape kaya magtimpla ka lang ng magtimpla. Magtungo sa labas kung ikaw ay nag-yoyosi kung di naman ay manatili sa pantry at makipag-usap ka na lang sa mga tao doon. 10:00-10:15
5. Pagkatapos ng break ay bumalik sa lamesa at humarap sa computer (huwag ng magdala ng kape sa lamesa…tama na ang nainom mo, sisikmurain ka na sa sobrang gahaman). Tapos ka na sa mga emails mo, ngayon naman ay mag-internet ka na lang ng kung anik-anik. Pero bago mag-internet ay magbukas ka muna ng office document kahit wala kang balak gawin ang mga ito, makakatulong ang documentong ito mamya. Tapos ay mag-internet ka na. Paalala: dapat ay alerto ka sa mga tao sa paligid mo, kapag alam mong me padating pindutin ang ALT at TAB ng sabay. Ito ay para makapunta sa office document na binuksan mo kanina. Kung mabagal ang iyong reflexes ay dapat mabilis ka sa paggamit ng mouse para ma-click mo agad sa taskbar ung documentong nasabi. Kapag na-master mo na ang technique na ito ay di na mapapansin ng bossing mo na nag-iinternet ka lang sa mga oras na ito. 10:15-12:00
6. Tama na muna ang computer. Lunch break na! Alam mo na ang dapat gawin. 12:00-1:00
7.. Pagkatapos kumain ay gawin ulit ang #5. Habang gingawa ito ay maglabas ulit ng mga scratch papers na para bang me hinahanap. Tandaan na dapat seryoso ang mukha mo habang gingawa ang mga ito (tip: ikunot ang noo para makakuha ng mukhang seryoso). 1:00-3:00
8. Break time na ulit. Ang bilis nga naman ng oras. Hala..punta na ulit sa pantry. Maaari ka na ulit mag-kape at makipag-chikahan. 3:00-3:15
9. Bumalik sa lamesa at guluhin ito sa pamamagitan ng paglabas ng sandamakmak na mga papel. Tapos ay gawin ulit and #5. Tignan ang oras sa computer mo. Kung 4:30 na ay simulan mo ng ayusin ang ginulong lamesa. Mag-ayos ayos ka na din ng sarili. Kung kasing kapal ng adobe ang mukha mo ay magtungo ka ulit sa pantry para mag-kape (tandaan na dapat me kasama sa pantry) o kaya naman ay gawin ang #3. Matapos ang lahat ng ito ay umuwi ka na, para mo ng awa…wala ka na ngang silbi ay nangdadamay ka pa ng iba sa katamaran mo. 3:15-5:00
BABALA: Wag mong ipapabasa ito sa bossing mo kung ayaw mong mawalan ka ng trabaho.